A

Bond (utang ng gobyerno) para sa Pagpapahusay sa mga Paaralan at sa Kaligtasan

Upang mapaghusay ang kaligtasan mula sa lindol at ang pagkakaroon ng mas maraming pamamaraan sa pagpasok sa pampublikong mga paaralan ng San Francisco; magkaloob ng maaasahang internet sa mga klasrum; mapalitan ang nasira na dahil sa kalumaan na sistema ng mga tubo, koryente, at bentilasyon; mapaghusay ang mga serbisyo sa nutrisyon; at magkaroon ng bagong mga katangian para sa seguridad; dapat bang pagtibayin ang panukalang-batas ng San Francisco Unified School District (Pinag-isang Distritong Pampaaralan ng San Francisco) na nagbibigay ng awtorisasyon sa $790,000,000 na nasa bonds batay sa legal na mga halaga ng buwis na humigit-kumulang $12.95 kada $100,000 na natasang halaga, kung kaya’t makakakalap ng humigit-kumulang $56,400,000 taon taon habang hindi pa nababayaran ang bonds, at nang may independiyenteng pangangasiwa at pagpapanatiling lokal sa lahat ng pondo?

 

Kailangan ng panukalang-batas na ito ng 55% botong oo para maipasa.

Buod ng Ballot Simplification Committee (Komite para Gawing mas Simple ang Balota)

Kung Ano Ito Ngayon:

Pinatatakbo ng San Francisco Unified School District (School District o Distritong Pampaaralan) ang sistema ng pampublikong mga paaralan ng San Francisco at pinagkakalooban ng edukasyon ang mahigit sa 49,500 estudyante mula pre-kindergarten hanggang ika-12 grado. Itinatayo, kinukumpuni, at pinananatili sa maayos na kondisyon ng Distritong Pampaaralan ang mga pasilidad nito, nang pangunahing ginagamit ang mga pondo mula sa naaprubahan na ng mga botante na panukalang-batas ukol sa bonds, pati na rin ang lokal na mga parcel tax (buwis sa parsela o buwis na nakabatay sa mga katangian ng ari-arian at hindi sa natasang halaga nito) at singil ng developer.

Upang makapaglabas ng mga general obligation bond (utang ng gobyerno na pangkalahatang obligasyon), kailangang bigyan ng Distritong Pampaaralan ang mga botante ng listahan ng mga proyekto kung saan gagamitin ang mga pondo.

Sa ilalim ng batas ng Estado, hindi maaaring gamitin ng mga distritong pampaaralan ang mga pondo mula sa bond para sa suweldo ng mga guro at administrador o sa mga gastos sa operasyon.

Inaprubahan ng mga botante ang pinakahuling bond para sa mga paaralan noong 2016. Ginagamit ang kita mula sa amilyar o property tax upang mabayaran ang principal (halagang inutang) at interes sa mga general obligation bond.

Ang Mungkahi:

Bibigyan ng awtorisasyon ng Proposisyon A ang Distritong Pampaaralan na umutang ng hanggang sa $790 milyon sa pamamagitan ng paglalabas ng mga general obligation bond. Maaaring gamitin ng Distritong Pampaaralan ang pondo mula sa bonds na ito upang mapaghusay, makumpuni, at mapanibago upang mapabuti ang alinman sa mga paaralan upang:

  • matugunan ang mga panganib sa kalusugan at kaligtasan sa pamamagitan ng seismic upgrades (mga pagbabago para higit na maging ligtas sa lindol), pagkakaroon ng higit na pamamaraan sa paggamit ng mga indibidwal na may kapansanan, maayos ang nasirang mga gusali, at matanggal ang mapanganib na mga materyales;
  • makumpuni at mapalitan ang pangunahing mga sistema ng gusali, kasama na ang mga sistema para sa koryente, pagpapainit, tubig, alkantarilya, pag-iilaw, seguridad at fire sprinkler (tagahasik ng tubig sa panahon ng sunog);
  • mabago ang loob ng mga gusali, tulad ng mga silid-aralan at labas ng mga gusali, tulad ng playground o palaruan, mga bakod at tarangkahan, mga larangan para sa isports at bleachers (upuan para sa mga nanonood), at landscaping (pagkakaayos ng bakuran kasama na ang mga puno at halaman);
  • makapagdagdag o makapagpalawak sa naririyan nang mga silid-aralan o gusali ng paaralan, kasama na ang portable o nalilipat-lipat na mga silid-aralan, at mga pasilidad para sa transisyonal na kindergarten;
  • mapaghusay ang imprastruktura para sa seguridad at teknolohiya;
  • makapagtayo o magawan ng renobasyon ang nagagamit ng lahat na administratibo o atletikong mga lugar, tulad ng mga kusina, pasilidad para sa nutrisyon ng estudyante, teatro, auditorium, gymnasium, locker room, opisina, pasilidad at imprastruktura para sa transportasyon, warehouse o imbakang gusali, at mga pasilidad para sa mga gusali at lupang nasasakupan;
  • makapagtayo ng bagong sentral na food hub (pasilidad para sa pagkuha, pag-iimbak, pagpoproseso, at pamamahagi ng pagkain);
  • mapalitan ang pansamantalang mga pasilidad na ginagamit bilang silid-aralan tungo sa pagkakaroon ng permanenteng mga istruktura;
  • makapagsagawa ng kinakailangang trabaho upang makasunod sa naaangkop na mga kodigo o regulasyon.

Itatakda sa Distritong Pampaaralan na lumikha ng independiyenteng citizens’ oversight committee (komite ng mga mamamayang tagapangasiwa) upang marebyu at maiulat ang paggamit ng mga pondong ito mula sa bond.

Maaaring itakda ng Proposisyon A ang pagtataas sa amilyar upang mabayaran ang principal at interes sa mga bond. Nangangailangan ang panukalang-batas na ito ng pag apruba ng 55% ng mga boto.

Ang Ibig Sabihin ng Botong "OO": Kapag bumoto kayo ng "oo," gusto ninyong maglabas ang Distritong Pampaaralan ng hanggang sa $790 milyon na mga general obligation bond upang mapaghusay, makumpuni, at mapanibago upang mapabuti ang mga paaralan ng Distritong Pampaaralan, at makapagpatayo ng bagong mga pasilidad.

Ang Ibig Sabihin ng Botong "HINDI": Kapag bumoto kayo ng "hindi," ayaw ninyong maglabas ang Distritong Pampaaralan ng mga bond na ito.

Pahayag ng Controller (Tagapamahala ng Pinansiya) Tungkol sa "A"

Naglabas na ang Controller ng Lungsod na si Greg Wagner ng sumusunod na pahayag tungkol sa magiging epekto sa pinansiya ng Proposisyon A:

Sakaling mabigyan ng awtorisasyon at maibenta ang mungkahing $790 milyon na mga bond sa ilalim ng kasalukuyang mga ipinapalagay, ang magiging humigit-kumulang na gastos ay ang mga sumusunod:

a) Sa Fiscal Year (taon ayon sa pagpaplano para sa badyet) (FY) 2025–2026, matapos ang paglalabas ng unang serye ng mga bond, ang pinakamagandang pagtataya ng buwis na kinakailangan upang mapondohan ang paglalabas ng bond ay magreresulta sa halaga ng amilyar na $0.00904 kada $100 ($9.04 kada $100,000) ng natasang halaga ng ari-arian.

b) Sa FY 2030–2031, na siyang taon kung saan pinakamataas ang tinatayang halaga ng buwis matapos ang paglalabas ng huling serye ng mga bond, ang pinakamagandang pagtataya ng buwis na kinakailangan upang mapondohan ang paglalabas ng bond ay magreresulta sa halaga ng amilyar na $0.01870 kada $100 ($18.70 kada $100,000) ng natasang halaga ng ari-arian.

c) Ang pinakamaganda nang pagtataya ng karaniwang halaga ng buwis para sa mga bond na ito sa kabuuan ng inaasahang haba ng panahon para sa pagbabayad ng utang na bond mula FY 2025–2026 hanggang FY 2047–2048 ay $0.01295 kada $100 ($12.95 kada $100,000) ng natasang halaga ng ari-arian.

d) Batay sa mga pagtatayang ito, ang pinakamataas nang tinataya na taunang halaga ng amilyar para sa mga bond na ito na babayaran ng may-ari ng tahanang may natayang halaga na $700,000 ay humigit-kumulang $129.45.

Ang pinakamaganda nang pagtataya ng kabuuang pagbabayad sa utang, kasama na ang principal at interes, na kinakailangang bayaran kung mailalabas at mabebenta ang lahat ng iminumungkahing $790 milyon na bond, ay humigit-kumulang $1.298 bilyon.

Sa ilalim ng kasalukuyang batas, maaaring ipasa ng mga nagpapaupang may-ari sa mga umuupa ang bahagi ng halaga para sa bahagi ng gastos para sa pagbabayad ng general obligation bond. Pinagpapasyahan ang halaga ng anumang pinahihintulutang passthrough (ipinapasang bayarin) gamit ang petsa ng pagsisimula ng pag-upa, kasama ang iba pang salik o factors. Inilalathala ng Rent Board (Lupon para sa Pagpapaupa) ang impormasyon tungkol sa mga passthrough taon-taon.

Nakabatay lamang ang mga pagtatayang ito sa mga inaasahan, na walang obligasyon ang Lungsod na sundin. Posibleng mag-iba-iba ang mga inaasahan at pagtataya dahil sa panahon ng pagbebenta ng mga bond, bilang ng mga bond na natitinda sa bawat pagbebenta, at aktuwal na natayang halaga sa loob ng panahon ng pagbabayad sa mga bond. Dahil dito, posibleng iba sa nakataya sa itaas ang aktuwal na halaga ng buwis at ang mga taon kung saan ipatutupad ang mga halagang ito.

Kung Paano Napunta sa Balota ang "A"

Noong Mayo 14, 2024, bumoto ang San Francisco Board of Education (Lupon ng Edukasyon) ng 7 sa 0 upang mailagay ang Proposisyon A sa balota. Bumoto ang mga miyembro ayon sa sumusunod:

Oo: Alexander, Boggess, Fisher, Lam, Motamedi, Sanchez, Weissman-Ward.

Hindi: Wala.

 

Ang mga argumento ay opinyon ng mga awtor at hindi siniyasat ng anumang opisyal na ahensiya para sa kawastuhan. Inilimbag ang mga argumento ayon sa pagkakasumite. Hindi iwinasto ang maling spelling o grammar.

ARGUMENTONG PABOR SA PROPOSISYON A

Bumoto ng Oo sa Proposisyon A upang pondohan ang mahahalagang pagpapahusay sa mga silid-aralan, bakuran, at kusina ng mga pampublikong paaralan ng San Francisco nang hindi nagtataas ng buwis.

Kailangan ng mga pampublikong paaralan ng San Francisco ng pagkumpuni at pagpapahusay upang matiyak ang ligtas at nakapanghihikayat na kapaligiran sa pag-aaral para sa ating mga bata at guro. Napakahalagang inisyatiba ng Proposisyon A na tumutugon sa maiigting na mga problemang ito nang hindi nagdaragdag ng pasanin sa mga nagbabayad ng buwis.

Aayusin at paghuhusayin ng Proposisyon A ang mga silid-aralan ng mga pampublikong paaralan ng San Francisco.

Sa kasalukuyan, matatagpuan ang marami sa ating mga silid-aralan sa mga gusaling naitayo mahigit 60 taon na ang nakararaan o nasa loob ng matatanda nang mga portable (nalilipat-lipat na istruktura) na kailangang mapaghusay upang matugunan ang mga modernong pamantayan sa kaligtasan. May mga sistema sa pagpapainit ang ilan sa mga silid-aralan na ito na hindi na mahusay na gumagana at nailagay nang walang mekanikal na bentilasyon at iba pang mahahalagang katangian, kung kaya’t hindi komportable ang mga ito para sa mga guro at estudyante. Papalitan ng Proposisyon A ang nasisira nang mga portable ng napaghusay na mga silid-aralan, kung kaya’t matitiyak na magkakaroon ang bawat bata ng ligtas at modernong espasyo para sa pag-aaral.

Maglalaan ang Proposisyon A ng mga pondo upang makagawa ng napakahahalagang seismic upgrades (mga pagbabago para higit na maging ligtas sa lindol), at sa gayon, maprotektahan ang ating mga paaralan at lahat ng nasa loob ng mga ito sa panahon ng emergency. Mapahihintulutan din nito ang pagkukumpuni sa mga banyo, mga sistema para sa mga tubo ng tubig, pag-iilaw, at koryente, kung kaya’t matutugunan ang matagal nang problema sa pagpapanatili sa mga ito sa maayos na kondisyon, na nakaaapekto sa pang-araw-araw na operasyon ng mga paaralan.

Mapaghuhusay ng Proposisyon A ang may kakulangang mga kusina at cafeteria at nang makapagbigay ang mga paaralan ng sariwa at mabuti sa kalusugan na pagkain.

Halos dalawa sa tatlo (two-thirds) ng mga estudyante — o humigitkumulang 30,000 bata sa lungsod ng San Francisco — ang umaasa sa distritong pampaaralan para sa malaking bahagi ng kanilang pang-araw-araw na nutrisyon. Mapaghuhusay ng proposisyon ang lumang mga kusina at cafeteria, at dahil dito, makapaghahandog ang mga paaralan ng mas sariwa at mas mabuti sa kalusugan na mga opsiyon sa pagkain, na makasusuporta sa pangkalahatang kalusugan at akademikong tagumpay ng ating mga estudyante.

Matalinong pamumuhunan ang Proposisyon A na makapagpapanatili sa ating mga estudyante na ligtas nang hindi nagtataas ng buwis.

SF building const. trade council (konseho para sa pagtatayo ng mga gusali at pangangalakal sa SF)

Hindi matapat ang pahayag ng mga may-panukala sa Proposisyon A na hindi magtataas ng buwis ang panukalang-batas. (Ang ginagawa nito ay ang pagpigil sa mga halaga ng buwis na tinaasan na upang mabayaran ang dating bonds, mula sa pagbaba ng mga ito matapos mabayaran ang investor (namuhunan) sa bonds na ito.) Sadyang ginawa ng mga opisyal na ganito ang pamamaraan ng kanilang pag-utang, at nang sa gayon, sa tuwing maghaharap sila ng bagong panukalang-batas, maipapahayag nilang hindi ito pagtataas ng buwis!

Gayon pa man, kung mayroon kayong ari-arian sa San Francisco, ang katotohanan nito ay magbabayad kayo ng mas matataas na buwis para sa ari-arian kung maipapasa ang panukalang-batas na ito kaysa sa babayaran ninyo kung hindi ito maipapasa. Para sa mga may-ari ng tahanan, nangangahulugan ito ng pagbabayad ng mahigit $100 kada taon na mas mataas mula ngayon hanggang 2048.

At kung umuupa kayo, maaaring makita ninyong ipinapasa ang mga gastos na ito sa inyo sa anyo ng mas matataas na upa. 

Inaanyayahan namin kayo na isaalang-alang ang mga tanong na iniharap namin sa pinaka-unang argumento laban sa Prop. A:

Bakit hindi sila makakuha ng pera sa pamamagitan ng pagtatapyas sa suweldo ng mga administrador na tumatanggap ng labis-labis na bayad, tulad ng superintendente ng distrito na ang suweldo ay $300,000 sa isang taon, sa halip na buwisan ang publiko?

Bakit nakatatamo ang iba pang distrito (at ang independiyenteng mga paaralan ng San Francisco), ng kasinghusay o mas mahusay pang kinahihinatnan sa edukasyon nang lubhang mas mababa ang gastos kaysa sa mahigit $26,000 kada estudyante na ginagasta ng SFUSD taon-taon?

Hindi pa namin nababasa ang kanilang kontra-argumento — hindi namin makikita ito hanggang sa maisumite ang sa amin — pero halos magagarantiya na natin na hindi nila sasagutin ang mga tanong na ito. "Ignore the waste, pony up suckers! (Huwag pansinin ang paglustay, magbayad kayo mga uto-uto!)"

Huwag palinlang. Bumoto ng HINDI.

Libertarian Party of San Francisco (Partido Libertaryan ng San Francisco)

LPSF.org

Maraming lohikal na dahilan upang tutulan ang bond na ito para sa mga paaralan. Sa kasamaang palad, bumoboto ang karamihan sa mga mamamayan sa mga panukalang-batas na ito gamit ang kanilang damdamin, dahil tinutugunan nila ang pagsamo na “para ito sa mga bata.” Gayon pa man, kung binabasa ninyo ito, hindi kayo kasama sa karamihan sa mga mamamayang ito. Nakalulungkot na kakaunting botante ang gumagawa ng totohanang pananaliksik bago bumoto!

Talaga namang mahirap gumawa ng may impormasyong pasya ukol sa mahabang listahan ng mga proyekto kung saan kakaunti ang ibinibigay na detalye. Nangangako ang Proposisyon A na popondohan ang lahat mula sa pagkukumpuni ng mga gusali hanggang sa muling pagdidisenyo ng loob ng gusali, hanggang sa sentral na food hub (pasilidad para sa pagkuha, pag-iimbak, pagpoproseso, at pamamahagi ng pagkain). Bakit hindi ito paghatihatiin tungo sa dalawa o higit pang mas maliliit na panukalang-batas at hayaan tayong bumoto sa indibidwal na mga proyekto nang pataas o pababa? Karaniwan nang ginagawa ito sa mga distritong tulad ng distrito sa Texas na tinirhan ng awtor ng argumentong ito bago siya pumunta sa San Francisco at bago niya ginawa ang walang katiyakang desisyon na i-enroll ang dalawa niyang anak sa mga paaralan ng gobyerno rito.

O mas mabuti pa, pag-aralan kung paano responsableng makapamumuhay nang nasa badyet, sa halip na umutang ng $790 milyon na may tinatayang halaga ng bayad (batay sa pagsusuri ng Controller o Tagapamahala ng Pinansiya) na halos $1.3 bilyon — na tamang-tama naman(?) na kapareho ang laki sa badyet ng SFUSD sa 2024, na iresponsableng mas malaki nang $148 milyon sa kita ng distrito.

Dahil mas kaunti pa sa 50,000 bata ang naka-enroll ngayon, gumagasta sila ng mahigit sa $26,000 kada estudyante kada taon!

Samantala, hinihiling sa inyong lunukin ang napakalaki at may talim na pildoras na nagkakahalaga ng $1.3 bilyon, kung kaya’t tataas ang babayaran ninyong utang sa pamamagitan ng mga amilyar. Nakasasakit ang pagbabayad ng mga buwis taon-taon sa bagay na pagmamay-ari na ninyo, lalo na kung hindi man lamang ninyo angkin ang ari-arian pero nakikita ninyong tumaas ang inyong upa dahil kailangang mas malaki ang dapat bayaran ng nagpapaupa.

Bakit hindi tapyasin ang mga suweldo ng superintendente ($310,000/taon) at iba pang administrador na labis-labis ang bayad kapalit nito? Paano nagawa ng iba pang distrito na gumasta ng higit na mas kaunti kada estudyante? Kung hindi itatanong ang mahihirap na katanungang ito, asahan natin na patuloy tayong makakukuha ng maraming katulad na panukalang-batas na ito.

Bumoto ng HINDI sa Prop. A!

Libertarian Party of San Francisco (Partido Libertaryan ng San Francisco)

LPSF.org

Tinitiyak ng Prop A na magkakaroon ang mga estudyante ng San Francisco ng ligtas at modernong mga silid-aralan na kinakailangan nila upang matuto at umunlad.

Sumasang-ayon na tayong lahat na humaharap ang distritong pampaaralan ng malalaking pinansiyal na hamon na kailangang matugunan. Gayon pa man, sa kasalukuyan ay kailangan nating tiyakin na natutugunan natin ang batayang mga pangangailangan ng ating mga estudyante—ligtas na mga paaralan at mga pamamaraang magkaroon ng nutrisyon.

Ipinatatampok ng kasalukuyang pinansiyal na mga hamon ng ating mga paaralan ang pangangailangan na maalam na pagdirekta sa ating mga rekurso. Ang Prop A ay matal nong pamumuhunan sa mga paaralan na kinakailangan natin, nang walang bagong mga buwis.

Marami sa gusali ng ating mga paaralan ay napaglipasan na ng panahon, kung saan may ilang mahigit sa 60 taon na at may iba namang nasa loob ng pansamantalang mga portable na hindi nakatutugon sa modernong mga pamantayan sa kaligtasan. Lumilikha ang tumatanda nang mga istrukturang ito ng hindi komportableng mga kapaligiran sa pag-aaral, na may hindi na gumaganang mga sistema sa pagpapainit at hindi sapat na bentilasyon. Papalitan ng Prop A ang nasisira nang mga pasilidad na ito, kung kaya’t matitiyak na makagagamit ang mga estudyante ng ligtas at napapanahong mga silid-aralan upang makapagtuon sa kanilang edukasyon. Lubusang babaguhin nito ang napaglipasan na ng panahon na mga kusina at cafeteria, kung kaya’t matitiyak na makatatanggap ng sariwa at mabuti sa kalusugang pagkain ang libo-libong bata ng San Francisco na umaasa sa mga pagkain sa paaralan para sa kanilang nutrisyon.

Ang Prop A ay solusyong nakatanaw sa hinaharap na tumutugon sa mahahalagang problema na kinakaharap ng ating mga paaralan ngayon nang hindi nagtataas ng buwis.

Sa pamamagitan ng pagboto ng Oo sa Prop A, binibigyan natin ng prayoridad ang kaligtasan at tagumpay ng ating mga bata. Nagkakaloob ang panukalang-batas na ito ng pondo upang direktang pakinabangan ng ating paaralan, kung kaya’t isa itong pagpapasya na may pinansiyal na responsibilidad na umiiwas sa bagong mga buwis. Iyan ang dahilan kung bakit sinusuportahan ito ng mga guro, estudyante, magulang, at mga lider ng komunidad at halal na opisyal sa kabuuan ng San Francisco. Pakiboto ang Oo sa A!

Meredith Dodson, San Francisco Parent Coalition (Koalisyon ng mga Magulang ng San Francisco)

Cassondra Curiel, United Educators of San Francisco (Nagkakaisang mga Edukador ng San Francisco)

Connor Skelly, Dating Guro at Miyembro ng Mission YMCA Board (Lupon ng Mission YMCA)*

Jose Fuentes, San Francisco Building and Construction Trades Council (Konseho para sa Pagtatayo ng mga Gusali at Pangangalakal sa San Francisco)

fixsfschools.com

*Para lamang sa identipikasyon; pumipirma ang awtor bilang indibidwal at hindi sa ngalan ng organisasyon.

1

Bumoto ng Oo sa Prop A: Mamuhunan sa Kinabukasan ng Ating mga Anak

Karapat-dapat ang ating mga anak sa ligtas at modernisadong mga paaralan, pero marami sa mga pampublikong paaralan ng San Francisco ay nasa tumatanda nang mga gusali na hindi na nakatutugon sa pang-edukasyong mga pangangailangan sa kasalukuyan. Ang Prop A ay nakapahalagang bond (utang ng gobyerno) para sa mga paaralan na gagawa ng mga pagbabago sa mga pasilidad ng mga paaralan nang hindi nagtataas ng buwis, kung kaya’t matitiyak ang pagkakaroon ng mas mabuting kapaligiran sa pag-aaral ng lahat.  

Kung hindi maipapasa ang Prop A, kailangang sumawsaw ang distritong pampaaralan natin sa dumadaloy na mga pondo para sa pagtuturo at nang mapalitan ang nasisira nang mga klasrum, matugunan ang mga problema sa pagpapainit at pagpapalamig ng lugar, makagawa ng mga pagpapahusay upang maging ligtas sa lindol, at mapabuti ang napaglumaan nang mga kusina at cafeteria. 

Nangangahulugan ang botong “Oo” sa Prop A ng pamumuhunan sa kinabukasan ng ating mga anak, na magtitiyak na magkakaroon sila ng ligtas at state-of the-art (mayroong pinakabagong mga ideya at katangian) na edukasyon. Bigyan natin ang ating mga anak ng mga paaralan na karapat-dapat sa kanila—bumoto ng Oo sa Prop A.

SF Parent Action (SF Aksiyon ng Magulang) 

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: S.F. Parent Action.

1

Dapat tanggihan ng mga botante ang Prop A, ang pinakamahal na panukalang-batas ukol sa school bond (utang ng gobyerno para sa mga paaralan) sa kasaysayan ng San Francisco. 

Ipinapakita ng kabuuang maling pamamahala ng SFUSD sa kamakailan lamang na panukalang-batas na $400+ Milyong-dolyar na bond na hindi mapagkakatiwalaan ng mga botante ang SFUSD sa halos $800 Milyon na karagdagang dolyar sa ngayon. 

Matapos aprubahan ng mga botante ang $744 Milyong dolyar na pondo noong 2016, hindi naglathala ang SFUSD ng na-audit nang pinansiyal na mga pahayag para sa programa nitong nauukol sa bond sa loob ng ilang taon, at tumanggi pa ngang magtipon ng bond oversight committee (komite para sa pangangasiwa sa bond) na itinatakda ng batas. 

Sa huling panukalang-batas ukol sa bond na para sa SFUSD, tinanggal ang mga proyektong dapat sanang napondohan, at ginasta pa ng SFUSD ang aprubado ng mga botante na pondo upang maipagtanggol ang sarili laban sa mga kaso sa hukuman nang dahil sa kapus-palad na mga pagsubok ng School Board (Lupon ng mga Paaralan) na baguhin ang pangalan ng mga pampublikong paaralan sa panahon ng COVID. 

Naipakita na ng SFUSD na mayroon itong kasaysayan ng hindi wastong mga paggasta ng aprubado ng mga botante na pera mula sa bond at maling pamamahala sa pinansiya, at kamakailan pa nga, gumasta ito ng $34 Milyon sa bagong sistema ng payroll (suweldo ng mga empleyado) na bigong bayaran ang mga guro sa takdang panahon. Hindi sila dapat pagkatiwalaan sa daan-daang milyong dolyar na bagong pagpopondo. 

Sa panahong lumolobo na ang badyet ng Lungsod tungo sa hanggang $16 Bilyong dolyar at may nakaaalarmang kakulangan sa badyet na halos $800 Milyon, hindi ngayon ang tamang panahon na aprubahan ang $790 Milyong dolyar na karagdagan pa ngang pondo habang ang mahihirapan ay ang mga nagbabayad ng buwis. 

Kapag naipasa ang Prop A, tinataya ng Controller (Tagapamahala ng Pinansiya) na halos $1.3 Bilyong dolyar ang kinakailangang bayaran kapag kinuwenta ang principal (halaga ng utang) at ang interes. 

Ngayon na ang panahon na dapat ipakita ng mga botante sa Lungsod at sa SFUSD na karapat-dapat tayo sa pagkakaroon ng pananagutan, resulta, at responsibilidad sa pinansiya ng gobyerno ng Lungsod bago tayo mag-apruba ng daan-daang milyong dolyar para sa karagdagang paggasta. 

Magpadala ng mensahe sa City Hall at sa SFUSD. Kailangan ng mga botante na bumalik ang gobyerno ng lungsod sa tamang landas at gumasta ng kung ano ang makakayanan. 

Bumoto ng Hindi sa Prop A. 

San Francisco Apartment Association (Asosasyon para sa mga Nagpapaupa sa San Francisco)

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: 

Ang tatlong pinakamalalaking nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee (komite na tumatanggap mula sa tunay na pinagmulan ng pondo): 1. West Coast Property Management & Maintenance Company, 2. Geary Real Estate Inc., 3. SkylinePMG, Inc.