J

Pagpopondo sa mga Programa na Naglilingkod sa mga Bata, Kabataan, at Pamilya

Dapat bang amyendahan ng Lungsod ang Tsarter upang makalikha ng inisyatibang pinangungunahan ng Mayor at ng Superintendente ng School District (Distritong Pampaaralan) na may misyon na tiyakin ang epektibong paggamit ng pondo ng Lungsod para sa mga bata, kabataan, at mga pamilya?

 

Kailangan ng panukalang-batas na ito ng 50%+1 botong oo para maipasa.

Buod ng Ballot Simplification Committee (Komite para Gawing mas Simple ang Balota)

Kung Ano Ito Ngayon:

Pinopondohan ng Lungsod ang mga serbisyo para sa mga bata, kabataan, at kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng Children and Youth Fund (Pondo para sa mga Bata at Kabataan), ng Public Education Enrichment Fund (Pondo para sa Pagpapahusay sa Pampublikong Edukasyon), at ng Student Success Fund (Pondo para sa Tagumpay ng mga Estudyante), at iba pang programa. 

Ang San Francisco Unified School District (Pinagsama-samang Distritong Pampaaralan ng San Francisco, School District) ay hiwalay sa Lungsod at pinatatakbo nito ang sistema ng mga pampublikong paaralan sa San Francisco. Nakatatanggap ang School District ng ilang pondo mula sa Lungsod.

Ang Pondo para sa mga Bata at Kabataan

Sinusuportahan ng Pondo para sa mga Bata at Kabataan ang mga serbisyo para sa mga bata at kabataan na hanggang sa 24 taong gulang. Itinatakda ng Tsarter sa Lungsod na mag-ambag ng nakatuong bahagi ng taunang kita mula sa property tax o amilyar sa pondong ito. Ginagamit ng Lungsod ang mga pondong ito upang magkaloob ng mga serbisyo, kasama na ang pangangalaga sa bata, mga serbisyo sa kalusugan, pagsasanay sa trabaho, serbisyong panlipunan, edukasyon, panlibangan at pangkulturang mga programa, at mga serbisyo upang maiwasan ang mali o labag sa batas na gawain. Kailangang gumasta ang Lungsod ng higit pa sa halagang ginasta nito sa Fiscal Year (taon ayon sa pagpaplano para sa badyet) 2000–2001 upang mapondohan ang mga serbisyong ito. Tinatawag ang halagang ginasta noong Fiscal Year 2000–2001 bilang “Children and Youth Fund Baseline (Pinagsisimulang Halaga ng Pondo para sa mga Bata at Kabataan)."

Ang Pondo para sa Pagpapahusay sa Pampublikong Edukasyon

Sinusuportahan ng Public Education Enrichment Fund (PEEF) ang mga pang-edukasyong programa para sa unang mga taon ng pagkabata at mga programa para sa pangkalahatang edukasyon, kasama na ang sining, musika, isports, at mga aklatan. Itinatakda ng Tsarter sa Lungsod na mag-ambag ng takdang halaga sa pondong ito taon-taon, na iniaayon sa bawat taon. Kailangang gumasta ang Lungsod ng higit pa sa halagang ginasta nito sa Fiscal Year 2002–2003 upang mapondohan ang mga serbisyong ito. Tinatawag ang halagang ginasta noong Fiscal Year 2002–2003 bilang “PEEF Baseline (Pinagsisimulang Halaga ng PEEF)." Bukod sa itinatakdang pondo para sa PEEF, maaaring magkaloob ang Board of Supervisors (Lupon ng mga Superbisor) at ang Mayor ng karagdagang pondo sa School District.

Ang Pondo para sa Tagumpay ng mga Estudyante

Nagbibigay ng pera ang Lungsod mula sa Pondo para sa Tagumpay ng mga Estudyante sa School District at sa indibidwal na mga paaralan para sa mga programang nagpapahusay sa pagtamo ng akademikong tagumpay ng mga estudyante at para sa kagalingan sa pakikisalamuha/pamamahala sa mga emosyon. Itinatakda ng Tsarter sa Lungsod na mag-ambag ng pera sa pondo taon-taon hanggang sa Fiscal Year 2037–2038. Sa Fiscal Year 2024–2025, kailangang maglagay ang Lungsod ng $35 milyon sa pondong ito. Patuloy na tataas ang halagang ito taon-taon, bagamat maaaring maglagay ng mas kaunting pera ang Lungsod sa pondo batay sa ilang sitwasyon.

Ang Mungkahi:

Ang Proposisyon J ay pag-amyenda sa Tsarter na magpapabago sa paraan ng Lungsod sa paggawa ng ebalwasyon sa pagpopondo sa mga serbisyong para sa mga bata, kabataan, at kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng pagsubaybay sa mga kahihinatnan.

Lilikha ang Propisisyon J ng Our Children, Our Families Initiative (Ang Ating mga Anak, Ang Ating mga Pamilya na Inisyatiba, OCOF Initiative o Inisyatiba), na pamumunuan ng Mayor at ng Superintendente ng School District at may kawanihan na bubuuin ng mga empleyado ng Lungsod at ng School District, at sa gayon, matiyak na epektibong nagagamit ang kaugnay na mga pondo. Gagawan ng pangkat na ito ng ebalwasyon ang mga gastos na mula sa Pondo para sa mga Bata at Kabataan at sa PEEF at maghahanda ng taunang ulat para sa Mayor at sa Board of Supervisors, na kailangang aprubahan ang mga gastos na ito bilang bahagi ng proseso ng pagbabadyet.

Itatakda ng Proposisyon J sa School District na mag-ulat ukol sa mga pondo ng PEEF at sa paggasta sa OCOF Initiative taon-taon. Tuwing ikalimang taon, kailangang magsumite ang School District ng mungkahi na maglalarawan kung paano nito pinaplanong gamitin ang mga pondong ito. Nakabatay ang mga kontribusyon ng Lungsod mula sa PEEF tungo sa School District sa hinaharap sa kanilang pagrerepaso at sa pag-apruba sa mungkahi ng Distritong Pampaaralan.

Hindi maaaring palitan ng perang ginasta mula sa Pondo para sa Tagumpay ng mga Estudyante ang pera na kasama na o kasama ang bahagi sa Children and Youth Baseline, sa PEEF Baseline, o iba pang katulad na mga probisyon.

Hindi babaguhin ng Proposisyon J ang minimum o pinakamababa nang pinahihintulutang kontribusyon ng Lungsod sa Pondo para sa mga Bata at Kabataan, sa PEEF, o sa Pondo para sa Tagumpay ng mga Estudyante.

Ang Ibig Sabihin ng Botong "OO": Kapag bumoto kayo ng "oo," gusto ninyong amyendahan ang Tsarter upang malikha ang Ang Ating mga Anak, Ang Ating mga Pamilya na Inisyatiba, at nang matiyak na epektibong nagagamit ang kaugnay na mga pondo.

Ang Ibig Sabihin ng Botong "HINDI": Kapag bumoto kayo ng "hindi," ayaw ninyong gawin ang mga pagbabagong ito.

Pahayag ng Controller (Tagapamahala ng Pinansiya) Tungkol sa "J"

Naglabas na ang Controller ng Lungsod na si Greg Wagner ng sumusunod na pahayag tungkol sa magiging epekto sa pinansiya ng Proposisyon J:

Sa aking opinyon, sakaling aprubahan ng mga botante ang iminumungkahing pag-amyenda sa Tsarter, magkakaroon ito ng malaking epekto sa gastos ng gobyerno na hanggang sa $35 milyon sa FY 2024–25, at tataas ito nang hanggang sa $83 milyon sa FY 2037– 2038 dahil babaguhin nito ang alokasyon ng pagpopondo na kung hindi sana ay maaaring magamit sa General Fund (Pangkalahatang Pondo). Karagdagan dito, ang mga gastos para sa kawanihang susuporta sa mga operasyon ng bagong lilikhain na Ang Ating mga Anak, Ang Ating mga Pamilya na Inisyatiba, ay maaaring nasa saklaw ng mula sa $140,000 hanggang $570,000 taon-taon.

Lilikha ang pag-amyenda ng Ang Ating mga Anak, Ang Ating mga Pamilya na Inisyatiba (ang Inisyatiba), na magkakaroon ng kawanihang bubuuin ng mga opisyal mula sa Lungsod at Unified School District , at nang maiayon ang paggasta ng Lungsod sa mga bata at kabataan sa Outcomes Framework (Balangkas ng mga Kahihinatnan) ng Inisyatiba. Isasaalang-alang ng Board of Supervisors ang mapag-aalaman ng Inisyatiba sa paggawa at pagpapatibay ng badyet ng Lungsod.

Magpapataw ang pag-amyenda ng mga restriksiyon sa Lungsod sa pagkakaloob ng ilang pondo sa School District kung hindi aaprubahan ng Board of Supervisors ang panlimang taon na plano sa paggasta ng School District, kung hindi nakaayon ang paggasta ng Distrito sa nasabing plano sa paggasta at Outcomes Framework, o kung hindi papasok ang School District sa kasunduan sa Lungsod ukol sa pagbabahagi ng datos. Para sa konteksto, noong FY 2023–2024, nagbadyet ang Lungsod ng $91.6 milyon para sa Distrito sa pamamagitan ng Pondo para sa Pagpapahusay sa Pampublikong Edukasyon at ng $7.7 milyon sa pondong nakabatay sa pagpapasya ng kinauukulan. Dahil sa posibleng mga restriksiyon, maaaring magdulot ang mungkahing pag-amyenda ng pagtitipid para sa Lungsod, pero nasa antas ito na hindi pa matukoy sa ngayon.

Pangwakas, babaguhin ng mungkahing pag-amyenda sa Tsarter ang Pondo para sa Tagumpay ng mga Estudyante, na kasalukuyan nang set-aside fund (inirereserbang pondo) sa Tsarter, sa pamamagitan ng paglilinaw na hindi maaaring palitan ng perang nasa pondong ito ang anumang kinakailangang pondo o baseline na nasa Tsarter para sa mga serbisyo sa mga bata at kabataan at sa Pinagsamasamang Distritong Pampaaralan ng San Francisco. Magmula noong pinasimulan ang Pondo para sa Tagumpay ng mga Estudyante, nabilang na ng lungsod ang kabuuan ng mga paglalaan ng Pondo para sa Tagumpay ng mga Estudyante tungo sa baseline spending requirement (pinagsisimulang pangangailangan sa paggasta) ng mga Bata at Kabataan. Sa kasalukuyan, nababalanse ang badyet ng Lungsod sa pamamagitan ng pagsasalikop ng dalawang baseline o pinagsisimulang ito. Ang magkasalikop na halaga ay katumbas ng $11 milyon sa Fiscal Year (FY) 2023–2024, $35 milyon sa FY 2024–25, at $45 milyon sa FY2025–26.

Kung maaaprubahan ang pag-amyenda, maaaring mangailangan ng paglalaan ng Mayor at ng Board of Supervisors ng karagdagang mga pondo para sa mga serbisyo sa mga bata at kabataan, na hanggang sa $35 milyon simula FY 2024–25 at hindi bababa sa $35 milyon kada taon sa loob ng susunod na 14 taon hanggang FY 2037–38, at hanggang sa pinakamataas nang halaga na $83 milyon. Kailangang balansehin ng Lungsod ang mga halagang ito, sa pamamagitan ng bagong mga kita o pagbabawas sa iba pang gastos.

Sakaling maglaan ang Lungsod ng mas malaking pera sa baseline ng mga Bata at Kabataan kaysa sa itinatakda ng baseline na ito, mababawasan ng halagang ito ang epekto sa Pangkalahatang Pondo ng panukalang-batas. Sa ilang nakaraang taon, nakapagbadyet na ang Mayor at ang Board of Supervisors, sa panahon ng normal na proseso ng pagbabadyet, ng mga pondong mas mataas sa minimum na itinatakda ng batas para sa mga serbisyo sa mga bata at kabataan, na may saklaw na mula $63.5 milyon noong FY 2021–22 hanggang sa $1.6 milyon noong FY 2023–24. Kung magaganap ito sa mga badyet sa hinaharap, mababawasan ang pinansiyal na epekto ng mungkahing pag-amyenda sa Tsarter, dahil may mas mababang antas ng bagong pagpopondo na itatakda ng batas upang mapalitan ang kontribusyon ng Pondo para sa Tagumpay ng mga Estudyante sa baseline ng mga Bata at Kabataan.

Mawawalan ng bisa ang Pondo para sa Tagumpay ng mga Estudyante sa Disyembre 31, 2038, maliban na lamang kung muling bibigyang-bisa ito ng mga botante. Sa loob ng susunod na 14 taon kung kailan magiging aktibo ang pondo, magkakaroon ng saklaw ang kabuuang gastos na mula $490 milyon hanggang $930 milyon, at nakabatay ito sa pinansiyal na kalusugan ng Lungsod at pagpapasya sa badyet ng Mayor at ng Board of Supervisors.

Bukod rito, magkakaroon ng saklaw ang tinatayang taunan na gastos para sa mga kawani upang masuportahan ang Inisyatiba na humigit-kumulang mula $140,000 hanggang $570,000 para sa isa hanggang tatlong posisyon sa Department of Children, Youth, and Their Families (Departamento para sa mga Bata, Kabataan, at Kanilang mga Pamilya).

Hindi sinusunod ng mungkahing pag-amyenda ang hindi nakapirmi at pinagtibay ng mga botante na polisiya ng lungsod ukol sa mga set-aside (inirereserbang pondo). Hangad ng polisiyang ito na limitahan ang mga set-aside na nagdudulot ng pagbabawas sa pera ng Pangkalahatang Pondo, na kung hindi gagawin, ay mailalaan ng Mayor at ng Board of Supervisors sa taunang proseso ng pagbababadyet. Para sa konteksto, sa badyet para sa FY 2023–24, ang kabuuang halaga ng lahat ng batayang kinakailangan ay $2.1 bilyon o 30.7% ng humigit-kumulang na badyet ng Pangkalahatang Pondo na $6.8 bilyon.

Tandaan na papalitan ng mungkahing pag-amyenda ang mga tungkulin ng Opisina ng Controller na siyang naghanda ng pahayag na ito.

Kung Paano Napunta sa Balota ang "J"

Noong Hulyo 23, 2024, bumoto ang Board of Supervisors ng 11 sa 0 upang mailagay ang Proposisyon J sa balota. Bumoto ang mga Superbisor ayon sa sumusunod:

Oo: Chan, Dorsey, Engardio, Mandelman, Melgar, Peskin, Preston, Ronen, Safai, Stefani, Walton.

Hindi: Wala.

 

Ang mga argumento ay opinyon ng mga awtor at hindi siniyasat ng anumang opisyal na ahensiya para sa kawastuhan. Inilimbag ang mga argumento ayon sa pagkakasumite. Hindi iwinasto ang maling spelling o grammar.

BUMOTO NG OO SA PROP J UPANG MASUPORTAHAN ANG PAGPAPANAGOT SA BADYET PARA SA MGA BATA

Titiyakin ng Proposisyon J, na panukalang-batas na “Our Children, Our Families (Ang Ating mga Anak, Ang Ating mga Pamilya)” na magpaplano, makikipagkoordinasyon, at mananagot ang Lungsod at ang School District (Distritong Pampaaralan, SFUSD) para sa pondong ginagasta sa mga bata, kabataan, at pamilya upang mapabuti ang mga kahihinatnan. Bagamat palagi nang binibigyan ng prayoridad ng San Francisco ang ating mga bata, may pangangailangang magkaroon ng higit na kabukasan sa pagsisiyasat at kahusayan sa paraan ng paglalaan natin ng pondo, at nang sa gayon, matugunan natin ang dumaraming mga pangangailangang hindi natutugunan at mapabuti ang mga kahihinatnan.

Gagawin ng panukalang-batas na ito ang mga sumusunod nang hindi nagtataas ng buwis at sa pamamagitan ng paggamit sa mga rekursong mayroon na tayo:

  • Makikipag-ugnay at mag-aayon ng gawain sa Mga Departamento ng Lungsod at sa SFUSD upang makabuo ng pinag-isang Plan and Outcomes Framework (Balangkas para sa Plano at mga Kahihinatnan) na magpapabuti sa mga kahihinatnan para sa mga bata at kabataan
  • Titiyakin ang pananagutan at kahusayan sa pagbabadyet at nang matarget ang mga programa na tumutugon sa pinakakailangan at nakatuon sa pagkakaroon ng mga resulta at nakaayon sa pinag-isang Plano
  • Higit pang maging bukas sa pagsisiyasat at nang malaman natin kung ano ang ginagastusan natin para sa mga bata at masukat kung epektibo ito

Ang Prop J ay tungkol sa mahusay na pamamahala. Ang Prop J ay tungkol sa pagtiyak na bawat dolyar na ginagasta natin sa mga bata ay nakatarget upang magkaroon ng pinakamahusay na maaaring makamit na mga resulta batay sa naitakda nang mga kahihinatnan.

Pakisamahan kami sa pagtiyak na matutupad natin ang ating pangako sa mga bata ng lungsod at kanilang kinabukasan! Bumoto ng Oo sa Prop J!

Superbisor Myrna Melgar

Superbisor Hillary Ronen

Superbisor Shamann Walton

Superbisor Catherine Stefani

Superbisor Ahsha Safai

Superbisor Matt Dorsey

Superbisor Joel Engardio

Superbisor Dean Preston

Superbisor Rafael Mandelman

Komisyoner ng School Board (Lupon ng mga Paaralan) Jenny Lam

Komisyoner ng Lupon ng mga Paaralan Alida Fisher

Walang Isinumiteng Kontra-argumento sa Argumento ng May-Panukala na Pabor sa Proposisyon J

Walang Isinumiteng Argumento ng Katunggali Laban sa Proposisyon J

Walang Isinumiteng Argumento ng Katunggali Laban sa Proposisyon J

Walang Isinumiteng May Bayad na Argumento NA PABOR sa Proposisyon J

Walang Isinumiteng May Bayad na Argumento NA LABAN sa Proposisyon J