N

Pondo para sa First Responder Student Loan (Pagpapautang para sa Pag-aaral ng Unang Tumutugon sa Panahon ng Krisis) at Training Reimbursement (Pagbabalik ng Ibinayad sa Pagsasanay)

Dapat bang lumikha ang Lungsod ng pondo na magagamit ng Lungsod sa hinaharap upang makatulong sa pagbabalik ng ibinayad ng kuwalipikadong mga empleyado ng Lungsod, kasama na ang mga pulis, bumbero, sheriff, paramedic, rehistradong nars, at dispatser ng 911, para sa mga utang sa pag-aaral at mga programa sa edukasyon at pagsasanay?

 

Kailangan ng panukalang-batas na ito ng 50%+1 botong oo para maipasa.

Buod ng Ballot Simplification Committee (Komite para Gawing mas Simple ang Balota)

Kung Ano Ito Ngayon:

Ibinabalik ng Lungsod ang ibinayad ng mga empleyado para sa may kaugnayan sa trabahong gastos sa edukasyon at pagsasanay, pero hindi ibinabalik ng Lungsod ang perang nauukol sa mga utang sa pag-aaral ng sinuman sa mga empleyado nito.

Walang pondo ang Lungsod kung saan makapaglalagay ang Board of Supervisors (Lupon ng mga Superbisor) (Board o Lupon) at ang Mayor ng pera ng Lungsod o kung saan makatatanggap ng pribadong mga donasyon upang maibalik ang perang nauukol sa utang sa pag-aaral o may kaugnayan sa trabaho na gastos sa edukasyon at pagsasanay.

Pinangangasiwaan ng Department of Human Resources (Departamento ng Kawanihan) ang pag-eempleyo, pagpapaunlad, pagsuporta, at pagpapanatili sa mga nagtatrabaho para sa Lungsod.

Ang Mungkahi:

Lilikha ang Proposisyon N ng pondo ng Lungsod na nakatuon sa pagtulong sa pagbabalik ng ibinayad ng kuwalipikadong mga empleyado sa kanilang mga utang sa pag-aaral at may kaugnayan sa trabaho na gastos sa edukasyon at pagsasanay nang hanggang sa $25,000. Iyon lamang nakapanumpa nang miyembro ng mga departamento ng Police (Pulisya), Fire (Pamamahala ng Sunog) at Sheriff, mga paramedic, Rehistradong Nars, at dispatser, superbisor o tagapag-ugnay ng 911 na nakatutugon sa espesipikong pangangailangan ang kuwalipikadong makatanggap ng bayad mula sa pondo.

Sa hinaharap, maaaring pagpasyahan ng Lupon at ng Mayor na maglagay ng pera ng Lungsod sa pondong ito, pero hindi itatakda sa Lungsod na gawin ito. Maaaring tumanggap ang Lungsod ng pribadong mga donasyon sa pondong ito.

Pahihintulutan ng Proposisyon N ang Departamento ng Kawanihan na lumikha ng programa upang magkaloob ng bayad para sa utang sa pag-aaral at ng pagbabalik ng ibinayad sa edukasyon at pagsasanay ng hanggang sa $25,000 para sa bawat kuwalipikadong empleyado. Magsisimula lamang ang mga pagbabayad na ito kapag naglalaman na ang pondo ng hindi bababa sa $1,000,000 (isang milyong dolyar).

Ang Ibig Sabihin ng Botong "OO": Kapag bumoto kayo ng "oo," gusto ninyong lumikha ng pondo na magagamit ng Lungsod sa hinaharap upang makatulong sa pagbabalik ng ibinayad ng kuwalipikadong mga empleyado ng Lungsod, kasama na ang mga pulis, bumbero, sheriff, paramedic, Rehistradong Nars, at dispatser ng 911, para sa mga utang sa pag-aaral at mga programa sa edukasyon at pagsasanay.

Ang Ibig Sabihin ng Botong "HINDI": Kapag bumoto kayo ng "hindi," ayaw ninyong malikha ang pondong ito.

Pahayag ng Controller (Tagapamahala ng Pinansiya) Tungkol sa "N"

Naglabas na ang Controller ng Lungsod na si Greg Wagner ng sumusunod na pahayag tungkol sa magiging epekto sa pinansiya ng Proposisyon N:

Ibabatay ang gastos sa mungkahing ordinansa sa mga desisyon na isasagawa ng Mayor at ng Lupon ng mga Superbisor sa mga badyet sa hinaharap, dahil hindi maitatakda ng ordinansa ang mga magiging Mayor at Lupon ng mga Superbisor na magkaloob ng pagpopondo para dito at sa anumang iba pang layunin. Sakaling aprubahan ang mungkahing ordinansa ng mga botante, sa aking opinyon ay hindi ito magkakaroon ng epekto, o magiging maliit ang epekto nito sa gastos ng gobyerno nang hanggang sa humigit-kumulang $315,000 taon-taon upang pamahalaan ng mga kawani ang programa kapag naitatag na ito.

Itatatag ng mungkahing ordinansa ang First Responder Student Loan Forgiveness Fund (Pondo para sa Pagkakansela ng Utang sa Pag-aaral ng Unang Tumutugon) (the Fund o ang Pondo). Tatanggap ang Pondo ng pera na ilalaan ng Mayor at ng Lupon ng mga Superbisor o ng pribadong mga donasyon upang masakop ang mga bayad sa utang sa pag-aaral o sa edukasyon ng mga unang tumutugon na ineempleyo ng Lungsod, kasama na ang mga paramedic, rehistradong nars, dispatser ng 911, at nakapanumpa nang mga miyembro ng Police Department, Fire Department, at Sheriff’s Department.

Espesipikong isinasaad ng ordinansa na maaaring magtatag ang Department of Human Resources (DHR) ng programa upang magsimula na sa pagbabayad kapag naglaman na ang Pondo ng hindi bababa sa $1 milyon. Sa hangganang maglalaan ng mga pondo ang Lungsod sa Pondo, maaaring maapektuhan nito ang gastos ng gobyerno, pero nasa antas ito na hindi pa mapagaalaman sa ngayon. Sakaling piliin ng mga gumagawa ng polisiya na pondohan ang programang ito, at sakaling umabot na sa $1 milyon ang Pondo, maaaring magkaroon ang mga gastos sa pamamahala na nasa saklaw ng humigit-kumulang mula $125,000 hanggang $315,000 taon taon para sa isa o dalawang bagong kawani sa loob ng DHR upang mapamahalaan ang Pondo.

Kung Paano Napunta sa Balota ang "N"

Noong Hulyo 30, 2024, bumoto ang Lupon ng mga Superbisor ng 6 sa 4 upang mailagay ang Proposisyon N sa balota. Bumoto ang mga Superbisor ayon sa sumusunod:

Oo: Chan, Dorsey, Engardio, Preston, Safai, Stefani.

Hindi: Mandelman, Melgar, Peskin, Ronen.

Pinahintulutan ang Pagliban: Walton.

 

Ang mga argumento ay opinyon ng mga awtor at hindi siniyasat ng anumang opisyal na ahensiya para sa kawastuhan. Inilimbag ang mga argumento ayon sa pagkakasumite. Hindi iwinasto ang maling spelling o grammar.

Inilalagay ng First Responders (Mga Unang Tumutugon) ng San Francisco ang kanilang mga buhay sa bingit ng panganib. Obligasyon nating ibigay sa kanila ang ating suporta. Sa pamamagitan ng Prop N, makakansela natin ang utang sa pag-aaral ng mga pulis, bumbero, Katuwang ng Sheriff, paramedic, nars, at dispatser ng 9-1-1.

OO sa N!

Mahirap maging First Responder. Nangangailangan ng mahusay na edukasyon ang ganitong mga trabaho—kaya’t madalas na nakalulunod ang utang sa pag-aaral at walang katapusan ang pag-utang. Salamat na lamang at may mga bagong First Responder na patuloy na inilalaan ang sarili sa serbisyo publiko, gayon pa man, sa huli ay napakarami ang umaalis sa trabaho nang dahil sa pinansiyal na hirap. Samantala, nagiging mas mahirap mapanatiling ligtas ang ating Lungsod dahil sa kakulangan sa mga kawani.

Prop N: Pagkakansela sa utang ng mga First Responder.

  • Gagawing mas madali ng Prop N na magrekrut at magpanatili ng mga First Responder.
  • Gagawing mas madali ng Prop N para sa mga First Responder na suportahan ang kanilang mga sarili at ang kanilang mga pamilya.
  • Makatutulong ang Prop N na malutas ang ating mga kakulangan sa mga kawaning pangkaligtasan.

Susuportahan ng Prop N ang ating mga bayani. Sa pamamagitan ng pagbabalik sa ibinayad sa mga utang sa pag-aaral at pagsagot sa mga gastos sa edukasyong may kaugnayan sa trabaho, kinikilala natin ang kanilang sakripisyo at pananagutan sa San Francisco. Hinihikayat natin ang mga First Responder na magpatuloy sa pagpapahusay ng mga kakayahang kinakailangan nila sa pamamagitan ng nagpapatuloy na edukasyon at pagsasanay, at nang sa gayon, mapanatili tayong ligtas sa komplikadong Lungsod.

Makatutulong ang Prop N upang makahikayat at makapagpanatili ng pinakamahuhusay na First Responder. Sa pamamagitan ng paghahandog ng tulong para sa pagbabalik ng ibinayad sa utang sa pagaaral, lilikha ang Prop N ng mas kaakit-akit na landas sa karera para sa posibleng mga kandidato, kung kaya’t makatutulong ito sa San Francisco na makahikayat ng mataas ang kakayahan, may pagsasanay, at may dedikasyong mga First Responder. Sa merkado ng mga trabaho kung saan napakalaki ng kompetisyon, napakahalaga nito.

Paghuhusayin ng Prop N ang pampublikong kaligtasan sa kabuuang hanay. Nangangahulugan ang pagkamit ng kompletong kawanihan sa bawat departamentong para sa pampublikong kaligtasan ng mas ligtas na San Francisco para sa ating lahat.

Samahan ang mga pulis, bumbero, katuwang ng sheriff, paramedic, dispatser ng 9-1-1, nars, at halal na mga opisyal sa kabuuan ng San Francisco: bumoto ng Oo sa N.

www.SupportOurFirstResponders.com

Superbisor Ahsha Safai

Superbisor Shamann Walton

Superbisor Matt Dorsey

Superbisor Joel Engardio

Superbisor Connie Chan

Superbisor Catherine Stefani

Sheriff Paul Miyamoto

Service Employees International Union (Internasyonal na Unyon ng mga Empleyadong Nagbibigay-Serbisyo) Lokal 1021

San Francisco Police Officers Association (Asosasyon ng mga Pulis ng San Francisco)

San Francisco Deputy Sheriffs' Association (Asosasyon ng mga Katuwang ng Sheriff ng San Francisco)

Bumabagtas ang Proposisyon N sa hindi direkta at hindi kinakailangang landas upang mabayaran ang ating mga first responder. Gusto kayong papaniwalain ng mga may-panukala na "kakanselahin nito ang mga utang," pero maging malinaw tayo: Hindi ito magagawa ng San Francisco. Maaari lamang magamit ng Lungsod ang mga pondo ng mga nagbabayad ng buwis upang magbayad ng pribadong utang.

Nakababahala ang pagpapanimula ng ganito, dahil binubuksan ng Proposisyon N ang pintuan sa mahihigpit na paghiling mula sa serbisyo sibil sa kabuuan ng San Francisco, at para sa pagbabawas ng utang sa mortgage debt (pagkakasanla ng bahay).

Bigo ang Proposisyon N na tugunan ang ugat na mga dahilan ng utang sa pag-aaral: pagtaas ng halaga ng edukasyon at hindi sapat na suweldo. Naghahandog ang panukalang-batas ng pansamantalang solusyon ng walang inihahandog na pangmatagalang pinansiyal na katatagan sa ating mga first responder.

Maaaring mabago ng Proposisyon N ang pagrerekrut tungo sa mga kandidatong may mas mataas na utang sa pag-aaral, kung kaya’t mapapaboran ang mga indibidwal mula sa mahal na pribadong mga institusyon nang higit kaysa sa mula sa pampublikong mga kolehiyo at unibersidad, at dahil dito, hindi man sinasadya ay magreresulta ito sa pagkakaroon ng hanay ng mga nagtatrabahong mas kaunti ang mga pagkakaiba-iba at mas hindi nagsasama sa lahat.

Makahihikayat din ito ng maaagang pagreretiro ng mga first responder sa sandaling makansela na ang kanilang mga utang, kung kaya’t mapalalala ang kakulangan ng mga kawani sa panahon ng krisis.

Napakahalaga ng pagsuporta sa mga first responder, pero hindi ang Proposisyon N ang tamang paraan. Bumoto ng HINDI sa Proposisyon N at sa halip ay mag-adbokasiya para sa direktang pagtataas ng suweldo para sa minamahal na mga bayaning ito.

Larry Marso, Esq.

Bagamat kapuri-puri ang pagsuporta sa ating mga first responder, may lamat ang Proposisyon N at posibleng humantong ito sa hindi inaasahang mga kahihinatnan.

Nagtatakda ang Proposisyon N ng nakababahalang pagpapanimula sa pamamagitan ng paggamit ng pera ng mga nagbabayad ng buwis upang mabayaran ang personal na mga utang. Maaaring magbukas ito ng pintuan sa katulad na mahihigpit na kahilingan mula sa kabuuan ng serbisyo sibil sa San Francisco. Kakaunti ang mga rekurso ng Lungsod kung ihahambing sa mga pangangailangan nito, at maaaring magdulot ang paglilipat sa mga pondo tungo sa personal na utang ng masamang epekto sa kritikal na mga serbisyong tulad ng pampublikong kaligtasan, pabahay, at edukasyon.

Bigo ang Proposisyon N na tugunan ang ugat na mga problema na kasama sa mga dahilan ng pagkakaroon ng utang sa pag-aaral ng mga first responder, tulad ng tumataas na gastos sa edukasyon at hindi sapat na suweldo. Naghahandog ang Proposisyon N ng pansamantalang solusyon na maaaring hindi magkaloob ng pangmatagalang katatagan sa pinansiya.

Makahihikayat ang Proposisyon N ng maagang pagreretiro, dahil maaaring mas magkaroon ng tendensiya ang mga first responder na umalis matapos makansela ang kanilang mga utang. Maaaring humantong ito sa kakulangan sa mga kawani sa hanay ng ating mga bumbero, paramedic, at pulis, partikular na sa may karanasang mga kawani na kailangang-kailangan sa panahon ng emergency.

Napakahalaga ng pagsuporta sa ating mga first responder, pero hindi ang Proposisyon N ang pinakamagandang paraan upang magawa ito.

Larry Marso

Si G. Marso ay ehekutibo sa teknolohiya, tagapayo ukol sa M&A, at abugado. Bilang matatag na nag-aadbokasiya para sa responsibilidad sa pinansiyal na mga usapin, nag-awtor ng panukalang-batas sa balota upang magkaroon ng mga regulasyon sa navigation/linkage centers (mga sentrong tumutulong sa walang tahanan o may problema sa paggamit ng droga at iba ang sangkap), nakipagtunggali laban sa korupsiyon at panlilinlang sa ating mga politikal na partido at nonprofit, at miyembro at dating ehekutibo ng lokal na komite ng Republican Party (Partido Republikano), naghandog siya ng may prinsipyong pagtutol.

Itigil ang Malaking Panlilinlang sa mga botante ng San Francisco! Bisitahin ang: https://bigfraud.com

Larry S. Marso

Gaano lamang kasimple iyan: Upang maging lubusang ligtas na malaking lungsod, kailangang suportahan ng San Francisco ang ating mga First Responder—ang mga pulis, bumbero, katuwang ng sheriff, paramedic, nars, at dispatser sa 9-1-1. Nangangahulugan ito ng pagtulong sa kanila na makuha ang edukasyon at pagsasanay na kailangan upang mapanatili tayong ligtas.

Oo sa N: Suportahan ang ating mga First Responder.

Sa palaging nagbabagong mundo, kailangan natin ng mahusay ang pagsasanay at handang mga First Responder na mapanghahawakan ang totoong mga hamon sa ating mga kalye, tatratuhin ang mga taga-San Francisco nang may dignidad at paggalang, at naroroon sa panahong pinakakailangan natin sila.

Gayon pa man, hindi natin maaring simpleng mahihingi ito sa ating mga First Responder. Kailangang suportahan natin sila kapalit ng pagsuporta nila sa atin—kasama na ang pagtiyak na ang kanilang habambuhay na serbisyo publiko sa Lungsod ay hindi magdudulot ng pasanin na nakapagpapagupong utang sa pag-aaral.

Magkakaloob ang Prop N ng pagkakansela ng kabuuan o bahagi ng utang sa pag-aaral para sa mga indibidwal na isinasapanganib ang kanilang buhay araw-araw para sa ating kaligtasan, at nang sa gayon, makapagpanatili tayo at makahikayat ng mahuhusay ang kakayahan na First Responder, na kung hindi magagawa, ay maaaring umalis sa Lungsod para sa pribadong mga posisyon, o maaari pa ngang iwan na nang lubusan ang kanilang piniling propesyon nang dahil sa pinansiyal na kagipitang dulot ng mataas na antas ng pamumuhay, utang sa pagaaral, at kasalukuyang mga gastos sa pagsasanay.

Ang pagsuporta sa ating mga First Responder sa pamamagitan ng Prop N ay matalino praktikal na hakbang tungo sa pangmatagalang katatagan at kaligtasan sa San Francisco at muling pagpapahayag ng pagkilala ng ating Lungsod sa napakahalagang serbisyo ng ating mga First Responder.

OO sa Prop N.

Superbisor Ahsha Safaí

www.SupportOurFirstResponders.com

1

Karapat-dapat ang mga residente ng San Francisco na magkaroon ng ligtas at may seguridad na lungsod at matatag at sapat ang kawanihan na sistema ng mga First-Responder (Unang Tumutugon).

Sa kasalukuyan, humaharap na ang San Francisco sa makasaysayang kakulangan sa mga kawani na nagbabanta na sa kabuuang ecosystem o sistema ng pamumuhay na nauukol sa pampublikong kaligtasan. 

Lilikha ang Prop N pondo para sa pagpapatawad sa utang sa pag-aaral ng mga first responder, na inobatibong panghikayat upang makaakit at makapagpanatili ng karagdagang dispatser ng 911, paramedic, sheriff, bumbero, pulis, at nars na matataas ang kalidad. 

Titiyakin ng wastong kawanihan na mananatiling may laban sa kompetisyon ang ating Lungsod at may kakayahan ito sa epektibong pag-iwas sa krimen at pagtugon sa emergency. 

Samahan ako at bumoto ng OO sa Prop N. 

Miyembro ng Asembleya Matt Haney 

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Support Our First Responders Now! (Suportahan ang Ating mga Unang Tumutugon Ngayon!) Oo sa N.

 

2

Humaharap na ang Sheriff’s Office (Opisina ng Sheriff) ng San Francisco sa kritikal na krisis sa kawanihan na nagbabanta na sa mga kakayahan sa pampublikong kaligtasan at pagtugon sa emergency. 

Kung walang agad na interbensiyon, patuloy na mahihirapan ang Sheriff’s Office nang dahil sa kakulangan sa mga kawani, kaya’t maisasapanganib ang kaligtasan at kagalingan ng ating komunidad.  

Sa pamamagitan ng paglikha ng pondo para sa pagpapatawad ng utang sa pag-aaral, maghahandog ang Prop N ng napakahalagang panghikayat upang makaakit at makapagpanatili ng may kakayahang mga first responder sa merkado ng mga trabahong ito na malaki ang kompetisyon. 

Sa krisis na ito, napakahalaga ng Prop N sa pagtiyak ng mas ligtas na San Francisco.  

Bumoto ng OO sa Prop N. 

San Francisco Sheriff Paul Miyamoto 

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Support Our First Responders Now!  Oo sa N.

 

3

Nahihirapan na ang mga ahensiya para sa pampublikong kaligtasan ng San Francisco dahil sa napakalalang kakulangan sa mga kawani.

Bilang mga First Responder, nasaksihan na namin ang hindi natitinag na pananagutan ng mga naglilingkod sa ating mga komunidad - mga dispatser ng 9-1-1, paramedic, sheriff, pulis, at nars - at naiintindihan ang nakapipinsalang epekto ng mga kakulangang ito. 

Napakahalaga ng pagtatatag ng pondo sa pagpapatawad ng utang sa pag-aaral para sa may dedikasyong mga propesyonal na ito, dahil nababawasan ang kanilang pinansiyal na mga pasanin sa gitna ng tumataas na gastos sa edukasyon, pagsasanay, at pamumuhay. 

Kailangang-kailangan ang panukalang-batas na ito upang manatiling may laban sa kompetisyon sa pag-akit at pagpapanatili sa mga kawaning kailangan natin upang mapanatiling epektibo at matatag ang ating mga ahensiya para sa pampublikong kaligtasan. Titiyakin ng pagsuporta sa pagpapatawad sa utang sa pag-aaral na ang mga nagpoprotekta at naglilingkod sa atin ay magagawa ang kanilang trabaho nang walang pinapasan na mabigat na utang.

Magkaisa tayo sa pagsuporta sa ating mga bayani na naglilingkod sa lahat ng taga-San Francisco.  

Bumoto ng OO sa Prop N. 

Alamin pa ang tungkol dito: https://supportourfirstresponders.com 

Firefighters (Mga Bumbero) Lokal 798 (Mga Bumbero at Paramedic) 

SEIU Loal 1021 (Mga Dispatser ng 911 at mga Nars) 

San Francisco Deputy Sheriffs Association (Asosasyon ng mga Katuwang ng Sheriff ng San Francisco) 

San Francisco Police Officers Association (Asosasyon ng mga Pulis ng San Francisco)

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Support Our First Responders Now! Oo sa N.

Walang Isinumiteng May Bayad na Argumento na Laban sa Proposisyon N