F

Pag-eeksamen at Paggamot sa Pagkahumaling sa Hindi Legal na Droga at iba Pang Sangkap para sa mga Tumatanggap ng Tulong-Publiko mula sa Lungsod 

Dapat bang itakda ng Lungsod sa mga walang asawa na nasa hustong edad na 65 pababa, at walang umaasang mga anak, na tumatanggap ng mga benepisyo mula sa tulong-publiko ng Lungsod, at makatwirang pinaghihinalaan ng Lungsod na nalululong sa ilegal na droga, na lumahok sa pag-eeksamen, ebalwasyon, at paggamot para sa pagkahumaling sa droga, at nang sa gayon ang mga nasa hustong gulang na iyon ay maging kuwalipikado para sa karamihan sa mga gayong benepisyo?

Buod ng Ballot Simplification Committee (Komite para Gawing mas Simple ang Balota)

Kung Ano Ito Ngayon: 

Itinatakda ng batas ng estado na magkaloob ang bawat county ng mga programang tulong-publiko para sa mahihirap at walang asawang nasa hustong gulang na 65 pababa. Isinasagawa ito ng San Francisco sa pamamagitan ng County Adult Assistance Programs (Programa ng County para sa Pagtulong sa Nasa Sapat na Gulang, CAAP). Sa pangkalahatan, mga walang asawa na nasa hustong edad na 65 pababa, at walang umaasang anak lamang ang pinaglilingkuran ng CAAP. Nakakokolekta ang mga tumatanggap mula sa CAAP ng mga pakete ng mga benepisyong nagbabayad o nagkakaloob ng kinakailangang mga serbisyo, tulad ng tulong sa paghahanap ng trabaho, pabahay, matutuluyan, koryente, tubig at gas, at pagkain. Sa 2023, nakatatanggap sa pangkalahatan ng $712 kada buwan ang mga tumatanggap mula sa CAAP na may natitirhan na. Ang mga nakararanas ng kawalan ng tahanan na tumatanggap mula sa CAAP ay nabibigyan ng pamamaraang makakuha ng matutuluyan at pagkain sa pamamagitan ng sistema ng mga shelter ng Lungsod at tulong na pera na hanggang sa $109 kada buwan. May karapatan ang mga tumatanggap mula sa CAAP na magkaroon ng lahat ng benepisyo, nalululong man sila o hindi sa ilegal na droga. 

Ang Mungkahi: 

Itatakda ng Proposisyon F sa sinumang tumatanggap ng benepisyo mula sa CAAP na lumahok sa pag-eeksamen para sa kapansanang nauukol sa paggamit ng droga, kung makatwirang pinagsususpetsahan ng Lungsod na nalululong ang indibidwal sa ilegal na droga. Kapag nagpahiwatig ang pag-eeksamen na maaaring nalululong sa ilegal na droga ang benepisyaryo, magkakaloob ang Lungsod ng propesyonal na ebalwasyon at posibleng irekomenda ang benepisyaryo sa naaangkop na programa para sa paggamot. Kung makukuha nang walang bayad ang programang ito, itatakda sa benepisyaryo na lumahok upang maipagpatuloy ang pagtanggap sa mga benepisyo ng CAAP. Hindi itatakda ng panukalang-batas sa mga benepisyaryo na mapanatili ang pagtitimpi sa paggamit ng droga upang maging kuwalipikado para sa mga benepisyo.   

Sa ilalim ng Proposisyon F, ang mga tumatanggap mula sa CAAP na hindi na makakukuha ng benepisyo dahil tumanggi silang lumahok sa itinatakdang pag-eeksamen, ebalwasyon o paggamot ay patuloy na tatanggap ng tulong sa pabahay nang hindi bababa sa 30 araw. Posibleng pahabain ng Lungsod ang kanilang mga benepisyo sa pabahay nang higit pa sa 30 araw kung kinakailangan upang maiwasan ang pagpapaalis sa tirahan. 

Lilikha ang Proposisyon F ng pondo ng Lungsod na susuporta sa mga gastos para sa pag-eeksamen, ebalwasyon at paggamot. Anumang matitipid sa gastos mula sa hindi na pagpapatuloy ng tulong-publiko ay mapupunta sa pondong ito. 

Ang Ibig Sabihin ng Botong “OO”: Kapag bumoto kayo ng “oo,” gusto ninyong itakda sa mga walang asawa na nasa hustong edad na 65 pababa, at walang umaasang mga anak, na tumatanggap ng mga benepisyo mula sa tulong-publiko ng Lungsod, at makatwirang pinaghihinalaan na nalululong sa ilegal na droga, na lumahok sa pag-eeksamen, ebalwasyon, at paggamot at nang sa gayon ay maging kuwalipikado para sa karamihan sa mga gayong benepisyo.

Ang Ibig Sabihin ng Botong “HINDI”: Kapag bumoto kayo ng “hindi,” ayaw ninyong ipatupad ang itinatakdang ito. 

Pahayag ng Controller (Tagapamahala ng Pinansiya) Tungkol sa "F"

Naglabas na ang Controller ng Lungsod na si Ben Rosenfield ng sumusunod na pahayag tungkol sa magiging epekto sa pinansiya ng Proposisyon F:

Sa aking opinyon, sakaling aprubahan ng mga botante ang mungkahi na inisyatibang ordinansa, magkakaroon ito ng katamtamang epekto sa gastos ng gobyerno. Tinatayang magkakahalaga ng nasa pagitan ng $500,000 at $1.4 milyon taon-taon ang pangangasiwa sa mungkahing programa, kasama na ang pag-eeksamen at pagtatasa sa mga tumatanggap ng tulong. Mapapagaan ang mga gastos na ito sa pamamagitan ng tinataya na taunang ipon na nasa pagitan ng $100,000 at $2 milyon mula sa mga benepisyaryo na hindi na kuwalipikadong tumanggap ng ayuda, kasama na ang karagdagang ipon na magagamit para sa paggamot at iba pang mga serbisyo para sa iba pang tumatanggap ng tulong mula sa programa. Nakabatay ang kabuuang gastos sa ordinansang ito sa mga pagpapasya sa operasyon na gagawin ng Human Services Agency (Ahensiya para sa mga Serbisyong Pantao, HSA) at mga desisyong gagawin ng Mayor at ng Board of Supervisors (Lupon ng mga Superbisor) sa pamamagitan ng normal na proseso sa pagbabadyet. 

Aamyendahan ng mungkahi na inisyatibang ordinansa ang Administrative Code (Kodigong Administratibo), na magpapatibay sa mga itinatakdang pag-eeksamen at paggamot para sa mga benepisyaryo ng County Adult Assistance Program (CAAP) na may problema sa paggamit ng mga sangkap na may kaugnayan sa droga. Sa Fiscal Year (taon ayon sa pagpaplano para sa badyet) 2022-2023, humigit-kumulang 5,700 ang tumanggap ng tulong buwan-buwan mula sa CAAP sa San Francisco. Kapag naaprubahan ang ordinansa, ang mga tumatanggap mula sa CAAP na tatangging magpa-eksamen, magawan ng ebalwasyon at magamot ay ituturing na hindi sumusunod sa patakaran at hindi na kuwalipikado para sa mga benepisyong mula sa CAAP. Pagkakalooban ang hindi na makakukuha mula sa CAAP ng 30 araw ng suporta sa pabahay sa pamamagitan ng subsidyo sa upa na direktang ibabayad sa nagpapaupa o gagarantiyahan ang paggamit nila sa shelter o masisilungan, kung saan maaaring pahabain ang panahon ng pagtulong at nang maiwasan ang pagpapaalis sa tinitirhan. Babayaran ang suporta sa pabahay sa pamamagitan ng paglilipat sa dating tulong na pera para sa may tirahang tumatanggap mula sa CAAP o ipagkakaloob ito sa pamamagitan ng na kasalukuyan nang ginagamit na kapasidad ng shelter ng Lungsod na naitalaga na para sa mga tumatanggap ng CAAP na walang tirahan.  

Kapag naaprubahan ang mungkahing ordinansa, maaaring lumaki ang gastos sa pangangasiwa sa CAAP nang dahil sa bagong mga pangangailangan sa pag-eeksamen, pagtatasa, at pamamahala sa kaso ng mga benepisyaryo na na-eksameng positibo sa paggamit ng ilegal na droga. Maaaring ibalik ang ibinayad sa pamamahala sa kaso sa ilalim ng Drug Medi-cal. Nakabatay ang mas mataas na gastos sa mga desisyon sa operasyon na isinasagawa ng HSA at sa mga desisyon sa badyet na isinasagawa ng Mayor at ng Board of Supervisors sa ilalim ng normal na proseso sa pagbabadyet. 

Ililipat ang matitipid na gastos ng CAAP mula sa mga itinigil nang benepisyaryo ng CAAP Treatment Fund o Pondo ng CAAP para sa Pagpapagamot (Fund o Pondo), na maaaring makapagpagaan sa ilang gastos sa pag-eeksamen, pagtatasa, at paggamot. Sa kasalukuyan, nakakukuha ng $109 kada buwan ang mga walang tahanan na benepisyaryo ng CAAP, kasama ang hindi monetaryong suporta na ipinagkakaloob sa mga shelter ng Lungsod, at tumatanggap naman ang mga may tirahang kliyente ng CAAP ng $712 kada buwan. Ang matitipid sa gastos na perang nalipat mula sa mga itinigil nang benepisyaryo ay ililipat sa Fund. Hindi pa alam kung ilan ang eksaktong bilang ng mga kliyenteng hindi na makatatanggap ng tulong mula sa mungkahing ordinansa, maaaring nasa saklaw ng humigit-kumulang $200,000 hanggang $4 milyon sa unang taon ang matitipid tungo sa humigit-kumulang $100,000 hanggang $2 milyon sa susunod na mga taon. 

Kapag naaprubahan ang ordinansa, maaaring magresulta ito sa mas malaking gastos kung hindi sapat ang kasalukuyang kapasidad sa pagpapagamot upang matugunan ang mas malaking mga pangangailangan sa ilalim ng ordinansang ito. Bagamat hindi itinatakda ng ordinansa, kung hindi matugunan ng Lungsod ang mga pangangailangan para sa mga serbisyo sa pamamagitan ng kasalukuyan o pinaplanong kapasidad, maaaring magresulta ito sa mga gastos sa hinaharap batay sa mga desisyon sa hinaharap na gagawin ng Mayor at ng Board of Supervisors sa pamamagitan ng normal na proseso sa pagbabadyet. Kasama sa mga serbisyo na malamang na may kapasidad na paglingkuran ang mga kakarekomenda pa lamang na kliyente ng CAAP ang paggamot sa pamamagitan ng medikasyon, outpatient na paggamot sa problema sa paggamit ng sangkap, at mga karamay na grupong sumusuporta. Maaaring kailangan ng karagdagang kapasidad para sa residensiyal na paggamot, pamamahala sa paghinto sa paggamit ng droga, o residensiyal na mga programang para sa step-down treatment (intermediate o panggitna na antas ng pangangalaga at pagsubaybay). Nakabatay ang kabuuang gastos sa paggamot sa bilang ng mga kliyente ng CAAP na lalahok sa paggamot at kung sa anong programa sila lalahok. Upang magkaroon ng konteksto, ang halaga ng paggamot sa mga residensiyal na programang gamutan para sa pagtigil na 90 araw ay nasa saklaw ng humigit-kumulang $28,000 hanggang $40,000 kada indibidwal at may halaga ang naibabalik na gastos na nasa saklaw ng humigit-kumulang $16,000 hanggang humigit-kumulang $28,000. 

Kung Paano Napunta sa Balota ang "F”

Noong Nobyembre 20, 2023, nakatanggap ang Department of Elections (Departamento ng mga Eleksyon) ng mungkahing ordinansa na nilagdaan ni Mayor Breed.

Pinahihintulutan ng Municipal Elections Code (Kodigo para sa Munisipal na Eleksyon) na maglagay ang Mayor ng ordinansa sa balota sa ganitong paraan.

Kailangan ng panukalang-batas na ito ng 50%+1 botong “oo” para maipasa.

Ang mga argumento ay opinyon ng mga awtor at hindi siniyasat ng anumang opisyal na ahensiya para sa kawastuhan.Inilimbag ang mga argumento ayon sa pagkakasumite. Hindi iwinasto ang maling spelling o grammar.

BUMOTO NG OO SA PROP F PARA SA PAGPAPAGAMOT + PANANAGUTAN 

Nagdaragdag ang Prop F, ang Panukalang-Batas ukol sa Pagpapagamot + Pananagutan, ng isa pang kasangkapan sa mga pagsusumikap ng San Francisco na tugunan ang nakamamatay na paggamit ng droga na nagdudulot ng malalang panganib sa kaligtasan ng publiko at nagpapalala sa krisis sa mga nag-o-overdose o labis-labis na gumagamit ng droga sa ating mga kalye. 

Dalawang katao kada araw ang namamatay nang dahil sa overdose mula sa Fentanyl at iba pang nakamamatay na droga sa San Francisco. Sila ay mga anak na lalaki at babae, ina at ama, kapatid na lalaki at babae. Hindi na sapat ang paghahandog ng paggamot nang walang pananagutan. Kailangang higit pa ang gawin natin upang magpagamot ang mga indibidwal at makapagligtas tayo ng mga buhay. 

Gayon pa man, sa ilalim ng kasalukuyang batas ng estado, kulang sa kasangkapan ang San Francisco upang mapuwersa ang mga indibidwal na magpagamot. Nagpapakilos ang Lungsod ng street teams (mga pangkat na nasa lansangan) na naghahandog ng boluntaryong mga serbisyo at koneksiyon sa pagpapagamot. Bagamat may ilang indibidwal na talagang tumatanggap ng tulong, marami rin ang hindi, dahil hindi sila payag dito o hindi nila kayang gawin ito. 

Pahihintulutan ng Prop F ang Lungsod na itakda sa walang asawa na mga nasa hustong gulang at may pang-aabuso sa paggamit ng droga na lumahok sa paggamot at nang patuloy silang makatanggap ng tulong na pera mula sa Lungsod at County ng San Francisco. 

Mag-aalok sa mga aplikante ng paggamot na nauukol sa paggamit ng droga kung mapagpapasyahang mayroon silang kondisyon ng pang-aabuso sa paggamit ng droga. Kasama sa mga programa para sa paggamot na ito ang hanay ng mga interbensiyon, tulad ng: residensiyal na paggamot, medikal na detox, paggamot na may medikal na tulong, opsiyon na outpatient o sa labas ng ospital, at abstinence-based (nakabatay sa hindi paggamit) na paggamot, na nakabatay sa mga pangangailangan ng kliyente. 

Sa kasalukuyang panahon, naglilingkod ang San Francisco sa mahigit 4,000 indibidwal na may paggamot sa tulong ng medikasyong tulad ng mga gamot na buprenorphine at methadone. Sa ngayon, maaari nang ipalista ng San Francisco ang mga indibidwal sa parehong araw na mag-aapply sila sa isa sa mga programang ito. 

Wastong nababalanse ng Prop F ang pagdamay at pagpapanagot, at nang matiyak na mas madalas na tinatanggap ang paggamot sa pang-aabuso sa paggamit ng droga kaysa sa pagtanggi rito. 

Bumoto ng OO sa Prop F para sa pagdamay at pagpapanagot.

Mayor London Breed

Pararamihin ng Prop F ang bilang ng mga indibidwal na nakararanas ng kawalan ng tahanan sa San Francisco sa pamamagitan ng pagkuha sa mga sistema ng batayang mga serbisyo at suporta na siyang nakapagpapanatili na wala sa lansangan ang mga pinakanangangailangan.  

Higit pa sa lalong pagkakaroon ng kawalan ng tahanan, hindi malulutas ng Prop F ang mga problema sa krimen sa pamamagitan ng paggawa nito na maging higit pang dukha ang bulnerableng mga indibidwal.  

Hindi na matugunan ng gobyerno ng San Francisco ang kasalukuyang mahihigpit na pangangailangan ng krisis sa overdose sa droga. Sumasang-ayon ang mga eksperto na wala lang tayo talagang sapat na kapasidad sa paggamot at makukuhang pabahay na nagbibigay ng suporta para sa mga indibidwal na gusto ng pangangalaga at kailangan ng paggamot.  

Sinasalungat ng Prop F ang tanggap nang pinakamahuhusay na gawain sa paggamot sa kapansanan sa paggamit ng droga at pagtugon sa kawalan ng tahanan, at magkakaroon ito ng mga resultang magdudulot ng kamatayan. Ipinapakita ng pananaliksik ng mga eksperto sa pampublikong kalusugan ang hindi maitatangging ebidensiya na humahantong ang mga mungkahing tulad ng Prop F sa mas matataas na bilang ng pagbabalik sa paggamit ng droga, pagkamatay dahil sa overdose, at pagpapatiwakal.  

Kukunin ng inisyatibang ito ang napakahahalagang serbisyo sa pagbibigay ng tulong at pag-eempleyo mula sa mga taga-San Francisco na mababa ang kita. Kailangang bigyan ng prayoridad ng gobyerno ng lungsod ng San Francisco ang paglalagay sa mga indibidwal na nakararanas ng kapansanan sa paggamit ng droga sa matatag at ligtas na pabahay, at sa mga serbisyong nagbibigay ng suporta na nagsisilbi bilang landas tungo sa pagpapagamot; hindi ang paghahanap ng bagong mga paraan upang itanggi sa kanila ang batayang suporta at sustento at puwersahin sila tungo sa lansangan kung saan pararamihin pa nila ang hanay ng populasyong walang tahanan. 

Nabigo na ang mga lider ng lungsod ng San Francisco sa pagtupad ng kanilang mga pangako na palalawakin ang kapasidad ng ating sistema ng pampublikong kalusugan at nang matugunan ang paggamit ng droga at kawalan ng tahanan sa pamamagitan ng hindi pagpapatuloy ng sarili nilang 2022 Overdose Prevention Plano (Plano upang Maiwasan ang Labis-labis na Paggamit ng Droga).  

Huwag nating palayain mula sa pananagutan ang City Hall.  

Bumoto ng HINDI sa Prop F at samahan kami sa www.ReduceSFHomelessness.org. 

Roma Guy, MSW at Dating Komisyoner ng Pampublikong Kalusugan* 

Diane Jones, Rehistradong Nars* 

*Para lamang sa identipikasyon; pumipirma ang awtor bilang indibidwal at hindi sa ngalan ng organisasyon.

Ang 2023 na ang taon ng pinakamaraming kamatayan sa San Francico nang dahil sa overdose sa droga. Sa Estados Unidos, 2022 ang nakarekord na taon ng pinakamaraming kamatayan nang dahil sa overdose. Ang fentanyl ay pambansang krisis na mahigpit na nangangailangan ng bagong mga stratehiya. 

Titiyakin ng Prop F na hindi nagbibigay ng tulong na pera ang Lungsod para sa adiksiyon at pinalalala pa ang krisis. 

Binabalanse ng Prop F ang pagdamay at pagpapanagot upang maiwasan ang mga pag-o-overdose at kamatayan, at inilalagay ang mga indibidwal na nagdurusa nang dahil sa adiksiyon tungo sa pagpapagamot. 

May kasama nang subsidyo upang maiwasan ang pagpapaalis sa tahanan at subsidyo para sa upa ang Prop F, at nang sa gayon, matiyak na sinuman na pansamantalang mawawalan ng tulong na pera ay mayroon pa ring masisilungan. 

May kasamang guardrails o nararapat na mga pagkilos ng sistema ang Prop F upang matiyak na WALANG SINUMAN na mawawalan ng ayudang pera sakaling walang makuhang mga opsiyon sa paggamot mula sa Lungsod. 

Hindi ipag-uutos ng Prop F ang pagtitimpi sa paggamit ng droga. Hihilingin nito sa mga indibidwal na magkaroon ng matapat na pagsusumikap sa pagpapagamot, kapalit ng ayudang pera na pinopondohan ng Lungsod. 

Titiyakin ng Prop F na nakatambal ang mga indibidwal sa tamang opisiyon sa pagpapagamot, sa halip na ipag-utos sa bawat tao ang angkop sa lahat na plano sa pagpapagamot. 

Naglilingkod ang San Francisco Department of Public Health (Departamento ng Pampublikong Kalusugan) sa 25,000 katao taon-taon sa pamamagitan ng pangangalaga sa kalusugan ng isip at pangangalaga sa adiksiyon, kasama na ang mahigit 4,000 katao na may paggamot sa tulong ng medikasyong tulad ng buprenorphine at methadone. Sa ngayon, maaari nang magsimula ng pagpapagamot ang mga indibidwal kapag nakapag-apply na sila sa isa sa mga programang ito sa gamot. 

Ang Prop F ay isa pang kasangkapan na magagamit ng Lungsod upang matugunan ang pang-aabuso sa paggamit sa droga na nakawawasak sa buhay at nakapagpapalala sa mga kondisyon sa lansangan. Lilikha ito ng higit na pananagutan at tutulong sa San Francisco na makagawa ng pag-unlad sa paglutas sa krisis sa droga. 

Kung walang Prop F, patuloy na magkakaroon ng hindi pa nararanasang bilang kailanman ng mga namamatay sa mga kalye ng San Francisco. Hindi katanggap-tanggap ang sitwasyon sa kasalukuyan. 

Bumoto ng Oo sa F upang makapagpagligtas ng buhay.

Superbisor Matt Dorsey

Superbisor Rafael Mandelman

Superbisor Catherine Stefani

1

May Bayad na Argumento NA PABOR sa Proposisyon F

Mga adik tayo sa pagbangon na sumusuporta sa Proposisyon F

Dalawang katao kada araw ang namamatay sa San Francisco nang dahil sa overdose sa Fetanyl at iba pang nakamamatay na droga. Mas maraming indibidwal na ang namatay nang dahil sa overdose sa droga sa ating lungsod kaysa sa COVID. Isa itong krisis na hindi natin natugunan sa makabuluhang paraan. 

Sa ilalim ng kasalukuyang batas ng estado, kulang sa kasangkapan ang San Francisco upang mapuwersa ang mga indibidwal na magpagamot. Bagamat naghahandog ang mga pangkat sa lansangan ng Lungsod ng boluntaryong mga serbisyo at koneksiyon sa paggamot, maraming indibidwal ang hindi tinatanggap na ayaw nila o hindi nila kayang gawin ito. 

Pahihintulutan ng Prop F ang Lungsod na itakda sa walang asawa na mga nasa hustong gulang at may pang-aabuso sa paggamit ng droga na lumahok sa paggamot at nang patuloy silang makatanggap ng tulong na pera mula sa Lungsod at County ng San Francisco. Nagdaragdag ang Prop F ng isa pang kasangkapan sa mga pagsusumikap ng San Francisco na tugunan ang nakamamatay na paggamit ng droga na nagdudulot ng malalang panganib sa kaligtasan ng publiko at nagpapalala sa krisis sa mga nag-o-overdose o labis-labis na gumagamit ng droga sa ating mga kalye.

Hindi na sapat ang paghahandog ng paggamot ng walang pananagutan. Kailangan nating maipasa ang Proposisyon F upang magkaroon ng paggamot ang mas maraming indibidwal. Ito ay mga anak na lalaki at babae, ina at ama, kapatid na lalaki at babae, at kailangan nating subukan ang lahat na nasa ating kapangyarihan upang makapagligtas ng buhay.

Superbisor Matt Dorsey

Positive Directions Equals Change (Katumbas ng Positibong Direkiyon ang Pagbabago)

Sister's Circle Women's Support Network (Sister’s Circle na Ugnayan ng Nagbibigay ng Suporta sa Kababaihan)

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito:   Coalition for Treatment, Compassion and Accountability (Koalisyon para sa Pagpapagamot, Pagdamay, at Pagpapanagot). 

Ang tanging nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee (komite na tumatanggap mula sa tunay na pinagmulan ng pondo): Chris Larsen.

2

May Bayad na Argumento NA PABOR sa Proposisyon F

SINUSUPORTAHAN NG MALILIIT NA NEGOSYO ANG PROP F

Ang maliliit na negosyo ng San Francisco ang pang-ekonomiyang makina na nagbibigay ng lakas sa ating lungsod at tumutulong upang magawa ang mga komunidad ng ating lungsod na puno ng karakter at kasiglahan. 

Gayon pa man, napakarami sa ating mga negosyo ang nagdurusa dahil sa epekto ng krisis sa droga na pinaiigting ng pinakamalalakas na droga nang nakita o naranasan natin. Nagresulta ang krisis na ito sa mga panloloob ng mga indibidwal na naghahanap ng paraan upang mapondohan ang kanilang adiksiyon sa droga, at pinaiigting naman ng mapanganib na droga ang pag-asal sa labas ng aming mga negosyo na nagdudulot ng takot sa mga empleyado at kostumer. 

Sinusuportahan namin ang Proposisyon F dahil napakahalagang kasangkapan nito na kasalukuyang kulang ang Lungsod upang mapuwersa ang mga tao na maipagamot ang paggamit ng droga. Nagpapakalat ang Lungsod ng mga pangkat sa lansangan upang maghandog ng boluntaryong mga serbisyo at koneksiyon sa paggamot, pero maraming indibidwal ang hindi tinatanggap ang tulong, dahil ayaw nila o hindi nila kayang gawin ito.

Pahihintulutan ng Prop F ang Lungsod na itakda sa walang asawa na mga nasa hustong gulang at may pang-aabuso sa paggamit ng droga na lumahok sa paggamot at nang patuloy silang makatanggap ng tulong na pera mula sa Lungsod at County ng San Francisco.

Ang Proposisyon F ang uri ng matibay, maaawain, at epektibong aksiyon na kinakailangan natin upang makatulong sa pagtugon sa ating krisis sa droga sa pamamagitan ng pagpapagamot at pananagutan. 

Ben Bleiman, Tagapagtatag, SF Bar Owners Alliance (Alyansa ng mga May-ari ng Bar sa SF)

San Francisco Council of District Merchants (Konseho ng mga Negosyante sa Distrito ng San Francisco)

Golden Gate Restaurant Association (Asosasyon ng mga Restawran sa Golden Gate)

Eva Lee, Tagapangulo, Chinatown Merchants Association (Asosasyon ng mga Negosyante sa Chinatown)*

*Para lamang sa identipikasyon; pumipirma ang awtor bilang indibidwal at hindi sa ngalan ng organisasyon.

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Coalition for Treatment, Compassion and Accountability.

Ang tanging nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: Chris Larsen.

3

May Bayad na Argumento NA PABOR sa Proposisyon F

SINUSUPORTAHAN NG MGA LOKAL NA INIHALAL NA OPISYAL ANG PROP E

Isa sa pinakamahuhusay na lungsod sa mundo ang San Francisco, at kilala ito dahil sa magandang skyline o tanawin ng mga gusali at kalikasan, kahanga-hangang mga restawran, natatanging kultura, at pagiging mapagpaubaya. Gayon man man, isang bagay na hindi na nating maaaring patuloy na pabayaan ay ang krisis sa droga na nangyayari sa ating mga kalye.  Namamatay na araw-araw ang mga indibidwal bilang resulta ng fentanyl.

Iyan ang dahilan kung bakit mahalagang suportahan nating lahat ang Prop F at gawin ang susunod na hakbang sa pagtugon sa krisis sa fentanyl. 

Bibigyan ng Prop F ang Lungsod ng kapangyarihan na ipag-utos ang pagpapagamot para sa ipinagbabawal na gamot at iba pang sangkap ng mga indibidwal na tumatanggap ng benepisyong pera. Ngayon, dapat maging malinaw tayo. Hindi ito tungkol sa pag-uutos ng hindi paggamit ng droga. Mahalagang kilalalin na kailangan ng panahon upang tuluyang mahinto ang paggamit at natatangi ang bawat indibidwal pagdating sa pagtanggap ng paggamot. 

Iyan ang dahilan kung bakit titiyakin ng Prop F at ng Lungsod na maraming iba’t ibang uri ng pagpapagamot ang maaaring makuha ng mga indibidwal. Hindi ito iisang solusyon na puwede na sa lahat ng gumagamit ng droga. 

Mayroon ding guardrails o nararapat na pagkilos ng sistema ang Prop F kung kaya’t kung walang sapat na makukuhang puwesto para sa pagpapagamot, hindi mawawala sa mga indibidwal ang ayudang pera sa kanila. May probisyon din ang Prop F na magtitiyak na mayroong 30 araw na pagpigil sa pagpapaalis sa tirahan at subsidyo sa upa ang mga indibidwal, at nang sa gayon, hindi mawawalan ng masisilungan ang mga indibidwal. 

Iyan ang dahilan kung bakit nakuha ng Prop F ang aming suporta at kung bakit dapat din ninyo itong suportahan. 

Bumoto ng OO sa Prop F.

Tagatasa Joaquin Torres

Superbisor Matt Dorsey

Superbisor Rafael Mandelman

Superbisor Catherine Stefani

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Coalition for Treatment, Compassion and Accountability.

Ang tanging nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: Chris Larsen.

4

May Bayad na Argumento NA PABOR sa Proposisyon F

SINUSUPORTAHAN NG KOMUNIDAD NG MGA AAPI ANG PROP F

Inaasahan na magkakaroon ang San Francisco ng ngayon pa lamang maitatalang 800 nakamamatay na overdose o sobra-sobrang paggamit ng droga sa pagtatapos ng 2023, kung saan idinulot ang marami sa mga overdose na ito ng Fentanyl. 

Kailangan na nating gumawa ng aksiyon NGAYON upang matiyak na mas maraming indibidwal ang magpapagamot at nang mailigtas ang kanilang buhay. Hindi pagiging maaawiin ang patuloy na pagpapahintulot sa mga indibidwal na mamatay sa ating mga kalye. 

Pahihintulutan ng Prop F ang Lungsod na itakda sa walang asawa na mga nasa hustong gulang at may pang-aabuso sa paggamit ng droga na lumahok sa paggamot at nang patuloy silang makatanggap ng tulong na pera mula sa Lungsod at County ng San Francisco. Lampas na sa panahon na kunin natin ang susunod na hakbang upang maitakda sa mga indibidwal na lumahok sa kung anong programa sa pagpapagamot. Kailangang subukan nila ito. 

Naghahatid rin ang Proposisyon F ng malakas na mensahe na sarado ang San Francisco sa mga gustong pumunta sa ating lungsod at malayang gumamit ng droga sa ating mga kalye. Sarado na ang pintuan!

Vanita Louie, Lider ng AAPI 

Cyn Wang, Komisyoner ng Entertainment*

Lily Ho, Kandidato ng DCCC 

Marjan Philhour, Kandidato ng DCCC 

Brian Quan, Kandidato ng DCCC 

Jade Tu, Kandidato ng DCCC 

Steven Lee, Lider ng AAPI 

Eva Lee, Tagapangulo, Chinatown Merchants Association (Asosasyon ng mga Negosyante sa Chinatown)*

Forrest Liu, Aktibista ng Stop Asian Hate (Itigil ang Pagkasuklam sa mga Asyano)

Filipino American Democratic Club (Filipino Amerikano na Samahang Demokratiko)

Stand With Asians (Tumindig nang Kasama ang mga Asyan)o

Stand with Asian Americans (Tumindig nang Kasama ang mga Asyano Amerikano)

*Para lamang sa identipikasyon; pumipirma ang awtor bilang indibidwal at hindi sa ngalan ng organisasyon.

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Coalition for Treatment, Compassion and Accountability.

Ang tanging nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: Chris Larsen.

5

May Bayad na Argumento NA PABOR sa Proposisyon F

MAAARING MAKAPAGLIGTAS NG MGA BUHAY ANG PROP F

Wala sa proporsiyong naaapektuhan ang komunidad ng mga Aprikano Amerikano ng krisis sa pag-ooverdose kung ihahambing sa iba pang pangkat batay sa lahi o etnisidad sa Sa Francisco. 

Napakarami nang indibidwal ang namamatay araw-araw nang dahil sa overdose sa droga – mga anak na lalaki, anak na babae, kapatid na lalaki, at kapatid na babae. Ang Proposisyon F ay dagdag na pang-udyok na makatutulong upang mapuwersa ang mga indibidwal na magpagamot para sa paggamit ng droga, na siyang makapagliligtas sa kanilang buhay. 

Maawaing lungsod tayo na naghahandog ng paggamot kapag hiniling ito ng mga nahihirapan dahil sa paggamit ng droga at iba pang sangkap. Gayon pa man, marami sa mga naghihirap ang kailangan ng dagdag na pang-udyok upang makilahok sa mga opsiyon sa pagpapagamot at matulungan silang mapunta sa landas tungo sa paggaling. 

Hindi na gumagana ang kasalukuyang kalakaran. Kung sama-sama, makatutulong tayo sa pagliligtas ng mga buhay sa pamamagitan ng pagboto ng Oo sa Proposisyon F. 

Mayor London Breed

Cedric Akbar, Direktor, Positive Directions Equals Change (Katumbas ng Positibong mga Direksiyon ang Pagbabago)

Reverend Amos Brown

David Miles Jr, Church of 8 Wheels (Simbahan na may 8 Gulong)

Meaghan Mitchell

Bayard Rustin Coalition (Koalisyong Bayard Rustin)

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Coalition for Treatment, Compassion and Accountability.

Ang tanging nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: Chris Larsen.

6

May Bayad na Argumento NA PABOR sa Proposisyon F

Sinusuportahan ng Democrats for Change (Mga Demokrata para sa Pagbabago) ang Prop F upang matiyak ang Pagpapagamot at Pagpapanagot

Bilang mga kandidatong nasa listahan ng SF Democrats for Change, na tumatakbo para sa San Francisco Democratic Central County Committee (Komite Sentral ng Partido Demokratiko ng County ng San Francisco), sinusuportahan namin ang Proposisyon F. 

Napakarami nang mga indibidwal ang naghihirap dahil sa bisyo na adiksiyon sa droga, at mas maraming indibidwal sa San Francisco na ang namatay nang dahil sa overdose sa droga kaysa sa mga namatay nang dahil sa COVID magmula noong pagsisimula ng pandemya. 

Gayon pa man, wala pa ring kakayahan ang ating lungsod upang mapuwersa ang mga indibidwal na magpagamot at posibleng mailigtas ang kanilang mga buhay. 

Wastong nababalanse ng Prop F ang pagdamay at pagpapanagot, at nang matiyak na mas madalas na tinatanggap ng mga indibidwal ang paggamot sa pang-aabuso sa paggamit ng droga kaysa sa pagtanggi rito.

Sa kasalukuyang panahon, ginagamot ng San Francisco ang mahigit 4,000 indibidwal sa pamamagitan ng paggamot na may medikasyon gamit ang mga gamot na tulad ng buprenorphine at methadone. May paggamot na makukuha sa parehong araw na may indibidwal na gustong makakuha ng paggamot na ito. Tulungan natin ang mga indibidwal na makapagpagamot sa pamamagitan ng pagboto ng Oo sa Proposisyon F. 

Distrito ng Asembleya 19

Marjan Philhour

Michela Alioto-Pier

Sara Barz

Lanier Coles

Parag Gupta

Brian Quan

Catherine Stefani

Jade Tu

Distrito ng Asembleya 17

Cedric Akbar

Carrie Elise Barnes

Matt Dorsey

Emma Heiken

Lily Ho

Michael Lai

Laurence Lem Lee

Peter Lee

Nancy Tung

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Coalition for Treatment, Compassion and Accountability.

Ang tanging nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: Chris Larsen.

7

May Bayad na Argumento NA PABOR sa Proposisyon F

SINUSUPORTAHAN NG GROWSF ANG PROP f

Ang Proposisyon F ay gumagamit ng common sense na panukalang-batas na makatutulong sa mga indibidwal na huwag nang gumamit ng droga, magpagamot, at makatindig muli sa kanilang mga paa. 

Ayon sa sarbey ng GrowSF Pulse noong Setyembre 2023, 74% ng mga taga-San Francisco ang naniniwala na kailangang itakda sa mga indibidwal na walang tahanan at may adiksiyon sa droga na magpagamot para sa pang-aabuso sa droga at iba pang sangkap upang makakuha ng pabahay at iba pang serbisyo. Sumasang-ayon kami sa karaniwang mga taga-San Francisco. 

Hindi itinatakda ng Prop F ang lubusang hindi paggamit ng droga at iba pang sangkap upang makakuha ng tulong. Sa halip, itinatakda lamang ng Prop F na lumahok ang mga adik sa droga sa drug treatment program o programa para sa pagpapagamot sa paggamit ng droga. Makaliligtas ng mga buhay ang Prop F sa pamamagitan sa pagtulong sa mga indibidwal na makuha ang paggamot na kailangan nila sa halip na magkaroon ng adiksiyong pinopondohan ng mga nagbabayad ng buwis. Posible ang paggaling, at kailangan nating tulungan ang mga indibdiwal na makarating doon. 

GrowSF

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Coalition for Treatment, Compassion and Accountability.

Ang tanging nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: Chris Larsen.

8

May Bayad na Argumento NA PABOR sa Proposisyon F

Ang San Francisco sa ngayon ay Disneyland para sa mga turista ng droga, pero may libreng pagpasok, pagkain, at tirahan. May responsibilidad ang lipunan na tulungan ang pinakakapuspalad na maging malusog at umaasa lamang sa sarili. Wala itong responsibilidad na bigyan ng subsidyo ang adiksiyon at pananakit sa sarili. Isang hakbang sa tamang direksiyon ang panukalang-batas na ito. 

The Briones Society (Organisayong Briones)

Jay Donde

Bill Jackson 

Tom Rapkoch 

David Cuadro 

Jennie Feldman 

Christian Foster 

Martha Ehmann Conte

Chris Lewis 

Jan Diamond 

Jennifer Yan 

Peter Elden 

Jamie Wong 

Page Chamberlain 

Bill Shireman 

Grazia Monares

Josh Wolff 

Nick Berg 

Deah Williams

Jason Clark 

Jeremiah Boehner

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: The Briones Society. 

9

May Bayad na Argumento NA PABOR sa Proposisyon F

Bumoto ng Oo sa Proposisyon F upang mapabuti ang mga kondison sa kalye at makapagligtas ng mga buhay. 

Napakarami nang indibidwal na may kapansanan sa paggamit ng droga at iba pang sangkap ang lumalala ang kondisyon sa ating mga kalye. Napakarami na ang namamatay araw-araw, sa kabila ng mga inihahandog na paggamot na hindi tinatanggap ng marami. Naaapektuhan nito ang ating buong komunidad, lalo na ang mga pamilya. 

Kritikal na hakbang ang Proposisyon F na maaari nating gawin upang mabigyan ng pang-udyok ang mga may kapansanan sa paggamit ng droga at iba pang sangkap, at nang makalahok sila sa programa sa pagpapagamot, sa pamamagitan ng pagtatakda sa walang asawa na mga nasa hustong gulang at may kapansanan sa paggamit ng droga at iba pang sangkap na lumahok sa pagpapagamot upang patuloy na makatanggap ng ayudang pera mula sa Lungsod at County ng San Francisco. 

Naglilingkod ang San Francisco sa mahigit 4,000 indibidwal sa pamamagitan ng paggamot na may medikasyon na tulong, gamit ang mga gamot na tulad ng buprenorphine at methadone. Maaaring makakuha ang mga indibidwal ng agad na paggamot sa parehong araw na mag-aapply sila sa isa sa mga programang ito.

Hindi na lamang okay na pahintulutan ang mga indibidwal na nagdudulot ng panganib sa sarili at sa ibang tao na tanggihan ang pagpapagamot nang walang pananagutan. Ang Proposisyon F ay bahagi ng pamamaraan na maraming aspeto upang matugunan ang krisis sa Fentanyl, at nakukuha nito ang tamang balanse sa pagitan ng pagdamay at pagpapanagot. 

Samahan kami sa pagboto ng Oo sa Proposisyon F upang mapabuti ang mga kondisyon sa kalye at makapagligtas ng mga  buhay.

Westside Family Democratic Club (Pamilya Westside na Samahang Demokratiko)

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Oo sa F para sa Pagpapagamot, Pagdamay, at Pagpapanagot. 

Ang tanging nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: Chris Larsen.

1

May Bayad na Argumento na LABAN sa Proposisyon F

Pararamihin ng Prop F ang kawalan ng tahanan at mapapahina nito ang loob ng mga indibidwal sa pagpapagamot.  

Ang mga walang tahanang tumatanggap ng ayuda ay nakakukuha ng napakaliit na halaga ng pera na katumpas ng sobra lamang nang kaunti sa $5 kada araw. Para sa mga indibidwal na may tahanan, nakakukuha sila ng ilang daang dolyar upang masakop ang matutuluyan, pagkain, at lahat ng iba pa. Gayon pa man, kailangan nilang pagtrabahuhan ito maliban na lamang kung mayroon silang kapansanan na may dokumentasyon. Mayroon lamang isang eksempsiyon - maaaring maipawaksi nila ang itinatakda sa kanilang trabaho kung papasok sila sa pagpapagamot.  

Sa halip, ang panukalang-batas na ito ay makapagpapahina sa loob ng mga indibidwal sa paghingi ng paggamot na kailangan ito, dahil may panganib sa kanilang mawalan ng pabahay, masisilungan, at kita.  

Bumoto ng Hindi sa F.  

Coalition on Homelessness (Koalisyon sa Kawalan ng Tahanan), San Francisco 

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Coalition on Homelessness.

2

May Bayad na Argumento na LABAN sa Proposisyon F

TINUTUTULAN NG MGA NONPROFIT NA PARA SA MGA SERBISYO SA KALUSUGAN AT PANTAONG MGA SERBISYO ANG PROP F! 

Kukunin ng Prop F ang batayang mga benepisyo mula sa mga indibidwal na nahihirapan nang dahil sa kawalan ng tahan, mga kapansanan, at problema sa kalusugan ng pag-uugali, kung kaya’t mapupuwersa sila tungo sa sistema ng pagpapagamot na humaharap na sa kakulangan ng mga kama. Sa pamamagitan ng pagkuha sa suporta, daragdagan ng panukalang-batas na ito ang kawalan ng tahanan at kahirapan. Kailangan nating tugunan ang mga kapansanan sa paggamit ng droga at iba pang sangkap sa pamamagitan ng nakabatay sa ebidensiya na mga stratehiya para sa pampublikong kalusugan, hindi sa pamamagitan ng mga mapagparusang panukalang-batas, kung saan hindi alam ang mga konsekuwensiya at gastos.  

San Francisco Human Services Network (Ugnayan para sa Pantaong mga Serbisyo ng San Francisco)

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: San Francisco Human Services Network.