Setyembre 5, 2024
Mahal na Botante ng San Francisco,
Ang inyong apat na kard na balota para sa Nobyembre 5, 2024, Pinagsamang Pangkalahatang Eleksyon ay may nakapaloob na estado at lokal na mga panukala, mga labanan kung saan boboto kayo ng isang kandidato, at iba pang mga labanan kung saan kayo ay magraranggo o boboto para sa ilang mga kandidato.
Bilang halimbawa, ang inyong balota ay may ilang ranked-choice voting (pagboto batay sa ranggo o RCV) na mga labanan para sa lokal na mga katungkulan kung saan kayo ay magraranggo ayon sa inyong mga kagustuhan. Upang matuto nang higit pa tungkol sa RCV, bisitahin ang aming website sa sfelections.gov/rcv. Kasama sa pahinang ito ang isang tool o kasangkapan na maaari ninyong gamitin sa pagsasanay sa pagmarka ng RCV na mga labanan: sfelections.gov/practice.
Kabilang din sa inyong balota ang dalawang labanan kung saan maaari kayong bumoto para sa apat na kandidato: Board of Education (Lupon ng Edukasyon) at Community College Board of Trustees (Lupon ng mga Katiwala ng Kolehiyo ng Komunidad).
Maaasahang Impormasyon sa Eleksyon
Ang departamentong ito ang inyong pinakamaaasahang mapagkukunan ng impormasyon sa pagboto at mga pamamaraan ng eleksyon sa San Francisco. Gamitin ang aming website o makipag-ugnay sa amin kung kayo ay may mga katanungan tungkol sa katayuan ng inyong rehistrasyon o balota. Gayundin, ipaalam sa amin kung nakatanggap kayo o kung may alam kayong impormasyon tungkol sa mga proseso ng eleksyon na inaalala ninyo.
Ang website ng Departamento ay nagbibigay sa mga botante ng maaasahang impormasyon sa pagboto. Upang matuto ng higit pa tungkol sa pagboto sa darating na eleksyon, bisitahin ang sfelections.gov. Nagbibigay ang aming website ng kasangkapan na tinatawag na "Voter Portal" sa sfelections.gov/voterportal na maaari ninyong gamitin upang i-check ang katayuan ng inyong vote-by-mail (pagboto sa pamamagitan ng koreo) na balota, ang lokasyon ng inyong lugar ng botohan at kahon na hulugan ng balota, at marami pang impormasyon sa eleksyon.
Paano Makipag-Ugnay sa Amin
Maaaring mag-email sa amin sa sfvote@sfgov.org, o tumawag sa amin sa (415) 554-4310. Kung susulat o tatawag kayo, isang tauhan mula sa Departamento ang personal na tutugon sa inyong mga tanong at alalahanin. Ang aming mga tauhan ay handa na sagutin ang inyong mga katanungan at magbigay ng impormasyon na may kaugnayan sa eleksyon sa Ingles, Tsino, Espanyol, at Filipino, pati na rin sa daan-daang iba pang mga wika sa pamamagitan ng isang telephone interpretation service (serbisyo sa pagsasalin sa telepono).
Kailan Namin Malalaman ang Pinal na mga Resulta?
Kakailanganin namin ng ilang linggo upang mabilang ang mga balota at masertipika ang eleksyon. Dahil inaasahang mataas ang turnout (paglahok ng botante) para sa eleksyon kasama ang mga botanteng bumoto ng apat na kard na mga balota, maaaring kailanganin namin iproseso ang halos 200,000 na vote-by-mail at probisyonal na mga balota, o 800,000 na mga kard, pagkatapos ng Araw ng Eleksyon. Upang mapaghandaan, nagdagdag kami ng mga karagdagang kagamitan, na-upgrade na kagamitan upang madagdagan ang kahusayan, dinagdagan ang bilang ng mga inimpleyong ballot-processing personnel (tauhan na nagpoproseso ng balota), at nag-iskedyul ng maraming shift sa trabaho bawat araw. Gayunman, kakailanganin namin na magtalaga ng ilang linggo upang mabilang ang lahat ng boto sa mga kard na ito dahil sa dami ng mga kard na balota na matatanggap namin. Sa kabuuan, inaasahan naming maproseso ang halos 2 milyon na mga kard na balota sa eleksyon na ito.
Tulad ng dati, umaasa ang lahat ng taga-Departamento na makapagbigay sa inyo ng suporta at impormasyon na kakailanganin ninyo upang matagumpay na makalahok sa darating na Nobyembre 5, 2024, Pinagsamang Pangkalahatang Eleksyon!
Lubos na gumagalang,
John Arntz, Direktor