F

Pag-eempleyo sa mga Pulis at Naipagpapaliban na Pagreretiro

Dapat bang amyendahan ng Lungsod ang Tsarter upang mabigyan ng depinisyon ang terminong “full-duty sworn officer (pulis na buong panahon ang paglilingkod at nakapanumpa nang susuportahan ang Konstitusyon)”; itakda sa Police Chief na gumawa ng ulat at rekomendasyon sa pag-eempleyo sa hinaharap ng mga full-duty sworn officer sa Police Commission (Komisyon ng Pulisya) tuwing ikatlong taon sa halip na tuwing ikalawang taon; itakda sa Police Commission na mag-ulat taon-taon sa Board of Supervisors ukol sa pag-eempleyo sa Police Department (Departamento ng Pulisya); at lumikha ng panlimangtaon na programa kung saan maaaring magkaroon ng muling pagtatalaga kung kaya’t patuloy na makapagtatrabaho ang mga pulis para sa Police Department matapos magretiro, nang ipinagpapaliban ang mga bayad na pensiyon habang nagtatrabaho pa sila?

 

Kailangan ng panukalang-batas na ito ng 50%+1 botong oo para maipasa.

Buod ng Ballot Simplification Committee (Komite para Gawing mas Simple ang Balota)

Kung Ano Ito Ngayon:

Ang Police Commission (Commission o Komisyon) ang nangangasiwa sa Departamento ng Pulisya ng San Francisco. Itinatakda ng Tsarter na magsumite ang Hepe ng Departamento (Police Chief o Hepe ng Pulisya) ng ulat kada ikalawang taon sa Komisyon. Inilalarawan sa ulat na ito ang kasalukuyang bilang ng mga full-duty sworn officer at nagrerekomenda ng sapat na mga antas ng pag-eempleyo ng mga full-duty sworn officer para sa susunod na dalawang taon. Dapat isaalang-alang ng Komisyon ang ulat at rekomendasyong ito kapag inaprubahan nito ang badyet ng Departmento.

Hindi binibigyan ng depinisyon ng Tsarter ang terminong "full-duty sworn officers."

Ang San Francisco Employee Retirement System (Sistema sa Pagreretiro ng mga Empleyado sa San Francisco) ang sistema para sa pagreretiro at pagbibigay ng pensiyon sa mga empleyado ng Lungsod. Sa ilalim ng Tsarter, kuwalipikado ang mga pulis sa mga benepisyo ng pagreretiro, nang may ibinabayad sa kanilang pensiyon batay sa kanilang suweldo, edad, at haba ng serbisyo. Hindi pinahihintulutan ng Tsarter ang mga empleyado ng Lungsod, kasama na ang mga pulis, na patuloy na magtrabaho nang full time para sa Lungsod matapos ang pagreretiro. Gayon pa man, maaaring muling i-empleyo ng Lungsod ang retirado nang mga empleyado ng Lungsod upang magtrabaho ng limitadong bilang ng mga oras taon-taon habang kumokolekta pa rin ng mga benepisyo sa pagreretiro.

Ang Mungkahi:

Aamyendahan ng Proposisyon F ang Tsarter upang mabigyang depinisyon ang terminong “full-duty sworn officer” at nang mangahulugan ito na full-time officer (pulis na buong panahon ang paglilingkod),” maliban na lamang sa mga nakaliban nang pangmatagalan, mga rekrut na nagsasanay sa Pampulisyang Akademya, at mga pulis na nakatalaga sa San Francisco International Airport. Upang mabawasan ang administratibong pasanin, itatakda ng panukalang-batas sa Hepe ng Pulisya na magbigay ng ulat tuwing ikatlong taon, sa halip na tuwing ikalawang taon, ukol sa kasalukuyang full-duty sworn officers at magrekomenda sa Komisyon ng magiging kawanihan sa hinaharap. Taon-taon na mag-uulat ang Komisyon sa Board of Supervisors (Lupon ng mga Superbisor, Board o Lupon) ukol sa pag-unlad ng Departamento sa pagtugon sa mga tunguhin sa pag-eempleyo, kasama na ang tunguhin na paramihin ang representasyon ng kababaihan sa Departamento tungo sa 30% ng bagong mga rekrut pagsapit ng 2030.

Magtatatag ang Proposisyon F ng Deferred Retirement Option Program (Programa para sa Opsiyon na Ipagpaliban ang Pagreretiro, DROP) para sa kuwalipikadong mga pulis. Maaaring makalahok dito ang full-duty na mga pulis na may ranggong Opisyal, Sarhento, at Inspektor, at hindi bababa sa 50 taong gulang at mayroon nang hindi bababa sa 25 taon ng kuwalipikadong serbisyo sa Departamento o sa iba pang ahensiya para sa pagpapatupad ng batas. Patuloy na makapagtatrabaho nang full-time para sa Departamento ang mga kalahok nang tumatanggap ng kasalukuyan nilang suweldo at kasalukuyang antas ng mga benepisyo. Kailangang pumayag ang mga kalahok na magsagawa ng trabahong pagpapatrolya sa komunidad o ng mga imbestigasyon, anuman ang gawain na dating nakatalaga sa kanila. Pahihintulutan lamang ang mga kalahok na makasama sa programa nang hanggang sa limang taon. Ang mga bayad sa pensiyon na dapat sanang nakolekta ng kalahok sa panahon ng pagreretiro ay ilalagay sa account na ipinagpapaliban ang pagbabayad ng buwis at may nakukuhang interes. Kapag nagwakas na ang takdang panahon ng DROP, kailangang tumigil na ang mga kalahok sa pagtatrabaho para sa Lungsod, at makatatanggap na sila ng naipagpaliban na buwanang ibinabayad na pensiyon nang may interes. Maaaring limitahan ng Board ang bilang ng mga kalahok sa DROP.

Bibigyang-awtorisasyon ng Proposisyon F ang programang DROP para sa pinaka-unang takdang panahon na limang taon. Pagkatapos nito, magkakaroon ng awtoridad ang Lupon na ipagpatuloy ang programa tuwing ikalimang taon hanggang sa mawalan ito ng bisa.

Ang Ibig Sabihin ng Botong "OO": Kapag bumoto kayo ng "oo," gusto ninyong amyendahan ang Tsarter upang mabigyan ng depinisyon ang terminong “full-duty sworn officer”; itakda sa Hepe ng Pulisya na gumawa ng ulat at rekomendasyon sa pag-eempleyo sa hinaharap ng mga full-duty sworn officer sa Komisyon ng Pulisya tuwing ikatlong taon sa halip na tuwing ikalawang taon; itakda sa Komisyon na mag-ulat taon-taon sa Lupon ukol sa pag-eempleyo sa Departmento; at lumikha ng panlimang-taon na programa kung saan maaaring magkaroon ng muling pagtatalaga kung kaya’t patuloy na makapagtatrabaho ang mga pulis para sa Departmento matapos magretiro, nang ipinagpapaliban ang mga bayad na pensiyon habang nagtatrabaho pa sila.

Ang Ibig Sabihin ng Botong "HINDI": Kapag bumoto kayo ng "hindi," ayaw ninyong gawin ang mga pagbabagong ito.

Pahayag ng Controller (Tagapamahala ng Pinansiya) Tungkol sa "F"

Naglabas na ang Controller ng Lungsod na si Greg Wagner ng sumusunod na pahayag tungkol sa magiging epekto sa pinansiya ng Proposisyon F:

Sa aking opinyon, sakaling aprubahan ng mga botante ang iminumungkahing pag-amyenda sa Tsarter, magkakaroon ito ng malaking epekto sa gastos ng gobyerno. Batay sa kasalukuyang actuarial, o gumagamit ng istatistika, na mga ipinagpapalagay at polisiya ng Sistema ng Pagreretiro, magreresulta ang pagamyenda ng mas mataas na gastos sa Lungsod, na mula $600,000 hanggang $3 milyon sa unang taon. Sa susunod na mga taon, ang epekto sa gastos ay nasa saklaw ng pagtitipid na humigitkumulang $300,000 hanggang sa paggasta ng humigit-kumulang $3 milyon taon-taon pagdating ng ikalimang taon ng programa.

Muling itatatag ng mungkahing pag-amyenda sa Tsarter ang Deferred Retirement Option Program (DROP). Inaprubahan na ng mga botante ang naunang bersiyon ng DROP noong Pebrero 2008 (2008 DROP), na nagwakas noong 2011 nang bumoto ang Lupon ng mga Superbisor na huwag nang ipatupad muli ang DROP. Tatanggap ang mga kalahok sa DROP ng suweldo at ng DROP account, kung saan idedeposito ng San Francisco Employees’ Retirement System (SFERS) ang mga bayad na pensiyon na may garantisadong 4% interes. Hindi magiging kuwalipikado para sa promosyon ang mga kalahok. Kaiba sa 2008 DROP, espesipikong nakasaad sa mungkahing pag amyenda sa Tsarter na hindi kuwalipikado ang mga tinyente at kapitan, at kailangang sumangayon ang mga pulis na kalahok sa DROP na magtrabaho sa labas o sa mga imbestigasyon. Inililinaw din ng pag-amyendang ito sa Tsarter na hindi maaaring lumahok sa DROP ang mga pulis kung nag-apply sila at natanggap na ang pagreretiro batay sa kapansanan.

Nakabatay ang eksaktong gastos ng Lungsod sa DROP sa mga pagpapasya ukol sa pagreretiro ng indibidwal na mga pulis. Batay sa mga pagtataya mula sa SFERS, kung nagpatuloy sa pagtatrabaho ang mga pulis at hindi nagretiro, at sa halip ay pinili ang paglahok sa DROP, tataasan ng DROP ang gastos para sa kontribusyon ng taga-empleyo sa pensiyon ng Lungsod nang $600,000 sa FY 2025–26 at pagkatapos ay magkakaroon ito ng pagtitipid na humigit-kumulang $200,000 hangang $400,000 taontaon sa pagitan ng FY 2026–27 at FY 2029–30. Kaiba rito, kapag pumasok ang mga pulis sa DROP sa panahon na dapat sanang magreretiro na sila, tataas ang gastos sa kontribusyon ng taga-empleyo sa pensiyon ng Lungsod nang $3 milyon sa FY2025–26, bababa nang kaunti tungo sa $2.6 milyon sa FY 2026–27 at FY 2027–28, at tataas muli tungo sa humigit-kumulang $3 milyon pagsapit ng FY 2029–30.

Tuwing ikalimang taon, kung hindi man mas maaga pa rito, itatakda sa Lungsod na gawan ng ebalwasyon ang net cost effect (epekto sa gastos matapos mabawas ang pakinabang) ng DROP. Matapos ang limang taon, kailangang muling bigyan ng awtorisasyon o wakasan ng Lupon ng mga Superbisor ang DROP. Kung isasaalang-alang ang kasalukuyang antas ng pagkakaroon ng mga kawani ng pulisya at ang halaga ng pag-eempleyo, malamang na hindi mababawasan ng DROP ang gastos ng SFPD sa pag-eempleyo sa maiksing panahon.

Noong 2011, nataya na gagasta ang Lungsod ng humigitkumulang $6 milyon taon-taon para sa 2008 na DROP, at nasa anyo ito ng mas mataas na kontribusyon ng Lungsod sa pensiyon bilang taga-empleyo. Bagamat ipatutupad ang pag-amyendang ito sa mas kaunting empleyado kaysa sa bersiyon noong 2008, iminumungkahi ng karanasan sa kasaysayan na mas malamang na magkaroon ng bagong gastos ang Lungsod kaysa sa pagiging cost neutral (walang pagbabago sa gastos) o pagkakaroon ng natipid na pera.

Binibigyang-depinisyon din ng mungkahing pag-amyenda ang “Full-Duty Sworn Officer” at binabawasan ang dalas ng itinatakdang pag-uulat ng Hepe ng Pulisya ukol sa mga antas ng pag-eempleyo sa Komisyon ng Pulisya mula tuwing ikalawang taon tungo sa tuwing ikatlong taon. Maaaring magkaroon ng kaunting pagtitipid ang gobyerno nang dahil sa pinadalang na pag-uulat na ito, pero nasa antas ito na hindi pa matataya sa ngayon.

Kung Paano Napunta sa Balota ang "F"

Noong Hulyo 23, 2024, bumoto ang Board of Supervisors ng 8 sa 3 upang mailagay ang Proposisyon F sa balota. Bumoto ang mga Superbisor ayon sa sumusunod:

Oo: Chan, Dorsey, Engardio, Mandelman, Melgar, Peskin, Safai, Stefani.

Hindi: Preston, Ronen, Walton.

 

Ang mga argumento ay opinyon ng mga awtor at hindi siniyasat ng anumang opisyal na ahensiya para sa kawastuhan. Inilimbag ang mga argumento ayon sa pagkakasumite. Hindi iwinasto ang maling spelling o grammar.

BUMOTO NG OO SA F — PARA SA SFPD NA KOMPLETO ANG KAWANIHAN

Mapipigilan ng Proposisyon F ang kasalukuyang pagkabawas sa mga pulis sa pamamagitan ng paglikha ng malakas na panghikayat para sa mga pulis, inspektor, at sarhento ng SFPD na nasa unahan ng mahahalagang gawain, at nang maipagpaliban ang pagreretiro ng hanggang sa limang taon, at sa gayon, makapagtuon sila sa pagpapatrolya sa mga komunidad at sa mga imbestigasyon.

Lubhang may kakulangan sa mga kawani ang Police Department (Departamento ng Pulisya) ng San Francisco.

  • Kulang ang SFPD ng mahigit sa 500 sa 2,074 na full-duty (buong panahon ang paglilingkod) na pulis na kinakailangan upang mapanatiling ligtas ang San Francisco.
  • Taon-taon magmula noong 2019, nabawasan na ang SFPD ng mas maraming pulis kaysa sa kaya nitong marekrut. Mas nakababahala pa rito: halos 450 pulis ang magiging kuwalipikado na para sa pagreretiro pagsapit ng 2030.
  • Maaaring humantong ang bilis ng pagreretiro sa halos 40 porsiyento na kakulangan sa mga kawani ng SFPD sa loob ng limang taon.

Naisasapanganib ang kaligtasan ng publiko ng matagalang kakulangan sa mga kawani ng pulisya.

  • Nagdudulot ito ng pagkaantala sa bilis ng pagtugon sa mga tawag sa 911 at lalo pang naaapektuhan ang kaligtasan ng ating mga residente, maliliit na negosyo, at mga turista.
  • Pinananatili nito ang reputasyon na may kawalan ng pagsunod sa batas at puno ng kriminal na gawain ang ating Lungsod.
  • Pinupuwersa nito ang mga nagbabayad ng buwis na gumasta nang malaki sa pag-o-overtime ng mga pulis — nang hanggang sa halos 20 porsiyento ng badyet sa mga suweldo ng SFPD — upang mabayaran nang mas malaki ang mas kaunting pulis at sa gayon ay matugunan ang ating batayang mga pangangailangan para sa kaligtasan.
  • Nagbibigay ito ng labis na pasanin sa ating pagtugon sa mga emergency, kung kaya’t may panganib na magkaroon ng burnout o labis na pisikal at emosyonal na kapaguran at nagdudulot ng hindi kinakailangang paghihirap sa katawan at isipan ng first responders o mga unang tumutugon sa ating Lungsod.

Makatutulong ang Prop F upang magkaroon tayo ng SFPD na kompleto ang kawanihan at mapabubuti ang kaligtasan ng publiko.

  • Pagbubutihin ng Prop F ang pag-uulat ng SFPD at nang mas mahusay na masubaybayan ang pagrerekrut ng mga pulis at matupad ang pangako ng San Francisco na magrerekrut ito ng higit na mas maraming babaeng pulis pagsapit ng 2030.
  • Ang Prop F ay matipid at may limitasyon sa panahon na plano upang maantala ang pagreretiro ng mga pulis habang inaayos ng San Francisco ang ating krisis sa pagrerekrut ng mga pulis.

Alamin pa ang tungkol dito sa: FullyStaffSFPD.org

Superbisor Matt Dorsey

Presidente ng Board (Lupon) Aaron Peskin

Superbisor Catherine Stefani

Superbisor Myrna Melgar

Superbisor Rafael Mandelman

Superbisor Ahsha Safaí

Superbisor Connie Chan

Superbisor Joel Engardio

BUMOTO NG HINDI SA F: HINDI TAYO PANANATILIHING LIGTAS NG DOUBLE-DIPPING O PAGKUHA NG PERA MULA SA DALAWANG PINAGMUMULAN

Nililinlang ang mga botante ng mga may-panukala. Karamihan sa argumento nila ay walang sinasabi kung ano talaga ang ginagawa ng Prop F.

Sinasabi nila na lubos na may kakulangan sa mga kawani ang Police Department (Departmento ng Pulisya) ng San Francisco, pero karamihan sa mga pulis ay umaalis matapos ang 6 o 7 taon. Ipatutupad lamang ang Prop F sa mga pulis na may 25+ taon na ng serbisyo.

Sinasabi nilang nasa mahirap na sitwasyon ang mga nagbabayad ng buwis dahil sa pagbabayad ng napakalalaking gastos nang dahil sa overtime, na 20% ng badyet sa suweldo ng SFPD, pero pupuwersahin ng Prop F ang mga nagbabayad ng buwis na bayaran ang senior o nakatataas na pulis ng dalawang beses sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa kanilang mag-double dip o kumuha ng pera mula sa suweldo at sa nakabangkong bayad na pensiyon nang magkasabay, kung kaya’t mapahihintulutan ang ilang indibidwal na pulis na kumita ng hanggang sa kalahating milyong dolyar.

Ang alam natin mula sa pagsubok sa parehong programa sa pagitan ng 2008 at 2011 ay:

  • Ibinenta ito bilang cost-neutral o walang pagbabago sa gastos, pero napatunayan na napakamahal pala nito.
  • Naglabas ang Controller (Tagapamahala ng Pinansiya) ng ulat na nagsasaad na hindi nakatulong sa pagrerekrut o sa pagpapanatili ng mga pulis ang programa.
  • Maagang nagreretiro ang mga pulis upang makalahok sila sa programa at karaniwan nang nakapag-uuwi sila ng $200,000+.

Sinasabi ng SFPD na tumataas na ang bilang ng mga narerekrut at bumalik na ang laki ng mga klase sa mga antas nito noong 2019.

Tulungan kaming magkaroon ng proteksiyon laban sa maling impormasyon at mamuhunan sa mga programa na talagang nakapagpapanatili sa ating kaligtasan.

Bumoto ng hindi sa Prop F.

American Civil Liberties Union (Amerikanong Unyon para sa mga Karapatang Sibil, ACLU) ng Hilagang California

Chinese for Affirmative Action (Mga Tsino para sa Pag-aksiyong Pabor sa mga Nakararanas ng Diskriminasyon)

Superbisor ng Distrito 9 Hillary Ronen

Superbisor ng Distrito 5 Dean Preston

Superbisor ng Distrito 10 Shamann Walton

Pampublikong Tagapagtanggol* Mano Raju

Komisyoner ng Pulisya* Jesus Yáñez

Dating Komisyoner ng Pulisya* Bill Ong Hing

*Para lamang sa layunin ng identipikasyon; lumalagda ang awtor bilang indibidwal at hindi sa ngalan ng organisasyon.

MAGSABI NG HINDI SA PROP F: Mapaglustay, hindi epektibo, at hindi makatarungan.

Ang Proposisyon F ay muling paggawa ng insider o indibidwal na maraming koneksiyon sa City Hall ng polisiya na nasubukan na at naging malaking kabiguan. Ang pagboto ng Oo sa F ay boto para sa napakamahal na programa na hindi kayang bayaran ng mga taga-San Francisco, at hindi tayo nito mapananatiling mas ligtas.

  • MAPAGLUSTAY: Pupuwersahin ng Proposisyon F ang mga nagbabayad ng buwis na bayaran ang ilang indibidwal na pulis ng hanggang sa KALAHATING MILYONG DOLYAR sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa kanilang mag-double-dip o kumuha ng suweldo at ng naka-bangko na mga bayad na pensiyon. Hindi ito magdaragdag ng kahit na isang pulis sa mga ranggo ng SFPD kahit marami ang nakakaalam ng tungkol sa kakulangan sa mga kawani. Ang pagbabayad ng paparetirong mga pulis nang dalawang beses—kasama na ang mga nagreretirong nasa ilalim ng imbestigasyon dahil sa maling pag-asal—ay hindi mapupunan ang daan-daang pulis na malapit nang magretiro taon-taon.
  • HINDI EPEKTIBO: Sinubukan na ng San Francisco ang programang ito noong 2008 at wastong iniwan ito noong 2011 dahil walang ebidensiya na nakatulong ito sa lungsod upang makapagpanatili o makapagrekrut ng mga pulis. Walang dahilang ibinibigay ang Proposisyon F upang balikan ang panahong iyon at isagawang muli ang mahal at hindi epektibong ideya, lalo na sa panahon na naaprubahan na natin ang pinakamalaking plano para sa pagpapanatili sa trabaho sa kasaysayan ng Lungsod, at binibigyan na natin ang senior na mga pulis ng malaking bayad para manatili sa trabaho, na nasa 17% ng kanilang mga suweldo ngayong taon na ito at 20% pagsapit ng 2026.
  • HINDI MAKATARUNGAN: Walang sinuman sa iba pang kawani para sa pampublikong kaligtasan ng San Francisco – Mga bumbero, social worker, dispatser ng 911 – ang tumatanggap ng gayong kalalaking benepisyo para sa pananatili sa trabaho kahit na humaharap ang kanilang mga pinagtatrabahuhan sa malalaking kakulangan sa mga kawani.

Habang humaharap ang San Francisco sa napakalaking kakulangan sa badyet, bawat dolyar na sasayangin natin sa Proposisyon F ay dolyar na hindi natin magagamit upang matugunan ang aktuwal na mga inaalala ukol sa kaligtasan ng publiko.

Bumoto ng HINDI sa Proposisyon F.

American Civil Liberties Union (Amerikanong Unyon para sa mga Karapatang Sibil, ACLU) ng Hilagang California

Asian Law Caucus (Pulong ng mga Asyano ukol sa Batas)

Chinese for Affirmative Action (Mga Tsino para sa Pag-aksiyong Pabor sa mga Nakararanas ng Diskriminasyon)

Superbisor ng Distrito 9 Hillary Ronen

Superbisor ng Distrito 5 Dean Preston

Superbisor ng Distrito 10 Shamann Walton

Pampublikong Tagapagtanggol* Mano Raju

Komisyoner ng Pulisya* Jesus Yáñez

Dating Komisyoner ng Pulisya* Bill Ong Hing

*Para lamang sa layunin ng identipikasyon; lumalagda ang awtor bilang indibidwal at hindi sa ngalan ng organisasyon.

BILANG MGA PROPESYONAL SA PAGPAPATUPAD NG BATAS, MAGALANG NAMING HINIHILING SA MGA TAGA-SAN FRANCISCO NA SAMAHAN KAMI SA PAGSUPORTA SA PROP F

Bilang kasalukuyan at dating mga hepe ng pulisya ng San Francisco — na nagsusulat sa aming personal na mga kapasidad — at kasama ang mga organisasyon sa paggawa na kumakatawan sa mga pulis na nakapanumpa nang poprotektahan ang ating Lungsod, hinihikayat namin ang mga taga-San Francisco na suportahan ang Proposisyon F.

Ayon sa independiyenteng nabuo na metodolohiya na nakabatay sa dami ng gawain at napagtibay na ng mga botante noong 2020, kasalukuyang nangangailangan ang San Francisco ng 2,074 na full-duty na mga pulis upang sapat na maprotektahan ang kaligtasan ng publiko sa kabuuan ng lungsod. Sa kasamaang palad...

  • kasalukuyang kulang ang SFPD ng mahigit sa 500 pulis upang matugunan ang rekomendadong antas ng kawanihan; at
  • magkakaroon ang SFPD ng halos 450 pulis na kuwalipikado nang magretiro sa loob ng susunod na limang taon.

Bagamat nagsisimula na ang SFPD na magkaroon ng tunay na pag-unlad sa pagrerekrut ng bagong mga pulis, kinakailangan ang ambisyosong plano para sa pagpapanatili sa trabaho na tulad ng Prop F upang magkaroon ang San Francisco ng karapat-dapat nitong pulisya na kompleto ang kawanihan.

Hindi natatangi ang San Francisco sa malalaking lungsod na nakikipagkompetensiya upang malutas ang minsan sa isang henerasyon na krisis sa kakulangan ng mga kawaning pulis sa kabuuan ng bansa. Gayon pa man, sa Lungsod kung saan umaasa ang ekonomiya sa pagiging ligtas at sa malugod na pagtanggap sa mga nagbibiyahe papunta sa trabaho, turista, kumbensiyon, at sa sarili nating mga residente, talagang hindi kaya ng San Francisco na magkaroon ng SFPD na kulang sa mga kawani.

Maingat na nalikhang plano ang Prop F na makatutulong...

  • Bigyan ng panghikayat ang may karanasan nang mga pulis upang ipagpaliban ang pagreretiro nang hanggang limang taon;
  • Bigyang-diin ang pagpapatrolya sa mga komunidad at mga imbestigasyon;
  • Gawing mas kaunti ang mahal na mga overtime;
  • Paghusayin ang pangangasiwa upang makapagrekrut ng mas maraming babaeng pulis;
  • Palawakin ang mga pagsusumikap para sa civilianization (pagtatalaga ng ilang gawain sa mga sibilyan); at
  • Tuparin ang pangako na magkakaroon ng pagrereporma sa pulisya sa ika-21 siglo.

Hinihikayat namin kayo na bumoto ng Oo sa Prop F.

William Scott, Hepe ng Pulisya*

Greg Suhr, Dating Hepe ng Pulisya*

San Francisco Police Officers Association (Asosasyon ng mga Pulis ng San Francisco)

*Para lamang sa layunin ng identipikasyon; lumalagda ang awtor bilang indibidwal at hindi sa ngalan ng organisasyon.

1

Bumoto ng oo sa Panukalang-batas F. 

Napakahalaga ng pampublikong kaligtasan. Kailangan ng SF ng mas maraming pulis upang maprotektahan at mapaglingkuran ang mga residente. Babaguhin ng panukalang-batas na ito ang mga pamantayan sa pagtatakda ng inererekomendang mga antas para sa nakapanumpa nang mga pulis at sa pagbabago ng mga antas para sa Hepe ng Pulisya sa pagsusumite ng ulat ukol sa kawanihan mula sa tuwing ikalawang taon tungo sa tuwing ikatlong taon. 

Kung wala ang mga tagapagpatupad ng batas at ang ating sistema para sa pagpapatupad at pagpapanagot sa batas, may posibilidad na magkaroon ng malakawakang kaguluhan, karahasan, pagnanakaw, at panganib sa lahat ng lugar na pinupuntahan ng mga residente ng San Francisco. Maaari nang ikarangal at ikatuwa ng mga propesyonal sa pagpapatupad ng batas ang kanilang trabahong nagpapanatiling ligtas sa lipunan at nagpapapanagot sa mga indibidwal na nagsagawa ng krimen para sa kanilang mga aksiyon. 

Tutulong ang Prop F upang mapaghusay ang kaligtasan sa mga komunidad at sa wakas, mas malapit tayong madadala tungo sa pagkakaroon ng mga Foot Partrol (Mga Nagpapatrolya sa Paligid na mga Pulis) sa komunidad. 

-Isa itong matipid na 5 taon na palano upang muling malagyan ng mga kawani ang SFPD

-Poprotektahan nito ang maliliit na negosyo at sa wakas, maglalakay ng nagpapatrolyang mga pulis sa ating mga kalye

Bumoto ng OO sa panukalang-batas F. 

Coalition For San Francisco Neighborhoods (Koalisyon para sa mga Komunidad ng San Francisco)

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Coalition For San Francisco Neighborhoods.

 

2

Magmula noong pandemya, nagkaroon na tayo ng napakalaking problema sa kawanihan na nauukol sa pagpupuno ng bukas na mga posisyon sa SFPD. Mahigit sa 500 pulis ang kulang sa pinakakaunti nang nararapat na bilang ng mga kawani, at talagang hindi tayo posibleng makapagpatapos ng sapat na mga rekrut sa pamamagitan ng ating mga akademya para sa pagpupulis upang makahabol sa kakulangang ito. Sa pagitan ng pag-alis ng mga pulis para magtungo sa iba pang ahensiya sa pagpapatupad ng batas at ng mga pagreretiro, paurong na tayo sa halip na paabante tungo sa pagkakaroon ng kompletong kawanihan. 

Pananatilihin ng Prop F na mas ligtas ang San Francisco sa pamamagitan ng pagtulong upang mapigilan ang pagdaloy ng mga pagreretiro, at nang mapanatili ang may karanasang mga pulis sa trabaho at mabigyan tayo ng pagkakataon na makahabol tungo sa pagkakaroon ng pinakamababang katanggap-tanggap na bilang ng mga kawani sa susunod na ilang taon. Makatutulong ang paglalagay ng mas maraming pulis sa mga kalye upang mapanatiling mas ligtas ang San Francisco hanggang sa maayos natin ang kawalan ng balanse na nalikha sa panahon ng pandemya. 

Bumoto ng Oo sa Prop F. 

Moe Jamil

Katuwang na Abugado ng Lungsod at Kandidato para sa Superbisor, Distrito 3*

*Para lamang sa layunin ng identipikasyon; lumalagda ang awtor bilang indibidwal at hindi sa ngalan ng organisasyon.

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Moe Jamil.

 

3

Hindi na makapaghihintay pa ang pampublikong kaligtasan! Gagawa ng pagkakaiba ang Prop F NGAYON upang maparami at mapanatili ang mga pulis sa ating mga komunidad. 

Mahigit sa 500 pulis ang kulang ng San Francisco Police Department (Departamento ng Pulisya ng San Francisco) upang maabot ang pinakamaliit nang katanggap-tanggap na bilang na 2,074 pulis na may antas bilang kawaning “full duty o lubusang naglilingkod,” na kinakailangan upang mapanatiling ligtas ang ating lungsod. Malamang na tataas ang kakulangang ito habang daan-daan ng kasalukuyang mga pulis ang maging kuwalipikado na para sa pagreretiro sa lalong madaling panahon. 

Nararamdaman na ang kakulangan sa pulis sa kabuuan ng ating lungsod. Mula sa haba ng panahon ng pagtugon sa mga emergency at malawakang pagbebenta ng droga sa labas ng mga gusali, hanggang sa naantalang mga imbestigasyon ng panloloob sa mga kotse, mahigpit na humihingi ng pagbabago ang mga taga-San Francisco. Hindi na makapaghihintay pa ang kakulangan ng mga pulis. 

Ang Prop F ay nakabatay sa sentido komun na solusyon na naglalagay sa mga pulis sa mga kalye, nang nagsasagawa ng mga imbestigasyon, naglalakad sa mga komunidad, at gumagawa ng TUNAY na trabaho ng pulis.  

Babawasan din ng Prop F ang ating pagsalig sa magagastos na pag-o-overtime o pagtatrabaho nang lampas sa regular na oras. Dahil kasalukuyang mabababa ang antas ng bilang ng mga kawani, nagtatrabaho nang labis-labis na overtime ang ating mga pulis.  

Sa pamamagitan ng pagbabawas sa pag-o-overtime, makatutulong ang San Francisco na maiwasan ang labis-labis na pisikal at emosyonal na kapaguran ng mga pulis.  Babawasan nito ang posibilidad na magkaroon ng trahedya ang labis-labis ang pagtatrabaho at puno ng hirap o stress na mga pulis, nang dahil sa mga insidenteng gumagamit ng dahas, na maaaring magresulta sa pinsala o kamatayan. Maaari itong makapagligtas ng buhay, at magkakaroon din ng pagtitipid ng milyon-milyong gastos dahil sa mga legal na kaso ang mga nagbabayad ng buwis.

Bumoto ng oo sa Prop F para sa mas ligtas na mga kalye at mas ligtas na mga komunidad. 

Stop Crime Action (Pag-aksiyon para Matigil ang Krimen)

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Oo sa F, San Franciscans for Full Police Staffing (Mga Taga-San Francisco para sa Kompletong mga Kawani sa Pulisya).

Ang tanging nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee (komite na tumatanggap mula sa tunay na pinagmulan ng pondo): Hindi sa B, Stop the Cop Tax (Itigil ang Buwis para sa mga Pulis).

 

4

BUMOTO NG OO SA F PARA SA SFPD NA KOMPLETO ANG KAWANIHAN 

Ang San Francisco ay maaaring maging, at dapat maging, pinakaligtas na malaking lungsod sa Amerika. Gayon pa man, tulad ng malalaking lungsod sa U.S., humaharap tayo sa minsan lamang sa isang henerasyon na krisis sa kawanihan ng pulisya. Sa buong bansa, ito na ang kapaligirang pinakamayroong kompetisyon para sa pag-eempleyo ng mga tagapagpatupad ng batas sa modernong kasaysayan. 

Bilang Mayor, naponodohan ko na ang agresibong mga stratehiya para sa pagrerekrut ng mga pulis. Nagawa na natin ang SFPD na malaking lungsod sa rehiyon kung saan pinakamaganda ang bayad para sa mga nagsisimulang nakapanumpa nang mga pulis, at nakikita na natin na puno nang muli ang mga klase sa akademya para sa pagpupulis. Nakakikita na rin tayo ng kamangha-manghang resulta para sa mga lateral hire (pag-eempleyo ng kandidato na may posisyon nang katulad ng papasukan) mula sa iba pang ahensiyang para sa pagpapatupad ng batas.  

Gayon pa man kailangan din ng mga stratehiya sa pagpapanatili ng mga pulis at nang mas maagang maging kompleto ang kawanihan ng SFPD.  

Iyan ang dahilan kung bakit hinihikayat ko kayong samahan ako sa pagsuporta sa Prop F! 

Ang Prop F ay...

  • Nagsasama ng matipid at limitado ang panahon na Deferred Retirement Option Program (Programa para sa Opsiyon na Ipagpaliban ang Pagreretiro), o DROP na may mahahalagang pananggalang na nakapuwesto na, at nang mapaghusay ang mga serbisyo para sa kaligtasan at mapabilis ang panahon ng pagtugon ng pulisya. 

     

  • Lilikha ng malakas na panghikayat para sa mga nasa unahan na pulis, inspektor, at sarhento ng SFPD upang ipagpaliban ang kanilang pagreretiro nang hanggang sa limang taon — basta’t nagtatrabaho sila sa pagpapatrolya ng komunidad o sa mga imbestigasyon.

     

  • Magpapahusay sa pangangasiwa sa mga pagsusumikap para sa pagrererekrut at civilianization (proseso ng pag-eempleyo ng hindi nakapanumpang kawani), habang idinidiin ang ating pangako na makaabot sa pagkakaroon ng 30 porsiyento na babaeng pulis pagsapit ng 2030. At malaki ang maibabawas nito sa ating pagsalig sa ipinag-uutos na overtime. 

May pangako akong ibabalik ang SFPD sa pagkakaroon ng kompletong kawanihan at nang sa gayon, matigil na natin ang pagbebenta ng droga at pagnanakaw, at maprotektahan ang mga residente, negosyo, at bulnerableng matatanda.  Kung gayon din kayo...

Bumoto ng OO sa Prop F! 

Mayor London Breed

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Oo sa F, San Franciscans for Full Police Staffing.

Ang tanging nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: Hindi sa B, Stop the Cop Tax.

 

5

ANG PROP F ANG TAMANG PAMAMARAAN UPANG MAAYOS ANG MGA HAMON NANG DAHIL SA KAKULANGAN NG MGA KAWANI.

Bilang propesyonal sa pampublikong kaligtasan sa loob ng halos 30 taon, mapatototohanan ko ang hindi pa nangyayari kailanman sa kasaysayan na mga hamon na kinakaharap ng mga ahensiyang para sa pagpapatupad ng batas pagdating sa pagrerekrut at pagpapanatili ng mga kawani. 

Humaharap din ang San Francisco Sheriff’s Office (Opisina ng Sheriff ng San Francisco) sa katulad na mga hamon, at mahahalagang pamamaraan ang iminumungkahi ng Proposisyon F na pinaghusay na pangangasiwa at deferred retirement option program (o DROP) para sa SFPD. Matipid, may limitasyon ang panahon, at stratehikong dinisenyo ang programang ito na nagsasama ng mahahalagang pananggalang upang matiyak na makapaghahatid ng mga serbisyong frontline (mahahalagang gawain) para sa pampublikong kaligtasan ang mga kalahok sa DROP. 

Magpakatotoo tayo: walang nakikinabang sa mga ahensiyang para sa pampublikong kaligtasan na palagi na lamang kulang sa mga kawani — lalo na sa lahat ang mga nagbabayad ng buwis, na sa huli ay nagbabayad ng mas maraming pera para sa magastos na ipinag-uutos na overtime. Maaari ding magdulot ang kakulangan sa mga kawani ng malaking pasanin sa kondisyon ng isip, kalusugan, at kaligtasan ng mga kawani para sa pagpapatupad ng batas. At itinatanggi nito sa mga taga-San Francisco ang mataas ang kalidad na mga serbisyo para sa pampublikong kaligtasan na karapat-dapat sa kanila.  

Matalinong pamamaraan ang Prop F. Bibigyan nito ng panghikayat ang pinakamayroong karanasan na mga propesyonal para sa pampublikong kaligtasan upang ipagpaliban ang kanilang pagreretiro habang patuloy nilang pinaglilingkuran ang ating Lungsod. At makapaghahandog ang tagumpay nito ng mahalagang modelo para sa iba pang pang-emergency na serbisyo at mga ahensiyang para sa pagpapatupad ng batas — kasama na ang sa akin — at nang mapaghusay ang pampublikong kaligtasan sa San Francisco.

Pakisamahan ako sa pagboto ng OO sa Prop F. 

Sheriff Paul Miyamoto*

*Para lamang sa layunin ng identipikasyon; lumalagda ang awtor bilang indibidwal at hindi sa ngalan ng organisasyon.

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Oo sa F, San Franciscans for Full Police Staffing.

Ang tanging nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: Hindi sa B, Stop the Cop Tax.

 

6

SINA DEAN PRESTON AT ANG OPISYAL NA MGA KATUNGGALI NG PROP F AY MGA NANINIWALA NG LABIS SA ESPESIPIKONG IDEOLOHIYA NA ‘DEFUND THE POLICE (TANGGALIN ANG PONDO NG PULISYA)’

Mapanganib ang ideolohiya ni Dean Preston para sa San Francisco at gagawin nitong hindi ligtas ang ating Lungsod.

Bilang Superbisor ng Distrito 5, sinuportahan ni Dean Preston ang paggasta ng mga dolyar ng mga nagbabayad ng buwis para sa mga bond (utang ng gobyerno) at mga set-aside (inirereserbang pondo) sa badyet na may kabuuang halaga na halos $6 bilyon —kasama na ang mahigit $1.8 bilyon sa eleksyon lamang na ito. Gayon pa man , tinatawag niya ang hindi kalakihan na planong $3 milyon-kada-taon upang maipagpaliban ang pagreretiro ng mga pulis at makamit ang pagkakaroon ng kompletong kawanihan sa SFPD na “napakamahal na programa na hindi kayang bayaran ng mga taga-San Francisco?”  

Huwag paniwalaan si Dean at ang mga ipokritong ito. 

"May pangakong tanggalan ng pondo ng pulis” si Dean —na sarili niyang mga salita — at sila at ang kanyang mga kaalyado sa politika ngayon na tumututol sa Prop F ang dapat sisihin sa malaking bahagi para sa mga hamon sa pagrerekrut ng San Francisco ng mga pulis.

BUMOTO NG OO SA PROP F PARA SA KOMPLETO ANG KAWANIHAN NA SFPD! 

Scotty Jacobs, Kandidato para sa Superbisor, Distrito 5

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Scotty Jacobs.

Walang Isinumiteng May Bayad na Argumento na Laban sa Proposisyon F