Sulat mula sa Direktor
Mahal na Botante ng San Francisco, Setyembre 10, 2020
Sa pamamagitan ng napakalaking tulong mula sa ating Mayor, sa Administrador ng Lungsod, sa Board of Supervisors (Lupon ng mga Superbisor) at sa maraming ahensiya ng Lungsod, nagsagawa na ang Department of Elections (Departamento ng mga Eleksyon) ng maraming hakbang upang matiyak na ligtas kayong makaboboto sa Nobyembre 3, 2020, na Consolidated General Election (Pinagsamang Pangkalahatang Eleksyon).
Pagboto sa Pamamagitan ng Koreo
Para sa nalalapit na eleksyon, awtomatikong makatatanggap ang lahat ng rehistradong botante ng balota sa pamamagitan ng koreo. Matapos ang huling araw ng pagpaparehistro na Oktubre 19, at sa kabuuan ng Araw ng Eleksyon, puwede pa ring magparehistro ang mga tao upang makaboto, pero kailangan na nilang gawin ito nang personal sa Voting Center (Sentro ng Botohan) o sa lugar ng botohan.
Pinahihintulutan ng pagboto sa pamamagitan ng koreo ang mga botante na markahan ang kani-kanilang balota sa bahay, at nang maiwasan ang pagbibiyahe sa kung saan upang personal na makaboto. Para makaboto sa pamamagitan ng koreo, punan ang mga oval na katabi ng mga kandidato at panukalang-batas, ilagay ang inyong ballot card sa pambalik na sobre na bayad na ang selyo, pirmahan ang sobre, at ipadala ang balota sa pamamagitan ng koreo sa Departamento. Puwede rin ninyong dalhin ang inyong balota sa lugar ng botohan o sa estasyon na hulugan ng balota.
Pagsasauli ng Inyong Balotang Vote-By-Mail (Pagboto sa Pamamagitan ng Koreo)
Ang paggamit sa United States Postal Service (Serbisyo sa Koreo ng Estados Unidos, USPS) ang pinakakaraniwang paraan ng pagsasauli ng nabotohan nang balota. Kapag inihulog ninyo ang sobre ng balota sa asul na kahon ng USPS, o sa letterbox (kahon para sa mga sulat), tiyaking matitingnan ninyo ang petsa at oras na kokolektahin ng USPS ang inyong balota. Ito ay dahil iyong lamang mga balota na nasa pambalik na sobre na may marka ng koreo sa petsa ng Araw ng Eleksyon, o bago nito ang bibilangin ng Departamento. Maaari ninyong mahanap ang lokasyon ng mga kahon ng USPS at ang mga oras ng pagpipick-up sa usps.com/locator.
Ang susunod na pinakakaraniwang paraan ng pagsasauli sa balota ay ang paghuhulog ng mga ito sa alinman sa 588 lugar ng botohan sa komunidad, na bukas mula 7 a.m. hanggang 8 p.m. sa Araw ng Eleksyon. Naka-imprenta ang lokasyon ng lugar ng inyong botohan sa likod na pabalat ng pamplet na ito. Puwede ninyong isauli ang inyong balota nang hindi pumapasok sa lugar ng botohan dahil magkakaloob ang mga manggagawa ng eleksyon ng mga kahon ng balota sa pasukan ng bawat lugar ng botohan.
Simula sa Oktubre 5, maaari nang dalhin ng mga botante ang kanilang binotohang balota sa lugar ng hulugan na matatagpuan sa Civic Center Plaza. Simula Oktubre 31, magkakaloob na ang Departamento ng tatlong karagdagang lugar na itatalaga bilang estasyon na hulugan: Chase Center, Bayview Linda Brooks-Burton Branch Library, at Excelsior Branch Library.
Pagsubaybay sa Katayuan ng Inyong Balota
Maaaring masubaybayan ng mga botante ang kanilang mga balota, habang sumasailalim ang mga ito sa mga hakbang ng pagtitipon, paghahatid, pagpoproseso, at pagbibilang sa sfelections.org/voterportal. Puwede ring mag-sign up ang mga botante upang makatanggap ng abiso sa email, text, o voice message ukol sa katayuan ng kanilang balota sa wheresmyballot.sos.ca.gov.
Pagboto nang Personal
Tulad ng nakaraang mga eleksyon, mag-oorganisa ang Departamento ng 588 lugar ng botahan sa Araw ng Eleksyon para sa pagboto nang personal. Sa Oktubre 5, bubuksan din ng Departamento ang Sentro ng Botohan nito, na puwedeng magamit ng lahat ng botante ng Lungsod.
Itatayo ang Sentro ng Botohan sa labas ng gusali sa harapan ng Bill Graham Civic Auditorium sa 99 Grove Street. Bukas ang Sentro ng Botohan araw-araw mula Lunes hanggang Biyernes (maliban na lamang sa Oktubre 12), 8 a.m.–5 p.m., simula Oktubre 5 at hanggang Nobyembre 2, na dalawang Sabado at Linggo bago ang Araw ng Eleksyon,10 a.m.–4 p.m., at Nobyembre 3 (Araw ng Eleksyon), 7 a.m.–8 p.m. Paglilingkuran ng lugar na ito ang lahat ng residente ng Lungsod—kasama na ang hindi mamamayan na kuwalipikadong bumoto sa labanan para sa Board of Education (Lupon ng Edukasyon)—at gustong bumoto nang personal, ihulog ang kanilang balota, gumamit ng nagbibigay ng akses na kagamitan sa pagboto, o matapos ang huling araw ng pagpaparehistro sa Oktubre 19, gustong probisyonal na magparehistro at bumoto.
Sa Araw ng Eleksyon, magbubukas ang 588 lugar ng botohan para sa pagboto nang personal at para sa mga serbisyo sa paghuhulog ng balotang vote-by-mail, mula 7 a.m. hanggang 8 p.m. Kung magdedesisyon kayong bumoto nang personal, pakitandaan na magsuot ng pantakip sa mukha.
Mga Dapat Sundin para sa Kalusugan at Kaligtasan
Nagpapatupad na ang Departamento, nang ayon sa gabay ng Department of Public Health (Departamento ng Pampublikong Kalusugan), ng mga alituntunin para sa kalusugan at kaligtasan sa lahat ng lugar kung saan maaaring bumoto nang personal at lugar para sa paghuhulog ng balota. Itatayo ang mga lugar ng botohan upang mapahintulutan ang paglalayo-layo o social distancing, at regular na lilinisin at didisimpektahin ng mga manggagawa sa lugar ng botohan ang mga gamit sa pagboto, kagamitan, at mga madalas hawakang lugar. Mag-aalok ang mga lugar ng botohan ng face mask, hand sanitizer, at guwantes sa lahat ng botante, at magpapaskil ng mga abisong nasa iba’t ibang wika upang maipaalala sa mga botante ang pagsunod sa mga gabay sa kalusugan at kaligtasan.
Para sa iba pang impormasyon, tumawag sa Departamento, sa (415) 554-4310, mag-email sa sfvote [at] sfgov.org, o bisitahin ang sfelections.org.
Gumagalang,
John Arntz, Direktor