Sinagot ng Ballot Simplification Committee (Komite para Gawing mas Simple ang Balota)
Mga Madalas Itanong (FAQs) ukol sa Pagpaparehistro
Sino ang kuwalipikadong magparehistro at bumoto sa California?
Upang makaboto sa mga eleksyon sa California, kinakailangang kayo ay: 1) mamamayan ng Estados Unidos; 2) residente ng California; 3) hindi bababa sa 18 taong gulang ang edad sa Araw ng Eleksyon; 4) hindi napatunayan ng korte na may pagkukulang sa isip upang makaboto; at 5) hindi kasalukuyang nagsisilbi ng pang-estado o pampederal na sentensiya sa kulungan nang dahil sa hatol na felony.
Pakitandaan na inamyendahan ng pagkakapasa sa Proposisyon 17 noong Nobyembre 2020 na eleksyon ang Konstitusyon ng estado, at nang mapahintulutan ang mga karapat-dapat na residente na naka-parole (paglaya na may kondisyon) na makapagparehistro upang makaboto.
Maaaring magparehistro at bumoto para sa eleksyon ng Board of Education (Lupon ng Edukasyon) ang mga hindi mamamayang residente ng San Francisco kung sila ay isang magulang, legal na tagapatnubay, o tagapangalaga ng batang nakatira sa San Francisco at mas mababa sa 19 na taong gulang ang edad ng isa sa mga bata sa Araw ng Eleksyon. Ang susunod na eleksyon para sa Board of Education ay gaganapin sa Nobyembre 5, 2024. Pumunta sa sfelections.gov/ncv para sa karagdagang impormasyon.
Kailan ang deadline para magparehistro upang makaboto o para baguhin ang impormasyon sa aking rehistrasyon?
Sa Oktubre 21, 2024 ang deadline para magparehistro sa pamamagitan ng koreo o online para sa Nobyembre 5 na eleksyon. Matapos ang araw na iyon, kinakailangan na ninyong magparehistro at bumoto nang personal gamit ang probisyonal na balota sa Voting Center (Sentro ng Botohan) sa City Hall o sa lugar ng botohan.
Maaari ba akong magparehistro para makaboto sa California bago ako maging 18 taong gulang?
Kung 16 o 17 na taong gulang na kayo at natutugunan ang iba pang pangangailangan ng estado sa pagpaparehistro ng botante, maaari kayong magpaunang rehistro upang makaboto at magiging aktibo ang inyong rehistrasyon pagsapit ng inyong ika-18 na kaarawan.
Maaari ba akong magparehistro para makaboto sa California kung bago pa lang akong naging mamamayan?
Kung naging mamamayan kayo ng U.S. matapos ang regular na deadline ng rehistrasyon sa Oktubre 21, maaari kayong magparehistro at bumoto nang personal sa Voting Center sa City Hall o sa lugar ng botohan.
Maaari ba akong bumoto sa San Francisco kung lumipat na ako ng tirahan sa lungsod?
Kung lumipat kayo sa loob ng San Francisco, maaari kayong muling magparehistro sa registertovote.ca.gov o baguhin ang inyong address sa sfelections.org/voterportal o sa lugar ng botohan kung saan makaboboto kayo nang personal.
Maaari pa rin ba akong bumoto sa San Francisco kung lumipat na ako sa loob ng California?
Kung lumipat kayo sa bagong address sa California na nasa labas ng San Francisco, maaari kayong muling magparehistro sa registertovote.ca.gov o makipag-ugnayan sa opisyal ng mga eleksyon ng bago ninyong county.
Maaari pa rin ba akong bumoto sa San Francisco kung lumipat na ako sa ibang estado?
Kung lumipat na kayo sa ibang estado, maaari kayong magparehistro sa inyong lokal na opisyal ng mga eleksyon. Maaari din kayong makipag-ugnayan sa Departamento ng mga Eleksyon para kanselahin ang inyong rehistrasyon sa San Francisco.
Maaari pa rin ba akong bumoto sa San Francisco kung kasalukuyan akong nakatira sa ibang bansa?
Kung pansamantala kayong naninirahan sa ibang bansa, maaari kayong muling magparehistro sa registertovote.ca.gov o sa fvap.gov at humiling ng balota na ipapadala sa pamamagitan ng koreo, fax, o email.
Kung mayroon kayong mga tanong kung maaari ba kayong makaboto, mangyaring makipag-ugnayan sa Department of Elections (Departamento ng mga Eleksyon) sa (415) 554-4310 o mag-email sa sfvote@sfgov.org.
Mga Madalas Itanong (FAQs) ukol sa Paghahatid ng Balotang Vote-By-Mail (Pagboto sa Pamamagitan ng Koreo)
Matatanggap ko ba ang aking balota sa koreo?
Alinsunod sa batas ng estado, makatatanggap ang lahat ng botante ng balota sa koreo para sa lahat ng eleksyon sa hinaharap. Maaaring pumili ang sinumang botante na bumoto gamit ang balota na darating sa koreo o bumoto nang personal sa Nobyembre 5, 2024 na eleksyon.
Paano kung hindi dumating sa koreo ang aking balota?
Maaari ninyong masubaybayan kung nasaan na ang inyong balota sa proseso ng pagpapadala sa koreo sa sfelections.org/voterportal. Kung nakalipas na ang tatlong araw mula nang ipadala ang inyong balota, maaari kayong humiling ng pamalit na balota sa sfelections.org/voterportal o
sa pamamagitan ng pagtawag sa Department of Elections sa (415) 554-4310.
Paano ako makakukuha ng pamalit na vote-by-mail na balota?
Upang humiling ng pamalit na balota bago sumapit ang Oktubre 30, pumunta sa sfelections.gov/voterportal o tumawag sa Department of Elections sa (415) 554-4310. Matapos ang petsang iyon, makipag-ugnayan sa Departamento sa lalong madaling panahon para mapag-usapan ang inyong mga opsiyon.
Maaari ko bang gamitin ang Aksesibleng Sistemang Vote-By-Mail (Pagboto sa Pamamagitan ng Koreo, AVBM) para makuha ang aking balota?
Maaaring makuha at mamarkahan ng sinumang botante ang kanyang balota sa sfelections.org/access. Kailangang i-print at ibalik nang personal o sa pamamagitan ng koreo ang mga balotang AVBM.
Paano ko masusubaybayan ang aking balotang vote-by-mail?
Maaari ninyong masubaybayan sa sfelections.org/voterportal ang inyong balotang vote-by-mail mula sa pagbubuo nito
hanggang sa pagpapadala, beripikasyon, at pagbilang. O, mag-sign up sa wheresmyballot.sos.ca.gov para makatanggap ng mga notipikasyon sa email, text, o voice message ukol sa inyong balota. Maaari din kayong tumawag o magpadala ng email sa Department of Elections.
Mga Madalas Itanong (FAQs) ukol sa Pagbalik ng Balotang Vote-By-Mail
Maaari ko bang ibalik ang aking balota sa pamamagitan ng koreo sa mismong Araw ng Eleksyon?
Para mabilang ang inyong balota, kailangan malagyan ng postmark ang pambalik na sobre ng balota hanggang sa Araw ng Eleksyon, na Nobyembre 5. Kung ipadadala ninyo sa koreo ang inyong pambalik na sobre ng balota matapos mangyari ang huling oras ng pagkolekta sa koreo sa Araw ng Eleksyon, huli nang malalagyan ng postmark ang inyong balota para ito’y mabilang. Alamin ang lokasyon ng mga United States Post Office box at mga oras ng pagkolekta sa usps.com/locator.
Paano ko pipirmahan ang pambalik na sobre ng aking balota?
Lagdaan ang inyong sobre gamit ang huling pirma na ibinigay ninyo sa inyong aplikasyon sa pagpaparehistro bilang botante. Kung nagbago na ang inyong pangalan at pirma, mangyaring muling magparehistro sa registertovote.ca.gov. Kung hindi ninyo pinirmahan ang inyong pambalik na sobre para sa balota, o hindi nagtugma ang inyong pirma sa sobre sa alinmang pirma sa inyong rekord bilang botante, susubukan ng Departamento na makipag-ugnayan sa inyo sa pamamagitan ng koreo, at kailangan ninyong ayusin ang problema bago mabilang ang inyong balota.
Saan ko maaaring ihulog ang aking vote-by-mail na balota?
Mula Oktubre 7 hanggang Nobyembre 4, maaari ninyong ihulog ang inyong balota sa alinmang opisyal na kahon na hulugan ng balota o sa Voting Center sa City Hall. Sa Araw ng Eleksyon, Nobyembre 5, maaari ninyong ihulog ang inyong balota sa alinmang opisyal na kahon na hulugan ng balota, sa Voting Center sa City Hall, o saanmang lugar ng botohan sa Lungsod nang hindi lalagpas sa 8 p.m. Para mahanap ang lokasyon ng kahon na hulugan ng balota na malapit sa inyo, pumunta sa sfelections.gov/ballotdropoff o tumawag sa (415) 554-4310.
Mga Madalas Itanong (FAQs) ukol sa Pagboto nang Personal
Maaari ba akong bumoto nang maaga at nang personal sa Nobyembre 5 na eleksyon?
Bukas ang Voting Center sa City Hall sa mga sumusunod na oras:
• Lunes hanggang Biyernes, Oktubre 7–Nobyembre 4, mula 8 a.m. hanggang 5 p.m. (sarado ang Sentro ng Botohan sa Indigenous Peoples' Day, Lunes, Oktubre 14);
• Huling dalawang Sabado at Linggo, Oktubre 26–27 at Nobyembre 2–3, mula 10 a.m. hanggang 4 p.m.; at
• Araw ng Eleksyon, Nobyembre 5, mula 7 a.m. hanggang 8 p.m. (pareho sa oras ng pagboto sa mga lugar ng botohan)
Maaari ba akong bumoto sa alinmang lugar ng botohan sa San Francisco?
Magkakaroon ng 501 lugar ng botohan na bukas para sa pagboto nang personal at paghuhulog ng balotang vote-by-mail sa Araw ng Eleksyon, Nobyembre 5, mula 7 a.m. hanggang 8 p.m. Hinihikayat namin ang lahat na bumoto sa inyong nakatalagang lugar ng botohan. Kung boboto kayo sa ibang lugar ng botohan, hindi ninyo makikita ang inyong pangalan sa listahan ng mga botante at hihilingin sa inyo na bumoto gamit ang probisyonal na balota.
Ano-anong uri ng tulong at impormasyon na nasa iba’t ibang wika ang makukuha sa mga lugar ng botohan kung saan puwedeng bumoto nang personal?
Parehong mag-aalok ang Voting Center sa City Hall at ang lahat ng lugar ng botohan sa San Francisco ng bilingual (nasa dalawang wika) na balota na nasa Ingles at alinman sa Tsino, Espanyol, o Filipino. Dagdag pa rito, mag-aalok din ang ilan sa mga lugar ng botohan ng balotang facsimile (sanggunian) sa wikang Burmese, Hapones, Koreano, Thai, at Vietnamese. Magbibigay din ng tulong sa iba’t ibang wika ang mga bilingual (dalawa ang sinasalitang wika) na kawani sa karamihan ng mga lugar ng botohan sa komunidad.
Ano-anong tulong at impormasyon sa may kapansanan ang makukuha sa mga lugar kung saan puwedeng bumoto nang personal?
Mag-aalok ng serbisyo sa curbside voting (pagboto sa gilid ng daan), kagamitang pantulong sa may kapansanan sa pagboto, mga kasangkapan, at personal na tulong ang lahat ng lugar ng botohan kung saan maaaring bumoto nang personal. Maaaring pakiusapan ng sinumang botante ang isa o dalawang tao na tulungan siyang markahan ang kanyang balota, basta’t hindi tagapag-empleyo ng botante o kinatawan ng kanyang unyon ang tutulong, at hindi magtatangkang impluwensiyahan ang botante.
Maaari ko bang dalhin ang aking Sample Ballot (Halimbawang Balota) o sariling listahan sa booth ng botohan?
Oo. Makatutulong kung desidido na kayo kung sino o ano ang inyong iboboto bago pa kayo magpunta sa botohan. Maaari ninyong gamitin ang Sample Ballot na nasa pangunahing Ingles na bersiyon nitong pamplet, o ang Ballot Worksheet sa loob ng pamplet na ito, upang makapag-ensayo sa pagmamarka ng inyong (mga) pinili bago ninyo markahan ang inyong opisyal na balota.
Kailangan ko bang bumoto sa bawat labanan at panukala sa balota?
Hindi. Bibilangin ang inyong mga boto kahit na hindi kayo bumoto sa bawat labanan at panukala.
May mga karagdagang tanong?
Maaari kayong mag-email sa amin sa sfvote@sfgov.org, tumawag sa (415) 554-4375, o bumisita sa aming tanggapan sa City Hall, Room 48.