O

Pagsuporta para sa Reproductive Rights (Karapatang Pantao na Mapanatili ang Personal na Awtonomiya sa Katawan)

Dapat bang maging polisiya at batas ng Lungsod na suportahan, protektahan, at palawakin ang mga reproductive na mga karapatan at serbisyo?

 

Kailangan ng panukalang-batas na ito ng 50%+1 botong oo para maipasa.

Buod ng Ballot Simplification Committee (Komite para Gawing mas Simple ang Balota)

Kung Ano Ito Ngayon:

Naghahandog ang Department of Public Health (Departamento ng Pampublikong Kalusugan, DPH) ng pangangalaga sa reproduktibong kalusugan. Sinusuportahan ng DPH ang karapatan na makakuha ng buong hanay ng pangangalaga sa reproduktibong kalusugan, kasama na ang mga pagpapalaglag.

Pangunahing nagkakaloob ang “limited services pregnancy center (sentro para sa pagbubuntis na may limitadong serbisyo)” ng mga serbisyo sa buntis na mga indibidwal pero hindi nagkakaloob ng mga serbisyo sa pagpapalaglag o pangemergency na kontrasepsiyon o ng mga rekomendasyon para sa gayong mga serbisyo. Ipinagbabawal ng batas ng Lungsod sa mga sentrong ito na mamahagi ng hindi totoo o mapanlinlang na impormasyon tungkol sa mga serbisyong ipinagkakaloob nila.

Pinahihintulutan ng batas ng Lungsod ang mga sentro para sa pagbubuntis na may limitadong serbisyo at mga klinikang nagbibigay ng mga serbisyo sa pagpapalaglag na pangunahing magsagawa ng mga operasyon sa unang palapag ng mga nakatalagang distrito sa San Francisco.

Ipinagbabawal ng batas ng estado sa Lungsod na makipagkooperasyon sa anumang ahensiya para sa pagpapatupad ng batas ng ibang estado o ng pederal na gobyerno, o magkaloob ng impormasyon sa mga ito ukol sa alinsunod sa batas na pagpapalaglag na isinagawa sa California.

Ang Mungkahi:

Idedeklara ng Proposisyon O na maging polisiya ng Lungsod ang:

  • Pagsisilbi bilang ligtas na lugar para sa mga indibidwal na naghahangad ng reproduktibong pangangalaga, kasama na ang pagpapalaglag;
  • Pagbibigay ng proteksiyon sa karapatan ng buntis na mga indibidwal na makontrol ang kanilang medikal na mga desisyon;
  • Pangangalaga sa pagiging kumpidensiyal ng impormasyon ukol sa reproduktibong kalusugan;

Ang Proposisyon O din ay:

  • Lilikha ng Reproductive Freedom Fund (Pondo para sa Kalayaang Magpasya ukol sa Reproduktibong Usapin) na tatanggap ng grants (tulong-pinansiyal) at regalo upang masuportahan ang mga reproduktibong karapatan at serbisyo;
  • Magtatakda sa DPH na magpanatili ng pampublikong website na naglilista ng mga pasilidad ng nagkakaloob ng serbisyo sa pagpapalaglag o pang-emergency na kontrasepsiyon o naghahandog ng mga rekomendasyon para sa mga serbisyong ito o naglilista ng mga sentro para sa pagbubuntis na may limitadong serbisyo sa San Francisco;
  • Bibigyan ng awtorisasyon ang DPH na magpaskil ng mga karatula sa labas ng mga sentro para sa pagbubuntis na may limitadong serbisyo upang makapagbigay ng impormasyon sa publiko na hindi nagkakaloob ang mga pasilidad na ito ng serbisyo sa pagpapalaglag o pang-emergency na kontrasepsiyon, at hindi rin naghahandog ng mga rekomendasyon para sa ganitong mga serbisyo; nakasaad din sa mga karatulang ito kung saan makakukuha ng mga serbisyong ito;
  • Maglilimita sa pinopondohan ng Lungsod na mga pasilidad na nagkakaloob ng mga serbisyo sa pagpapalaglag na itakda sa mga nagbibigay ng serbisyo na magkaroon ng karagdagang medikal na mga kuwalipikasyon na higit pa kaysa sa itinatakda ng batas;
  • Magbabawal sa mga opisyal ng Lungsod na magkaloob sa mga tagapagpatupad ng batas ng ibang estado o ng pederal na gobyerno ng impormasyon na nauukol sa paggamit o pagkakaroon ng indibidwal ng kontrasepsiyon, paggamit ng in vitro fertilization (paggawang pertilisado sa itlog sa labas ng katawan), katayuan ng pagbubuntis, o pagpapasyang magpalaglag; at
  • Magbabago sa batas sa pagsosona ng Lungsod at sa gayon, maaari nang magkaroon ng mga operasyon ang mga klinika para sa reproduktibong kalusugan sa maraming lugar sa San Francisco, kasama na ang lahat ng palapag sa hindi residensiyal na mga distrito at mga loteng nasa kanto ng residensiyal na mga distrito.

Ang Ibig Sabihin ng Botong "OO": Kapag bumoto kayo ng "oo," gusto ninyong maging polisiya at batas ng Lungsod na suportahan, protektahan, at palawakin ang mga reproductive na mga karapatan at serbisyo.

Ang Ibig Sabihin ng Botong "HINDI": Kapag bumoto kayo ng "hindi," ayaw ninyong gawin ang mga pagbabagong ito.

Pahayag ng Controller (Tagapamahala ng Pinansiya) Tungkol sa "O"

Naglabas na ang Controller ng Lungsod na si Greg Wagner ng sumusunod na pahayag tungkol sa magiging epekto sa pinansiya ng Proposisyon O:

Sakaling maaprubahan ng mga botante, nakabatay ang gastos sa mungkahing ordinansa sa mga desisyon na isasagawa ng Mayor at ng Board of Supervisors (Lupon ng mga Superbisor) sa proseso ng pagbabadyet, dahil hindi maitatakda ng ordinansa ang mga magiging Mayor at Board of Supervisors na magkaloob ng pagpopondo para dito at sa anumang iba pang layunin. Sa aking opinyon, ang taunang gastos para sa pamamahala ng pagpapatupad ng programang lilikhain ng panukalang-batas, sakaling isagawa ito ng gumagawa ng polisiya sa hinaharap, ay malamang na maliit, na may saklaw na hanggang sa humigitkumulang $8,000 para sa pagpapanatili sa mga karatula sa maayos na kondisyon.

Aamyendahan ng mungkahing ordinansa ang Administrative Code (Kodigong Administratibo) upang makalikha ng Pondo para sa Kalayaang Magpasya ukol sa Reproduktibong Usapin na maaaring tumanggap ng pribadong mga dolyar at ilalaan na pera ng Lungsod, at sa gayon, masuportahan ang mga reproduktibong karapatan at serbisyo (Fund o Pondo). Itatakda ng ordinansa sa DPH na magpanatili ng website upang makapagbigay ng impormasyon sa publiko ukol sa reproduktibong kalusugan at bibigyan nito ng awtorisasyon ang DPH na maglagay ng mga karatula sa labas ng mga sentro para sa pagbubuntis na may limitadong serbisyo.

Sa hangganang maglalaan ng mga pondo ng Lungsod sa Pondo, maaaring maapektuhan nito ang gastos ng gobyerno, pero nasa antas ito na hindi pa mapag-aalaman sa ngayon. Depende sa mga pagpapasya sa badyet sa hinaharap na isasagawa ng Mayor at ng Board of Supervisors, at sa mga desisyon ukol sa mga operasyon na gagawin ng Department of Public Health, maaaring may gastos sa paglalagay ng karatula sa dalawang sentro para sa pagbubuntis na may limitadong serbisyo sa Lungsod na humigit-kumulang $4,000, at may taunang gastos sa pagpapanatili nito sa maayos na kondisyon na nasa saklaw ng humigit-kumulang $8,000.

Kung Paano Napunta sa Balota ang "O"

Noong Hulyo 18, 2024, nakatanggap ang Department of Elections (Departamento ng mga Eleksyon) ng mungkahing ordinansa na nilagdaan ni Mayor Breed.

Pinahihintulutan ng Municipal Elections Code (Kodigo para sa Munisipal na Eleksyon) na maglagay ang Mayor ng ordinansa sa balota sa ganitong paraan.

 

Ang mga argumento ay opinyon ng mga awtor at hindi siniyasat ng anumang opisyal na ahensiya para sa kawastuhan. Inilimbag ang mga argumento ayon sa pagkakasumite. Hindi iwinasto ang maling spelling o grammar.

Protektahan ang Kalayaang Magpasya ukol sa Reproduktibong Usapin – Bumoto ng Oo sa Prop O!

Titiyakin ng Prop O – ang San Francisco Reproductive Freedom Act (Batas ng San Francisco para sa Kalayaang Magpasya ukol sa Reproduktibong Usapin) – na magkakaroon ang lahat ng indibidwal sa ating lungsod ng awtonomiyang gumawa ng mga pagpapasya ukol sa kanilang reproduktibong kalusugan.

Kilala ang San Francisco bilang lungsod nang dahil sa progresibong pananaw sa mga pinahahalagahan nito, pagsasama sa lahat, at hindi nagbabagong pangako sa mga karapatan ng bawat indibidwal. Kinakatawan ng Prop O ang mga prinsipyong ito sa pamamagitan ng pagprotekta sa mga pamamaraang makakuha ng komprehensibong pangangalaga sa reproduktibong kalusugan, kasama na ang ligtas at legal na mga serbisyo sa pagpapalaglag.

Sa panahong inaatake ang reproductive rights (karapatang pantao na manatili ang personal na awtonomiya sa katawan) sa buong bansa at iminungkahi na nina Donald Trump at J.D. Vance ang pambansang pagbabawal sa pagpapalaglag, napakahalaga ng pagtindig ng San Francisco bilang parolang gabay para sa kalayaan at pagmamalasakit.

Ipinahahayag ng Prop O ang paniniwalang may karapatan tayong lahat na gumawa ng pribadong mga pagpapasya ukol sa kalusugan nang hindi pinakikialaman ng pamahalaan.

Ang Prop O na Batas ng San Francisco para sa Kalayaang Magpasya ukol sa Reproduktibong Usapin ay:

  • Maggagarantiya na lahat ng residente, anuman ang kita, ng pagkakaroon ng pamamaraang makakuha ng kinakailangang pangangalaga, sa pamamagitan ng pagtitiyak ng patuloy na pondo para sa mga serbisyo sa reproduktibong kalusugan.
  • Magpoprotekta sa mga tagabigay ng pangangalaga sa kalusugan na naghahatid ng napakahahalagang serbisyo mula sa mga politikal at legal na pag-atake.
  • Maggagarantiya na mananatiling walang kinikilingan, nakabatay sa mga katunayan, at nakukuha ng lahat ang edukasyon ukol sa reproduktibong kalusugan.

Ang pagpasa sa Prop O ay hindi lamang tungkol sa pagpreserba ng mga karapatan; tungkol ito sa pagprotekta sa mga buhay. Humahantong ang komprehensibo na reproduktibong pangangalaga sa mas malulusog na mga pamilya at komunidad. Titiyakin ng Prop O na ang kababaihan at lahat ng indibidwal na maaaring mabuntis ay hindi mapupuwersa tungo sa mapanganib o mahirap makayanang mga sitwasyon.

Hinihiling ko sa inyong samahan ako sa pagsuporta sa Prop O – ang Batas ng San Francisco para sa Kalayaang Magpasya ukol sa Reproduktibong Usapin. Tiyakin natin na mananatili ang San Francisco na lider sa pagtataguyod sa dignidad at karapatan ng lahat ng residente.

Salamat po sa pagtindig para sa kalayaan at katarungan. Bumoto ng OO sa Prop O.

Mayor London Breed

SFReproFreedom.com

Walang Isinumiteng Kontra-argumento sa Argumento ng May-Panukala na Pabor sa Proposisyon O

Ang panukalang-batas na ito ay higit pa sa “pro-life (para sa buhay; laban sa pagpapalaglag) kontra sa pro-choice (para sa karapatang magpasya sa katawan).” Magdudulot ng diskriminasyon ang Prop O laban sa nagpapahayag ng suporta sa buhay na mga pasilidad para sa pangangalaga sa kalusugan na inaasahan ng mga mamamayan ng San Francisco, at babawasan nito ang bilang ng mga serbisyong maipagkakaloob nila sa komunidad.

Ang botong oo ay:

  • Magtatakda ng paglalagay ng mga karatula sa labas ng libreng pro-life na mga medikal na klinika sa lungsod ng San Francisco upang makapag-anunsiyo ukol sa mga sentro para sa pagpapalaglag. Walang ganitong ilalagay sa labas ng mga sentro para sa pagpapalaglag.
  • Lilikha ng nakatalagang kaban para sa paghingi ng mga grant (tulong-pinansiyal), donasyon, at nakabadyet na pondo mula sa buwis upang mabayaran ang pinipili na pagpapalaglag sa hanggang sa 24 linggong pagbubuntis.
  • Lilikha ng bagong website upang maitampok ang mga negosyo sa pagpapalaglag at masiraan ang mga “limited service (limitado ang serbisyong)” mga sentro. Dahil sa mga kasinungalingang ipinakalat ni Mayor Breed sa kanyang Prop O na kumperensiya sa mga mamamahayag ukol sa pregnancy resource centers (mga mapagkukunan ng tulong at impormasyon ukol sa pagbubuntis) sa SF, sa aming palagay ay mapipigilan ng website na ito ang mga indibidwal na magkaroon ng interaksiyon sa mga pasilidad na ito at makatanggap ng de-kalidad na pangangalaga mula sa mga ito. Sa halip na tawagin ang mga sentro o klinika para sa materyal na tulong gamit ang mga pangalan ng mga ito at pagbanggit sa negatibong mga komento o paglabag sa batas, pinatitindi na ng mga gobyerno ang pagkastigo sa lahat ng PRC nang walang hindi isinasama.
  • Lilimitahan ang pondo ng lungsod mula sa pagpunta sa mga pangkalusugang pasilidad na tumatangging maglaglag ng malulusog na fetus (hindi pa naipapanganak) o tumatangging bigyan ng rekomendasyon ang mga indibidwal ukol sa mga negosyong gumagawa nito. Lilimitahan ng ganitong espesyal na pagturing ang pagpapalawak ng mga serbisyo na maihahandog sa publiko ng mga pasilidad na life-affirming (nagpapahalaga sa buhay; laban sa pagpapalaglag).
  • Hahayaan ang bagong mga kompanya na bumili at magpatakbo ng anumang ari-ariang nakasona para sa hindi residensiyal na paggamit, basta’t nasa negosyo sila ng pagpapalaglag.
  • Lilikha ng “Abortion Provider Appreciation Day (Araw para sa Pagpapasalamat ng mga Nagkakaloob ng Aborsyon)” sa lungsod. Naniniwala ang karamihan sa mga indibidwal na itinuturing ang sarili na pro-choice na dapat nakukuha lamang ang pinipiling pagpapalaglag sa ika-1 trimester, pero papalakpakan ng panukalang-batas na ito ang mga doktor na magdudulot ng pinsala sa mas matatandang fetus.

Sama-sama nating dapat tanggihan ang naniniwala nang labis sa espesipikong ideolohiya at laban sa pagpapalaglag sa pamamagitan ng pagboto ng HINDI sa Prop O.

Melanie Salazar, Ehekutihong Direktor

Pro-Life San Francisco

Bumoto ng Oo sa Prop O!

Tumindig laban sa mga Naniniwala nang Labis sa Espesipikong Ideolohiya at Nagbabanta sa Ating Kalayaang Magpasya ukol sa mga Reproduktibong Usapin

Ang administrasyong Donald Trump-J.D. Vance ang pinakamapanganib nang banta sa kalayaang magpasya ukol sa mga reproduktibong usapin na nakita natin, dahil magtatrabaho sila upang ipagbawal ang pagpapalaglag at kukunin ang kalayaan nating lahat na magpasya ukol sa reproduktibong usapin. 22 estado na ang nagbabawal o lubos na hinihigpitan ang mga pagpapalaglag.

Maaaring protektahan ng mga taga-San Francisco ang kalayaang magpasya sa reproduktibong usapin sa pamamagitan ng pagboto ng Oo sa Proposisyon O –ang Batas ng San Francisco para sa Kalayaang Magpasya ukol sa Reproduktibong Usapin.

Pinagtitibay at tinitiyak ng Proposisyon O ang pagkakaroon ng awtonomiya ng lahat ng indibidwal sa San Francisco sa paggawa ng mga pagpapasya ukol sa kanilang reproduktibong kalusugan sa pamamagitan, sa pagprotekta sa mga pamamaraang makakuha ng komprehensibong pangangalaga sa reproduktibong kalusugan, kasama na ang ligtas at legal na mga serbisyo sa pagpapalaglag.

Palagi nang pinamumunuan ng San Francisco ang bansa, mula sa paggawang legal sa pagpapakasal ng mga bakla at lesbiana tungo sa pagiging kauna-unahang malaking lungsod na magsara sa panahon ng pandemya, kung kaya’t nakapagligtas ng libolibong buhay. Hindi natin sila uurungan — titindig tayo upang maprotektahan ang karapatan ng lahat na gumawa ng mga pagpapasya tungkol sa sarili nilang mga katawan.

Ang Proposisyon O ay:

  • Maggagarantiya sa lahat ng residente, anuman angkita, na magkakaroon sila ng pamamaraang makakuhang kinakailangang pangangalaga, sa pamamagitan ng pagtitiyak ng patuloy na pondo para sa mga serbisyo sa reproduktibong kalusugan.
  • Magpoprotekta sa mga tagabigay ng pangangalaga sa kalusugan na naghahatid ng napakahahalagang serbisyo mula sa mga politikal at legal na pag-atake.
  • Maggagarantiya na mananatiling walang kinikilingan, nakabatay sa mga katunayan, at nakukuha ng lahat ang edukasyon ukol sa reproduktibong kalusugan.
  • Magtitiyak na ang kababaihan at ang lahat ng indibidwal na maaaring mabuntis ay hindi mapupuwersa sa mapanganib o mahirap makayanang mga sitwasyon, at sa halip ay magkakaroon ng ligtas at protektadong medikal na pangangalaga.

Samahan kami sa pagsuporta sa Proposisyon O upang matiyak na mananatili ang San Francisco na lider sa pagtataguyod sa dignidad at karapatan ng lahat ng mamamayan.

Mayor London Breed

Superbisor Connie Chan

Superbisor Myrna Melgar

Superbisor Hillary Ronen 

Superbisor Catherine Stefani

SFReproFreedom.com

1

SINUSUPORTAHAN NG MGA INIHALAL NA KABABAIHAN NG SAN FRANCISCO ANG OO SA O

Bilang mga inihalal na kababaihang kumakatawan sa San Francisco at California, nagkakaisa kami sa aming matibay na suporta sa San Francisco Reproductive Freedom Act (Batas ng San Francisco para sa Kalayaang Magpasya ukol sa Reproduktibong Usapin).  

Sa harap ng dumaraming pag-atake sa kalayaang magpasya ukol sa reproduktibong usapin sa kabuuan ng bansa, kailangang matatag na tumindig ang San Francisco sa pagprotekta sa mga karapatan at kalusugan ng lahat ng residente. Titiyakin ng pag-Oo sa O na makakukuha ang lahat ng indibidwal sa ating lungsod ng komprehensibong pangangalaga sa reproduktibong kalusugan, kasama na ang mga serbisyo para sa kontrasepsiyon, pagpapalaglag, at panahon bago ang panganganak. Sa pamamagitan ng pagbibigay-halaga sa mga proteksiyong ito sa lokal, makabubuo tayo ng ligtas at nagbibigay ng suportang kapaligiran sa lahat ng indibidwal upang makagawa sila ng sariling mga pagpapasya ukol sa kalusugan. 

Napakahalaga ng lokal na pag-aksiyon sa pakikipaglaban para sa reproduktibong katarungan. Bagamat mahahalaga rin ang mga proteksiyon ng estado at pederal na gobyerno, may natatanging papel ang mga lokal na gobyerno sa pagtugon sa espesipikong mga pangangailangan ng kanilang mga komunidad. May ikinararangal na kasaysayan ang ating lungsod sa pakikipaglaban para sa progresibong mga pinahahalagahan at ang inisyatibang ito ay pagpapatuloy ng gayong pamana. Ipinapakita nito ang ating hindi nagbabagong dedikasyon sa pagtatanghal ng mga karapatan at awtonomiya ng lahat ng taga-San Francisco.

Maaaring magkaroon ng nakapangwawasak na kahihinatnan ang paggawang kriminal na aksiyon sa pagpapalaglag at ang pagpigil sa pagkakaroon ng pangangalaga sa reproduktibong kalusugan, partikular na sa naisasantabing mga komunidad. Pinararami ng mga polisiyang ito ang mga panganib sa kalusugan, pinalalalim ang kawalan ng pagkakapantay-pantay, at pinahihina ang pagkakaroon ng personal na mga kalayaan. Sa pamamagitan ng pagpasa ng Oo sa O, matitiyak natin na mananatili ang San Francisco na ilaw ng pag-asa at katarungan, kung saan iginagalang at pinoprotektahan ang karapatan ng bawat indibidwal na gumawa ng mga pagpapasya.

Hinihiling ko sa inyong samahan ako sa pagsuporta sa Prop O, ang Reproductive Freedom Act ng San Francisco. Sama-sama nating mapangungunahan ang landas tungo sa pagtatanggol sa reproduktibong mga karapatan sa kabuuan ng bansa. 

Speaker Emerita (Tagapagsalitang Panghabampanahon) Nancy Pelosi 

Tinyenteng Gobernador Eleni Kounalakis 

Controller (Tagapamahala ng Pinansiya) ng Estado California Malia Cohen

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Mayor Breed's Committee for Reproductive Freedom (Komite ni Mayor Breed para sa Kalayaang Magpasya ukol sa Reproduktibong Usapin), Oo sa O. 

Ang tanging nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee (komite na tumatanggap mula sa tunay na pinagmulan ng pondo): A San Francisco for All of Us (Ang San Francisco na Para sa ating Lahat).

 

2

SINUSUPORTAHAN NG MGA INIHALAL NA KALALAKIHAN NG SAN FRANCISCO ANG OO SA O

Bilang mga lalaking inihalal na lider ng San Francisco, nagkakaisa kaming tumitindig nang may matatag na suporta sa —Reproductive Freedom Act ng San Francisco. Hindi lamang usapin ng kababaihan ang reproduktibong kalusugan — tungkol ito sa batayang mga karapatang pantao na nakaaapekto sa kagalingan ng ating buong komunidad. May napakahalagang papel na ginagampanan ang kalalakihan sa pagkikipaglaban para sa mga karapatang ito dahil naaapektuhan nito ang ating mga ka-partner, pamilya, at ang mas malawak na lipunan.  

Sinusuportahan ng kalayaang magpasya ukol sa reproduktibong usapin ang kalusugan, awtonomiya, at pang-ekonomikong seguridad ng lahat. Mas malulusog at mas matatatag ang mga pamilya kapag may nakukuha ang mga indibidwal na komprehensibong pangangalaga sa reproduktibong kalusugan, kasama na ang mga serbisyo para sa kontrasepsiyon, pagpapalaglag, at sa panahon bago ang panganganak. Titiyakin ng inisyatibang ito na makakukuha ang lahat ng San Francisco, anuman ang kasarian, ng pangangalaga sa kalusugang kailangan nila nang hindi nangangamba ukol sa diskriminasyon o politikal na panghihimasok.  

Aang paggawang kriminal na gawain sa pagpapalaglag at ang pagpigil sa pagkakaroon ng pangangalaga sa reproduktibong kalusugan ay humahantong sa mapanganib at hindi makatarungang mga kahihinatnan, kung kaya’t wala sa proporsiyong mapipinsala ang mga naisasantabing komunidad, kasama na ang mga LGBTQ na mga indibidwal. Sa pamamagitan ng pagsuporta sa inisyatibang ito, mapoprotektahan natin ang kalusugan at ang mga karapatan ng lahat ng taga-San Francisco, at mapagtitibay ang pananagutan ng ating lungsod sa hustisya at sa katarungan sa pagkakapantay-pantay.  

Hinihiling namin sa inyong bumoto ng OO sa Prop O, ang Reproductive Freedom Act ng San Francisco. Sama-sama tayong makalilikha ng mas maliwanag at mas may katarungan sa pagkakapantay-pantay na kinabukasan para sa lahat.  

Senador Scott Wiener 

Tagatasa Joaquin Torres 

Superbisor Matt Dorsey 

Superbisor Joel Engardio 

Superbisor Rafael Mandelman 

Superbisor Aaron Peskin 

Superbisor Dean Preston 

Superbisor Ahsha Safaí 

Superbisor Shamann Walton 

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Mayor Breed's Committee for Reproductive Freedom, Oo sa O.

Ang tanging nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: A San Francisco for All of Us.

 

3

SINUSUPORTAHAN NG MGA LIDER SA PAMPUBLIKONG KALIGTASAN  NG SAN FRANCISCO ANG OO SA O 

Bilang mga opisyal para sa pampublikong kaligtasan, pangunahing responsibilidad namin na protektahan ang kalusugan ng ating komunidad. Paghuhusayin ng Reproductive Freedom Act ng San Francisco ang pampublikong kaligtasan sa pamamagitan ng pagprotekta sa mga karapatan at awtonomiya ng mga indibidwal, kung kaya’t matitiyak na makukuha ng lahat ang pangangalaga na kailangan nila.  

Batayang aspeto ng kaligtasan ng komunidad ang pagkakaron ng mga serbisyo para sa reproduktibong kalusugan, kasama na ang pagpapalaglag. Kapag itinatanggi sa mga indibidwal ang mga pamamaraan upang magkaroon ng mga ito, maaaring humantong ito sa hindi ligtas na mga gawain, kung kaya’t mapalalala ang mga krisis sa pampublikong kalusugan at makapagdarag ng hirap sa ating mga sistema para sa pang-emergency na pagtugon. Sa pamamagitan ng pagtitiyak na may legal at ligtas na mga pamamaraan upang makakuha ng mahahalagang serbisyong ito, mapabababa natin ang tsansa na magkaroon ng mapanganib at walang regulasyon na mga gawain at ang posibleng pinsala na madudulot ng mga ito kapwa sa mga indibidwal at sa mga komunidad.  

Hindi lamang usapin ng pangangalaga sa kalusugan ang pagsuporta sa Reproductive Freedom Act ng San Francisco; pananagutan ito sa kaligtasan, dignidad, at mga karapatan ng lahat ng taga-San Francisco. Bilang mga opisyal para sa pampublikong kaligtasan nakaayon ang Batas na ito sa aming misyon na protektahan at paglingkuran ang bawat miyembro ng ating komunidad. Sa pamamagitan ng pagsuporta sa Batas na ito, pinagtitibay namin ang karapatan ng lahat ng residente ng San Francisco, anuman ang kanilang sitwasyon, na gumawa ng may impormasyon na mga pagpapasya tungkol sa kanilang mga katawan at kalusugan nang hindi nangangamba nang dahil sa karahasan, pangha-harass o panliligalig, o legal na mga kahihinatnan.  

Bumoto ng OO sa Reproductive Freedom Act ng San Francisco. 

Abugado ng Distrito Brooke Jenkins 

Sheriff Paul Miyamoto 

Debra Walker, Komisyoner ng Pulisya*

*Para lamang sa layunin ng identipikasyon; lumalagda ang awtor bilang indibidwal at hindi sa ngalan ng organisasyon.

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Mayor Breed's Committee for Reproductive Freedom, Oo sa O.

Ang tanging nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: A San Francisco for All of Us.

 

4

SINUSUPORTAHAN NG ESSENTIAL ACCESS HEALTH ANG OO SA O! 

Ikinararangal ng Essential Access Health na suportahan ang Reproductive Freedom Act ng San Francisco. Isinusulong ng Essential Access Health ang de-kalidad na pangangalaga sa seksuwal at reproduktibong kalusugan para sa lahat sa pamamagitan ng pagpopondo, pag-aadbokasiya, pananaliksik, pagsasanay sa mga tagabigay ng serbisyo at propesyonal sa pangangalaga ng kalusugan, at ang pagbibigay-lakas sa kabataan.  

Habang patuloy na nagsasagawa ang mga estado sa kabuuan ng bansa ng walang habag at malulupit na pagbabawal at ng mga restriksiyon sa pagpapalaglag, may oportunidad ang California at ang San Francisco na gamitin ang bawat maaaring maging kasangkapan upang maprotektahan at mapalawak ang mga pamamaraan ng pagkakaroon ng napakahahalagang serbisyo sa kalusugan. Tinutuntungan at pinagbubuti pa ng Reproductive Freedom Act ang mahabang kasaysayan ng San Francisco ng paggawa ng matatapang na pagkilos bilang pagsuporta sa katarungan sa pagkakapantay-pantay at sa hustisya, at nagkakaloob ito ng modelo sa ibang lungsod upang magawa rin ito at maiayon sa kanila.  

Titiyakin ng panukalang-batas na ito na sinumang naghahangad ng pangangalaga sa reproduktibong kalusugan ay magkakaroon ng tamang impormasyon ukol sa mga lugar kung saan sila makatatanggap ng komprehensibo, wasto ang medikal na gawain, at walang kinikilingan na pangangalaga. Pagtitibayin nito ang mga proteksiyon ng estado upang matiyak na walang sinuman ang maaakusahang kriminal dahil kumuha ng pangangalaga para sa reproduktibong kalusugan, hahangaring maggarantiya na abot-kaya at madaling makuha ng lahat ang reproduktibong mga serbisyo, lalabanan ang mapagmanipulang mga taktika na nagpaaantala sa pangangalagang dapat ibigay sa nararapat na panahon, at gagawing mas madali ang pagbubukas ng mga sentro para sa reproduktibong pangangalaga sa San Francisco. 

Dapat ay nakakukuha ang lahat ng indibidwal sa lahat ng lugar ng napakahahalagang pangangalaga sa pagpapalaglag na gusto at kailangan nila, kung saan at kung paano man nila kailangan ito, nang may dignidad at paggalang. Hinihikayat namin ang mga taga-San Francisco na suportahan ang panukalang-batas na ito.  

Shannon Olivieri Hovis, Bise President para sa Pampublikong mga Gawain, Essential Access Health 

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Mayor Breed's Committee for Reproductive Freedom, Oo sa O.

Ang tanging nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: A San Francisco for All of Us.

 

5

SINUSUPORTAHAN NG MGA LIDER NA LGBTQ+ ANG PROP O

Wala sa proporsiyong nagdudulot ng pinsala ang paggawang kriminal na gawain sa pagpapalaglag at pagpigil sa pagkakaroon ng pamamaraan na makakuha ng pangangalaga sa reproduktibong kalusugan ang naisasantabing mga komunidad, kasama na ang mga tao na may kulay, indibidwal na mabababa ang kita, at mga tao na LGBTQ+. 

Titiyakin ng Prop O, ang Reproductive Freedom Act ng San Francisco, na magkakaroon ng komprehensibong pangangalaga sa reproduktibong kalusugan ang bawat indibidwal, anuman ang kanyang pinagmulan o identidad. Sa panahon na inaatake na sa buong bansa ang reproduktibong mga karapatan, mahalaga ngayon, kaysa sa anumang panahon, ang karapatang gumawa ng pribadong mga pagpapasya ukol sa kalusugan nang walang panghihimasok ng gobyerno.  

Binibigyang-lakas ng Prop O ang mga indibidwal sa paggawa ng mga desisyon ukol sa kanilang sariling mga katawan at kinabukasan sa pamamagitan ng paggagarantiya ng mga paraan tungo sa napakahahalagang mga serbisyo sa kalusugan, kasama na ang kontrasepsiyon, pagpapalaglag, at pangangalaga bago ang panganganak.  

Lider na noon pa man ang San Francisco sa progresibong mga pagpapahalaga, at ngayon, higit sa anumang panahon, ay kailangan nating magsagawa ng lokal na aksiyon upang maprotektahan ang reproduktibong mga karapatan. Sa pamamagitan ng pagpasa ng Prop O, matitiyak natin na mananatiling ilaw ng pag-asa at katarungan ang ating lungsod, kung kaya’t makapagtatakda ng halimbawa para masundan ng iba sa kabuuan ng estado at ng ating bansa.  

Hinihikayat namin kayong suportahan ang Prop O at nang sama-sama nating maprotektahan ang mga karapatan at kalusugan ng bawat indibidwal sa ating minamahal na lungsod.  

Honey Mahogany, Panghabambuhay na Tagapagsalita, San Francisco Democratic Party (Partido Demokratiko ng San Francisco)

Alice B. Toklas LGBTQ Democratic Club (Alice B. Toklas na LGBTQ na Samahang Demokratiko)

Harvey Milk LGBTQ Democratic Club (Harvey Milk na LGBtQ na Samahang Demokratiko)  

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Mayor Breed's Committee for Reproductive Freedom, Oo sa O.

Ang tanging nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: A San Francisco for All of Us.

 

6

SINUSUPORTAHAN NG KABABAIHAN NG SAN FRANCISCO DEMOCRATIC PARTY ANG PAG-OO SA O 

Bilang mga inihalal na mga miyembro ng San Francisco Democratic Party, nagkakaisa kaming tumitindig sa aming matibay na pagsuporta sa San Francisco Reproductive Freedom Act. Napakahalaga ng panukalang-batas na ito sa pagtitiyak na magkakaroon ang lahat ng indibdiwal, anuman ang kasarian, ng karapatan at pamamaraang makakuha ng komprehensibong pangangalaga sa reproduktibong kalusugan. 

Bibigyang-lakas ng kalayaang magpasya ukol sa reproduktibong usapin, o reproduktibong kalayaan, ang lahat upang makagawa ng may impormasyong desisyon ukol sa kanilang mga katawan at kinabukasan. Kinakatawan ng inisyatibang ito ang nagsasama sa lahat, o inklusibong mga pinahahalagahan, na ipinaglalaban natin bilang bahagi ng Democratic Party (Partido Demokratiko), kung saan ginagarantiya na magkakaroon ng pamamaraan ang lahat ng residente ng San Francisco na magkaroon ng napakahahalagang serbisyo sa kalusugan, kasama na ang kontrasepsiyon, pagpapalaglag, at pangagalaga bago ang panganganak.  

Gumaganap ang lokal na pamunuan ng napakahalagang papel sa pagprotekta sa mga karapatang ito. Bagamat mahahalaga ang mga proteksiyon ng estado at pederal na gobyerno, may natatanging kakayahan ang mga lokal na gobyerno na direktang matugunan ang mga pangangailangan ng kanilang mga komunidad. Sa pamamagitan ng pagpasa sa inisyatibang ito, mapapangunahan ng San Francisco ang daan tungo sa pagprotekta sa reproduktibong kalayaan at sa pagtatakda ng halimbawa na masusundan ng iba pang lungsod. 

Hinihikayat namin kayong bumoto nang pabor sa San Francisco Reproductive Freedom Ballot Initiative (Inisyatiba sa Balota ng San Francisco para sa Kalayaang Magpasya ukol sa Reproduktibong Usapin). Sama-sama nating maitataguyod ang mga prinsipyo ng katarungan at pagkakapantay-pantay, at nang matiyak na mananatili ang ating lungsod na lider sa pagprotekta sa reproduktibong mga karapatan at kalusugan ng lahat ng residente nito. Patuloy nating hawanin ang daan tungo sa mas maningning at mas nagsasama sa lahat na kinabukasan, ngayon at para sa mga henerasyon sa hinaharap. 

Nancy Tung, Tagapangulo, San Francisco Democratic Party)

Carrie Barnes, Pangalawang Tagapangulo, San Francisco Democratic Party

Emma Heiken Hare, Pangalawang Tagapangulo, San Francisco Democratic Party 

Marjan Philhour, Miyembro, San Francisco Democratic Party

Connie Chan, Miyembro, San Francisco Democratic Party

Lanier Coles, Direktor, San Francisco Democratic Party

Lily Ho, Miyembro, San Francisco Democratic Party

Marjan Philhour, Miyembro, San Francisco Democratic Party

Catherine Stefani, Miyembro, San Francisco Democratic Party

Jade Tu, Miyembro, San Francisco Democratic Party

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Mayor Breed's Committee for Reproductive Freedom, Oo sa O.

Ang tanging nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: A San Francisco for All of Us.

 

7

SINUSUPORTAHAN NG MGA ORGANISASYON NG KABABAIHAN ANG PROP O! 

Namumuhay ang ating bansa sa ilalim ng napakatotoong banta na maaaring mahalal muli si Donald Trump na Presidente. Kasama ng nakatatakot na posibilidad na ito ang napakatotoo ring posibilidad na magtatrabaho siya upang makapagtakda ng pambansang pagbabawal sa pagpapalaglag. 

Dito sa San Francisco, ang Prop O ay hakbang na maaari nating magawa ngayon mismo upang matiyak na anuman ang mangyari sa eleksyon, mapoprotektahan ng ating lungsod ang awtonomiya ng kababaihan sa kanilang mga katawan. Napakahalaga na manatiling hindi natitinag ang San Francisco sa pananagutan nito na protektahan ang mga kalayaang ito.  

Ang Prop O, na Reproductive Freedom Act ng San Francisco ay: 

  • Magtitiyak na may pamamaraan ang lahat na kababaihan sa San Francisco na magkaroon ng ligtas at legal na mga serbisyo sa pagpapalaglag
  • Magpoprotekta sa mga tagabigay ng serbisyo para sa pangangalaga ng kalusugan mula sa pang-uusig ng iba pang hurisdiksiyon
  • Magbabawal sa paggamit sa mga pondo ng lungsod sa pagsuporta sa mga pang-uusig sa labas ng estado.

Bumoto ng OO sa Prop O upang makatindig para sa karapatan ng kababaihan, maprotektahan ang ating mga tagabigay ng pangangalaga sa kalusugan, at maitaguyod ang pagkakapantay-pantay ng mga kasarian. 

Sophia Andary, VP na Komisyoner, San Francisco Commission on the Status of Women (Komisyon sa Katayuan ng Kababaihan ng San Francisco)*

San Francisco Women’s Political Committee (Politikal na Komite ng Kababaihan ng San Francisco 

*Para lamang sa layunin ng identipikasyon; lumalagda ang awtor bilang indibidwal at hindi sa ngalan ng organisasyon.

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Mayor Breed's Committee for Reproductive Freedom, Oo sa O.

Ang tanging nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: A San Francisco for All of Us.

 

8

Sinusuportahan ng Kabataang Demokrata ng San Francisco ang Prop O! 

Madalas na humaharap ang kabataang babae at mga estudyante sa malalaking hadlang sa pagkakaroon ng pangangalaga sa reproduktibong kalusugan, kasama na ang hindi sapat na edukasyon sa seks at kakulangan ng pamamaraang makakuha ng kontrasepsiyon. At maaaring humarap pa ang kabataan sa mas marami pang restriksiyon sa pagpapalaglag kaysa sa mga nasa hustong gulong; mas mabababa ang kanilang kita kung kaya’t mas hindi makayanan ang gastos sa pangangalaga. Maaaring kailangan nilang magbiyahe nang mahahaba ang distansiya, o nag-aatubili silang isama ang magulang sa kanilang pagpapasya.  

Igagarantiya ng Prop O, na Reproductive Freedom Act ng San Francisco, ang pagkakaroon ng lahat ng kinakailangang mga rekurso at suporta upang makagawa ng may impormasyong mga desisyon tungkol sa kanilang mga katawan at kinabukasan.  

Ipag-uutos ng Prop O ang komprehensibong edukasyon ukol sa reproduktibong kalusugan, kung kaya’t matitiyak na may mga kasangkapang kaalaman ang kabataan sa paggawa ng ligtas na mga pagpapasya.  

Itatakda ng Prop O ang magkakaroon ng malinaw na impormasyon kung saan makakukuha ng mga serbisyo.  

Poprotektahan ng Prop O ang mga tagabigay ng pangangalaga sa kalusugan mula sa mga pang-uusig sa labas ng estado, kung kaya’t matitiyak na makatatanggap ang kabataan ng pangangalaga nang hindi natatakot dahil sa mga legal na kahihinatnan.  

Sinusuportahan namin ang Prop O upang bigyang-lakas ang susunod na henerasyon, protektahan ang kanilang reproduktibong mga karapatan, at tiyakin na mananatili ang San Francisco bilang lungsod na nagpapahalaga at nagbibigay ng suporta sa kabataan nito. 

San Francisco Young Democrats (Kabataang Demokrata ng San Francisco) 

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Mayor Breed's Committee for Reproductive Freedom, Oo sa O.

Ang tanging nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: A San Francisco for All of Us.

 

9

SUMUSUPORTA ANG MGA HUDYONG LIDER SA OO SA O

Bilang Nakatataas na Rabbi sa Temple Emani-El sa San Francisco, may malalim akong pangako sa pagsuporta sa Reproductive Freedom Act ng San Francisco.  Nakaugat kami sa aming Hudyong pananampalataya at mga pinahahalagahan, at naniniwala kami sa kabanalan ng buhay, sa dignidad ng mga indibidwal, at sa kahalagahan ng personal na awtonomiya, kasama na ang karapatan na gumawa ng mga pagpapasya ukol sa sariling katawan.

Binibigyang-diin ng tradisyong Hudyo ang kahalagahan ng kalusugan, kagalingan, at kakayahang gumawa ng may prinsipyong pagpapasya. Itinuturo ng aming pananampalataya na nilikha ang bawat indibidwal sa imahe ng Kabanalan at karapat-dapat sila sa paggalang at sa kakayahan na gumawa ng pagpapasyang wasto para sa kanila at sa kanilang mga pamilya. Batayang aspeto ng paniniwalang ito ang reproduktibong kalayaan dahil pinahihintulutan nito ang mga indibidwal na isapraktika ang kanilang nakabatay sa moralidad at may prinsipyong paghuhusga sa lubhang personal na mga bagay-bagay. 

Poprotektahan ng Prop O, ang Reproductive Freedom Act ng San Francisco, ang mga karapatang ito at titiyakin na mananatili ang ating lungsod na lugar kung saan maaaring makakuha ang lahat ng indibdiwal, anuman ang pinagmulan o paniniwala, ng pangangalaga na kailangan nila. Tungkulin nating tumindig para sa katarungan at tiyakin na magkakaroon ng oportunidad ang lahat na mamuhay nang may dignidad at awtonomiya. 

Hinihiling ko sa inyong bumoto ng OO sa Prop O, ang Reproductive Freedom Act ng San Francisco.

Rabbi Rena Singer, Temple Emanu-E

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Mayor Breed's Committee for Reproductive Freedom, Oo sa O.

Ang tanging nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: A San Francisco for All of Us.

 

10

SUMUSUPORTA NG OO SA O ANG MGA LIDER NG DEMOCRATIC PARTY! 

Bilang mga lider ng San Francisco County Central Committee (Komite Sentral ng Partido Demokratiko sa County ng San Francisco), matatag ang aming pagtindig sa aming pananagutan na protektahan at palawakin ang reproduktibong mga karapatan sa San Francisco. Kinakatawan ng Proposisyon O ang mapangahas at kinakailangang hakbang sa pagtitiyak na mananatiling ligtas na kanlungan ang ating lungsod para sa lahat ng indibidwal na naghahangad ng komprehensibo na reproduktibong pangangalaga, kasama na ang mga pagpapalaglag.

Mapatotohanan ng botong OO sa panukalang-batas na ito ang dedikasyon ng San Francisco sa pagprotekta sa karapatang gumawa ng personal na pagpapasyang medikal nang hindi natatakot na mali ang impormasyon, may pangha-harass o panliligalig, o legal na mga kahihinatnan. Pagtitibayin ng proposisyon ang kakayahan ng Department of Public Health (Departamento ng Pampublikong Kalusugan) na magkaloob ng malinaw at wastong impormasyon sa makukuhang mga serbisyo at titiyakin na bukas sa pagsisiyasat ang pangangalagang inihahandog ang mga sentro para sa pagbubuntis na may limitadong mga serbisyo.

Palalakasin ng Proposisyon ang mga pamamaraang magkaroon ng mahahalagang serbisyo, poprotektahan ang pagiging kumpidensiyal ng impormasyon ng pasyente, at palalawakin ang mga mapupuntahang klinika para sa reproduktibong kalusugan sa kabuuan ng lungsod. Pagtitibayin din ng panukalang-batas ang tindig ng ating lungsod laban sa pakikipagkooperasyon sa mga pagsusumikap mula sa labas ng estado na gawing kriminal na gawain ang reproduktibong pagpapasya sa loob ng California. 

Bumoto ng OO sa Proposisyon O. 

Trevor Chandler, Miyembro ng DCCC 

Mary Jung, dating Tagapangulo ng DCCC 

Nancy Tung, Tagapangulo ng DCCC 

Lily Ho, Miyembro ng DCCC

Michela Alioto Pier, Miyembro ng DCCC 

Carrie Barnes, Pangalawang Tagapangulo ng DCCC 

Superbisor Matt Dorsey, Miyembro ng DCCC

Joe Sangirardi, Miyembro ng DCCC 

Cedric Akbar, Pangalawang Tagapangulo ng DCCC 

Marjan Philhour, Miyembro ng DCCC

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Trevor Chandler for Supervisor 2024 (Trevor Chandler para sa Superbisor 2024).

Walang Isinumiteng May Bayad na Argumento na Laban sa Proposisyon O