Enero 10, 2024 

Minamahal na Botante ng San Francisco,

Para sa lahat ng botante ng San Francisco, mapagkakatiwalaang makukuhanan ng impormasyon tungkol sa Marso 5, 2024 na Primaryang Eleksyon para sa Pagkapangulo itong Pamplet ng Impormasyon para sa Botante (Voter Information Pamphlet, VIP). Sa pamamagitan ng pagrerepaso sa VIP, mapag-aalaman ng mga botante kung maglalaman ang kanilang balota ng mga kandidato sa pagkapangulo at kung ano-ano ang mga opsiyon sa pagkuha ng balotang may listahan ng mga kandidato sa pagkapangulo. Nagbibigay din ang VIP ng kapaki-pakinabang na gabay sa pagsasaalang-alang kung paano bumoto sa mga lokal na panukalang-batas sa balota.

Impormasyon ukol sa Pagboto sa mga Kandidato para sa Pagkapangulo 

Ang inyong rekord ng pagpaparehistro para sa botante ang tutukoy kung magkakaroon ng mga kandidato para sa pagkapangulo ang inyong balota. Kung may kinakatigan na kuwalipikadong politikal na partido sa inyong rekord ng pagpaparehistro, ililista ng inyong balota ang mga kandidato para sa pagkapangulo ng partidong iyon. Kung tumanggi kayong magpahayag ng pagkatig sa isang politikal na partido, hindi magpapakita ng mga kandidato para sa pagkapangulo ang inyong balota.

Maaaring i-update ng mga botante ang kanilang rekord ng pagpaparehistro online sa registertovote.ca.gov o sa pamamagitan ng papel na form sa pagpili ng kakatigang politikal na partido at sa gayon, makatanggap ng balota na may mga kandidato para sa pagkapangulo ng partidong iyon.

Ang mga botanteng walang kinakatigang partido ay mayroong mga karagdagang opsiyon para makatanggap ng balotang naglilista ng mga kandidato para sa pagkapangulo ng alinman sa partidong Amerikanong Independiyente, Demokratiko, o Libertaryan. Kailangang humiling ang mga botante ng kadalasang tinatawag na “cross-over na balota” mula sa Departamento. Kasama sa VIP ang mga detalye sa mga opsiyon ng botante para makatanggap ng cross-over na balota, pati na rin ang website ng Departamento sa sfelections.org/primary.

Anuman ang inyong kinakatigang partido, inililista ng inyong balota ang mga labanan para sa Senador ng U.S., Kinatawan ng U.S., Senador ng Estado, Miyembro ng Asembleya ng Estado, Mga Hukom ng Korte Superyor, at pang-estado at lokal na mga panukalang batas.

Impormasyon ukol sa mga Lokal na Panukalang-Batas 

Lilitaw ang mga digest, o maiikling buod, ng bawat lokal na balota sa mga seksiyon na espesipiko para sa bawat panukalang-batas. Ang mga digest ay sinuri at inaprubahan na ng grupong pinangalanang Ballot Simplification Committee (Komite para Gawing mas Simple ang Balota). Ang Komite ay grupo ng mga boluntaryo na may propesyonal na karanasan sa pagsusulat o pagtuturo na kailangang gumamit ng lengguwahe na malinaw ang pagkakasaad at walang kinikilingan.

Naglalaman din ang bawat VIP ng lehislatibo o legal na teksto na kaugnay ng bawat lokal na panukalang-batas. Ang ibig sabihin nito, maaaring basahin ng mga botante para sa sarili kung paano babaguhin ng mga panukala ang lokal na mga batas kung makatanggap ang mga ito ng kinakailangang bilang ng mga boto.

Naglalaman din ang VIP ng “mga argumento” na isinulat ng ibang mga botante ng San Francisco at organisasyon. Pinapayagan ng bawat panukala ang isang opisyal na argumentong sumusuporta at isang opisyal na argumentong kumokontra, na may kasamang mga argumentong tumutugon. Naglalaman din ang VIP ng “mga argumentong binayaran ang paglilimbag (paid arguments),” na para sa at laban sa mga panukulang-batas, at maaaring isumite ng sinumang botante ng San Francisco kung magbabayad ng espesipikong mga singil.

Impormasyon ukol sa mga Kandidato 

Maaari ninyong suriin ang mga pahayag ng kuwalipikasyon ng mga kandidato na nakaprint sa VIP at direktang isinusumite sa Departamento ng karamihan sa mga kandidatong pampederal, pang-estado, at pang-hukuman. Gayunpaman, hindi nagbibigay ng mga pahayag ng kuwalipikasyon ang VIP mula sa mga kandidato para sa sentral na mga komite ng county. Hindi maituturing na mga katungkulang inihahalal ang mga puwesto sa mga komite at sa halip ay tinutukoy nito ang pamumuno ng politikal na partido sa lokal na antas.

Impormasyon ukol sa Pagboto 

Nagbibigay sa mga botante ang website ng Departamento ng maaasahang impormasyon sa pagboto.Upang malaman pa ang tungkol sa pagboto para sa paparating na primaryang eleksyon, bumisita sa sfelections.org/primary. Nagbibigay din ang aming website ng kasangkapan na tinatawag na “Voter Portal," na gumagabay sa mga botante sa pamamagitan ng madaling paraan ng pagtingin sa kanilang kinakatigang partido, katayuan ng vote-by-mail na balota, lokasyon ng inyong lugar ng botohan at mga kahon na hulugan ng balota, at marami pang impormasyon tungkol sa eleksyon na makikita sa sfelections.org/voterportal.

Maaari niyo rin kaming padalhan ng email sa sfvote@sfgov.org, o tumawag sa amin sa (415) 554-4310. Kung sumulat o tumawag kayo, may isang tao mula sa Departamento ang personal na tutugon sa inyong mga katanungan at alalahanin. Handa ang aming mga kawani na sumagot sa inyong mga katanungan at magbigay ng impormasyong may kaugnayan sa eleksyon sa wikang Ingles, Tsino, Espanyol, at Filipino, gayundin sa daan-daang iba pang wika sa pamamagitan ng serbisyong pagsasalin sa telepono.

Inaasahan ng lahat sa Departamento ang pagbibigay sa inyo ng suporta at impormasyong kailangan ninyo upang tagumpay na makasali sa darating na Marso 5, 2024, ang Primaryang Eleksyon para sa Pagkapangulo! 

Lubos na gumagalang, 

John Arntz, Direktor