Published on San Francisco Voter Guide (https://voterguide.sfelections.org)

Bahay > Pagboto ng Kabataan sa mga Lokal na Eleksyon
< Go back

G Pagboto ng Kabataan sa mga Lokal na Eleksyon

Dapat bang amyendahan ng Lungsod ang Tsarter upang pahintulutan ang mga residente ng San Francisco na bumoto para sa mga lokal na kandidato at lokal na panukalang-batas sa balota kung mamamayan sila ng U.S., at hindi bababa sa 16 taong gulang at naka-rehistro para sa pagboto? 

Buod ng Ballot Simplification Committee (Komite para Gawing mas Simple ang Balota) 

Kung Ano Ito Ngayon: Ang mga residente ng San Francisco na 18 taong gulang pataas at mamamayan ng Estados Unidos ay maaaring bumoto sa mga eleksyon ng San Francisco. Puwedeng bumoto ang mga botante ng San Francisco para sa mga lokal at pang-estadong kandidato, at para sa mga panukalang-batas sa balota, pati na rin para sa mga pampederal na kandidato.   

Ang Mungkahi: Ang Proposisyon G ay pag-amyenda sa Tsarter upang pahintulutan ang mga residente ng San Francisco na bumoto para sa mga lokal na kandidato at lokal na panukalang- batas sa balota kung sila ay mamamayan ng U.S., at hindi bababa sa 16 taong gulang at naka-rehistro para sa pagboto. Kasama sa mga lokal na kandidato ang mga kandidato para sa mga katungkulan ng Lungsod, Board of Education (Lupon sa Edukasyon), at Community College Board of Trustees (Lupon ng mga Katiwala ng Kolehiyo ng Komunidad). 

Hindi pahihintulutan ng Proposisyon G ang mga 16 at 17 taong gulang na bumoto para sa mga pang-estadong kandidato, pang-estadong panukalang-batas na nasa balota o pampederal na kandidato. 

Ang Ibig Sabihin ng Botong “OO”: Kapag bumoto kayo ng “oo,” gusto ninyong amyendahan ang Tsarter upang pahintulutan ang mga residente ng San Francisco na bumoto para sa mga lokal na kandidato at lokal na panukalang-batas sa balota kung sila ay mamamayan ng U.S., at hindi bababa sa 16 taong gulang at naka-rehistro para sa pagboto.

Ang Ibig Sabihin ng Botong “HINDI”: Kapag bumoto kayo ng “hindi,” ayaw ninyong magawa ang mga pagbabagong ito.

Pahayag ng Controller (Tagapamahala ng Pinansiya) ukol sa "G"

Naglabas na ang Controller ng Lungsod na si Ben Rosenfield ng sumusunod na pahayag ukol sa epekto sa pinansiya ng Proposisyon G:

Sa aking opinyon, kapag inaprubahan ang mungkahing pag-amyenda ng tsarter ng mga botante, magkakaroon ito ng kaunting epekto sa gastos ng gobyerno.

Maaaring maasahan na magresulta ang pag-amyenda sa pagtaas ng bilang ng mga rehistradong botante para sa munisipal na eleksyon, nang hanggang sa humigit-kumulang 1.5 porsiyento kung magpaparehistro para makaboto ang mga 16 at 17 taong gulang nang gayon din ang porsiyento sa pangkalahatang populasyon. Magkakaroon ng karagdagang gastos ang Department of Elections (Departamento ng mga Eleksyon) upang makagawa ng materyales para sa mga botante. Bukod rito, magkakaroon ng ilang gastos upang magsagawa ng mga pagsusumikap para sa edukasyon ng mga botante at pag-abot sa nasabing grupo ng mga botante. Kapag nakakalat sa loob ng siklo ng eleksyon na apat na taon, kakatawan ang karagdagang gastos sa maliit na dagdag lamang sa taunang gastos ng Department of Elections.  

Kung Paano Napunta sa Balota ang "G"

Noong Hunyo 30, 2020, bumoto ang Board of Supervisors ng 11 sa 0 upang mailagay ang Proposisyon G sa balota. Bumoto ang mga Superbisor nang ayon sa sumusunod:

Oo: Fewer, Haney, Mandelman, Mar, Peskin, Preston, Ronen, Safai, Stefani, Walton, Yee.

Hindi: Wala.

Kailangan ng panukalang-batas na ito ng 50%+1 botong oo para maipasa.

Argumento ng May-Panukala na Pabor sa Proposisyon G

BUMOTO ng Oo sa Proposisyon G: Vote16 SF, na para sa pagpapalawak sa mga karapatan sa pagboto. 

Ang pagboto ang tuntungang-bato ng demokrasya at mahalaga ito sa kinabukasan ng San Francisco. Upang malutas ang mga hamon na pinakakailangang harapin agad, dapat ay lalo pa nating mapataas ang paglahok ng mga botante, sa kasalukuyan at hanggang sa hinaharap. Ito ang dahilan kung bakit boboto tayo ng OO sa Proposisyon G. 

Higit na mas mababa ang lumalahok na mga botante sa Estados Unidos kaysa sa iba pang matatatag nang demokrasya, at pinakamababa ang mga lumalahok sa mga indibidwal na nasa edad 18-29. Gayon pa man, malinaw ang mga pananaliksik − kung mas maaaga ang unang pagboto ng indibidwal, mas malamang na maging mga botante na karaniwan nang bumoboto at panghabambuhay na ang mga ito. 

Hindi maitatanggi na naaapektuhan ang mga 16 at 17 taong gulang ng mga desisyong ginagawa natin sa mga kahon ng balota ukol sa edukasyon, transportasyon, pabahay, pagpupulis, at pag-unlad ng ekonomiya. Nasa unahan din sila ng mga lokal, pambansa, at global na kilusan upang maisulong ang mga karapatang sibil at karapatang pantao, tugunan ang hindi pagkakapantay-pantay, wakasan ang karahasang dulot ng baril, ireporma ang ating criminal justice system (sistema ng pagpapatupad at pagpapanagot sa batas) at harapin ang pagbabago ng klima. Taglay ng mga 16 at 17 taong gulang ang gayon ding antas ng kaalaman sa sibika na tulad ng mga 21 taong gulang, at nakapagpakita na sila ng kapantay na mga antas ng kahusayan sa politika at aktibismo. 

Muli at muli, napamunuan na ng San Francisco ang positibong pagbabago. Sa pamamagitan ng Proposisyon G, may isa na naman tayong pagkakataon na gumawa ng kasaysayan. Sa pagpasa ng panukalang-batas na ito, ang San Francisco ang magiging unang malaking lungsod sa U.S. na magpapalawak sa karapatang bumoto upang makasama ang mga 16 at 17 taong gulang. Maipakikita natin sa bansa na seryoso tayo sa pagtiyak na ang kabataan sa kasalukuyan ay magiging mga botanteng may impormasyon at pananagutan ng kinabukasan. 

Samahan kami sa pagboto ng OO sa Proposisyon G.

Presidente ng Lupon, Norman Yee

Mayor London Breed

Superbisor Sandra Lee Fewer

Superbisor Matt Haney

Superbisor Rafael Mandelman

Superbisor Gordon Mar

Superbisor Aaron Peskin

Superbisor Dean Preston

Superbisor Hillary Ronen

Superbisor Ahsha Safai

Superbisor Shamann Walton

Sagot sa Argumento ng May-Panukala na Pabor sa Proposisyon G

Ipinapakita ng mga pagboto kamakailan ang lubos-lubusang pagwawaksi sa pag-iisip na handa na upang bumoto ang mga 16 at 17 taong gulang. 

Kasabay ng pang-aagaw ng pansin ng social media at nakasisindak na imahe ng mga riot o kaguluhan, video ng mga panatikong aktibista sa gitna ng matinding pamumuwersa ng mga kaedad, at kakulangan ng karanasan sa mga responsibilidad sa buhay tulad ng trabaho at pagbabayad ng buwis, mukhang lubos na may katwiran ang paghihikayat natin sa mga tinedyer na maghintay hanggang sa maging legal silang nasa sapat na edad pagsapit ng 18 taong gulang.  Bumoto ng HINDI sa Prop G. 

Bigo ang mga awtor ng Prop G na talakayin ang alinman sa iba’t ibang problema na may kaugnayan sa buhay ng mga tinedyer. Inilista lamang ng mga awtor ang mga kasamahang taga-suporta ng proposisyon sa city hall sa pag-asang makukumbinsi kayong aprubahan ang panukalang-batas na ito. Tinanggal nila ang napakaraming negatibo at problematikong salik o factor, at hungkag at hindi matapat ang kanilang mga aksiyon. 

Ang totoo nito, iniiwasan ng Prop G ang pagtalakay sa pagdanas ng mga tinedyer ng maraming taon ng pagkakaroon ng pagkiling o bias sa mga pampublikong paaralan, ang kawalan ng pagkakaiba-iba sa opinyon, ang hindi pa pagkakaroon ng maturidad upang makapagpasya at lubusang makaunawa, ang kakulangan ng karanasan sa totoong buhay at ang tendensiya ng mga tinedyer na magkaroon ng bigla-biglaang reaksiyon at mapusok na paggawa ng mga desisyon. Sumasang-ayon ang mga sikologo na ang wala pang maturidad at hindi pa ganap ang pag-unlad na pag-iisip ng tin-edyer ay sumusuko sa matinding impluwensiya ng kaedad at hindi napag-isipang mga kagustuhan.  

Kalunos-lunos naman kapag nahikayat ang mga 16 at 17 taong gulang na bumoto sa isang paraan sa mga usaping sibiko na hahantong sa mga kahihinatnang makapipinsala sa San Francisco. Hindi natin mapahihintulutang mangyari ito. Samahan ako, ang mga magulang, at ang hindi mabilang na botante sa kabuuan ng lungsod sa pagsasabi ng HINDI sa Proposisyon G. Bisitahin ang www.VoteSF.org para sa iba pang opinyon.  

Richie Greenberg

www.RichieGreenberg.org

Argumento ng Katunggali Laban sa Proposisyon G

Ang mga tinedyer ay mga bata, ayon sa batas. Responsibilidad ng mga magulang ang aksiyon ng kanilang mga anak, at ang pagtitiyak sa kapakanan ng mga ito. 

Sa kasamaang palad, nakikita namin ang dumaraming ebidensiya ng indoktrinasyon sa kabataan ng mga paaralan ng San Francisco, kung saan napopolitika ang napakaraming aspeto ng mga usapin sa ating lungsod at ang ating mga buhay, kung kaya’t hindi nakatatanggap ang bata ng pinakamabuting impormasyon upang makagawa ng tunay na impormadong desisyon. Nasa lahat ng lugar ang potensiyal ng pagkakaroon ng pagkiling o bias. 

Ang tanging paraan upang makagawa ng mabuting desisyon, tulad ng kung paano boboto sa eleksyon, ay ang pagbatay ng desisyon sa maturidad at karanasan. 

Mga bata ang mga tinedyer. Kailangan pa nila ng permiso upang makapunta sa field trip. Karamihan sa mga tinedyer sa lungsod ay hindi pa nagmamaneho, hindi nagtatrabaho, at hindi pa nakalalahok sa pagmamay-ari o pamamahala sa negosyo. Hindi pa nila kaya- hindi pa sila pinahihintulutang pumirma sa mga kontrata. Dagdag pa rito, hindi sila nagbabayad ng buwis, wala silang credit card account- samakatuwid, hindi pa dumarating sa kanila ang mga karanasan sa mundo ng adult o nasa sapat nang gulang. 

Isipin na lamang ninyo ang pagboto ng tinedyer sa usapin na hindi nila mismo nararamdaman ang mga implikasyon? Dahil dito, dapat lamang mapahintulutang bumoto ang 16 o 17 taong gulang na tinedyer kung aktuwal na nauunawaan at nararamdaman na nila ang mga resulta at kahihinatnan ng kanilang mga desisyon. Nagbubukas ang mga pintuan ng oportunidad sa edad 18. Kung gayon, samahan ako sa pagboto ng HINDI sa Prop G. 

Richie Greenberg

www.RichieGreenberg.org

Sagot sa Argumento ng Katunggali Laban sa Proposisyon G

Nasa balota ang Proposisyon G dahil pinamunuan ng mga 16 at 17 taong gulang sa San Francisco ang paglalagay nito sa balota. Pinamunuan natin ang kilusang ito noong 2016 at pinagsimulan at pinalakas natin ang suporta sa panahong iyon upang maipakilala ang panukalang-batas ngayong taon na ito. 

Naipakita na ng mga 16 at 17 taong gulang ng ating Lungsod na mayroon tayong politikal na kakayahan at pananagutan upang maging nakikilahok at may impormasyong mga botante. Nagtatrabaho tayo, nagbabayad ng buwis, at may kontribusyon sa kasiglahan ng ekonomiya ng Lungsod. Pinamumunuan na rin natin ang mga lokal at pambansang kilusan para sa karapatang pantao, kawalan ng katarungan sa pagkakapantay-pantay sa lipunan, at reporma sa criminal justice system. Ngayon na ang panahon na malugod na tanggapin ang ating kasiglahan at pangalagaan ang ating sibikong partisipasyon, hindi ang sagkain ito. 

Bukod sa malawak na suporta sa hanay ng mga lider ng ating Lungsod, may pangako ang Board of Education (Lupon ng Edukasyon) sa pagdaragdag sa kurikulum sa high school upang maihanda ang kabataan sa pagiging edukadong mga mamamayan at botante sakaling maipasa ang Proposisyon G. Hihikayatin ng kurikulum na ito ang kritikal na pag-iisip ukol sa mga isyung kinakaharap ng ating mga komunidad at titiyakin na hawak ng kabataan ang mga kasangkapan upang maging edukado at may impormasyong mga botante. 

Upang malutas ang mga hamon na kinakaharap ng ating lipunan sa ngayon at sa hinaharap, napakahalagang maging kalahok at palagiang botante ang ating kabataan. Matagal nang dapat nating nagawa ang makasaysayang hakbang na ito at sumasang-ayon dito ang mga lider ng San Francisco. 

Samahan kami at bumoto ng OO sa Proposisyon G.

Crystal Chan, Komisyoner ng Kabataan sa Distrito 7 

Josh Park, Dating Komisyoner ng Kabataan sa Distrito 4

May Bayad na Argumentong PABOR sa Proposisyon G

May Bayad na Argumento na PABOR sa Proposisyon G

Palalakasin ng Proposisyon G ang ating demokrasya sa pamamagitan ng paglikha ng mga mamamayang lumalahok sa mga gawaing sibiko. Ang mga nakababatang nasa sapat na gulang at nasa pagitan ng mga edad na mula 18 hanggang 24 ang may pinakamababang bilang sa mga bumoboto, kung ihahambing sa anumang pangkat na batay sa edad sa Estados Unidos. Maaaring makatulong sa pagpapataas ng pangkalahatang bilang ng bumoboto ang pagpapahintulot sa kabataan na makasanayan ang pagboto sa edad kung saan mas malamang silang bumoto.  

Nasa harapan na ang mga labing-anim at labimpitong taong gulang ng mahahalagang kilusan na tulad ng Black Lives Matter (Mahahalaga ang Buhay ng Itim) na mga protesta at ng March for our Lives (Martsa para sa ating mga Buhay). Naiintindihan nila kung paano sila naaapektuhan ng mga polisiya at kung paano naaapektuhan ang kanilang komunidad, at panahon nang makapaghulog sila ng balota na tunay na gagawa ng pagkakaiba sa kanilang buhay. 

Crystal Chan, Komisyoner ng Kabataan sa Distrito 7*

Megan Zheng, Miyembro ng Lupon ng Vote 16 USA (Pagboto ng 16 USA)*

*Para lamang sa layunin ng identipikasyon; lumalagda ang awtor bilang indibidwal at hindi sa ngalan ng organisasyon.

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Vote 16 SF.

Ang dalawang nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee (komite na tumatanggap mula sa tunay na pinagmulan ng pondo): Yerba Buena Consortium LLC, Tenants and Owners Development Corporation.

May Bayad na Argumento na PABOR sa Proposisyon G

Bilang mga miyembro ng Board of Education (Lupon ng Edukasyon) ng San Francisco, malalim ang aming pagpapahalaga sa mga kontribusyon na ginagawa ng kabataan para sa lungsod at county ng San Francisco. Bilang lupon, nasasaksihan namin ang kanilang paglaki mula sa panahon ng pagbibinata at pagdadalaga tungo sa pagiging nasa sapat na gulang, at nasaksihan na namin ang kabataan na nasa unahan ng mga politikal na kilusan. Nitong Hunyo, nakita namin ang mga lokal na estudyante ng SFUSD na pinamumunuan ang pinakamalaking Black Lives Matter na protesta sa San Francisco hanggang sa kasalukuyan, kung saan may tinatayang 30k na kalahok.  

Mulat na mulat na ang mga batang miyembro ng ating lipunan, na lubos na nagbibigay ng kanilang atensiyon, at ngayon higit kailanman, sabik na sabik na silang lumahok sa isa sa pinakadakilang haligi ng ating lipunan, ang pagboto. Kailangan nating maging mapangahas at progresibong lungsod na tulad nang naipahayag na natin, at kailangang kumilos tayo upang mabuksan ang ating mga lokal na eleksyon sa kabataan, na sa kalaunan ay siyang mamumuno sa ating lungsod at sa bansa. 

Iyan ang dahilan kung bakit sinusuportahan naming lahat ang Proposisyon G, at nang makatulong sa pagpapalawak sa mga karapatan sa pagboto upang makasama ang kabataan, at matiyak na magkakaroon sila ng isa sa pinakamahahalagang nakasasanayang gawain sa ating buhay sibiko. 

Mark Sanchez, Presidente, komisyoner ng Board of Education (Lupon ng Edukasyon)*

Gabriela Lopez, Bise-Presidente, komisyoner ng Board of Education*

Alison Collins, komisyoner ng Board of Education*

Stevon Cook, komisyoner ng Board of Education*

Jenny Lam,  komisyoner ng Board of Education*

Faauuga Moliga,  komisyoner ng Board of Education*

Rachel Norton,  komisyoner ng Board of Education*

*Para lamang sa layunin ng identipikasyon; lumalagda ang awtor bilang indibidwal at hindi sa ngalan ng organisasyon.

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Vote 16 SF.

Ang dalawang nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: Yerba Buena Consortium LLC, Tenants and Owners Development Corporation.

May Bayad na Argumento na PABOR sa Proposisyon G

Noong napalawak natin ang ating demokrasya, napalakas natin ang ating bansa. Natanggal na natin ang bawat balakid sa pagboto -- kasarian, lahi, kakayahang ekonomiko, at kakayahan sa pagbasa at pagsulat. Sa ngayon, ang Proposisyon G ang tamang sagot sa kabataang naghahangad na maisatinig ang kanilang pananaw ukol sa mga pampublikong usapin.  Pinakamahusay na gumagana ang ating demokrasya kapag mas maraming tao ang lumalahok.  Panahon na upang palawakin natin ang mga karapatan sa pagboto sa mga 16 at 17 taong gulang para sa lupon ng mga paaralan at iba pang lokal na eleksyon. 

Alam nating ang pagboto ay nakasasanayang gawain at na ang edad 16 ay mas mabuting panahon kaysa sa 18 upang makasanayan na ang gawain ng panghabambuhay na partisipasyon sa demokratikong proseso. Bumoboto na ang mga mamamayang 16 at 17 taong gulang sa mga lokal na eleksiyon sa apat na lungsod ng Maryland, at sa mga bansa sa buong mundo, kasama na ang Scotland, Austria, Argentina, Brazil, at Ecuador. Sa mga lugar na ito, bumoboto ang mga 16 at 17 taong gulang sa mas matataas na porsiyento kaysa sa iba pang kabataang botante o mga bumoboto sa unang pagkakataon, kung kaya’t naipapakitang ito ang tamang panahon upang makasanayan ang pagboto.  

May kaalaman na ang mga 16 at 17 taong gulang sa San Francisco at nakikilahok na sila sa politikal na proseso sa mga paraang hindi pa kailanman nararanasan. Direktang naaapektuhan ang kanilang pang-araw-araw na buhay ng mga desisyon ng ating mga lokal na inihahal na opisyal ukol sa mga paaralan, parke, bus, pasilidad sa pangangalaga ng kalusugan at criminal justice (sistema ng pagpapatupad at pagpapanagot sa batas). 

Hindi lahat ng kuwalipikado ay magpaparehistro o magkakaroon ng pagnanasang bumoto -- tulad lang din ng mga mahigit sa 18 na ang edad. Gayon pa man, marami ang boboto, at kailangang matugunan ang kanilang pananalig sa politikal na proseso ng kakayahang bumoto sa lokal na eleksyon.   

Hinihikayat kayo ng Generation Citizen, na non-profit na organisasyong nagtataguyod sa sibikong pakikilahok ng kabataan sa San Francisco at sa kabuuan ng bansa, na Bumoto ng Oo sa Proposisyon G.  

John Trasvina

Ehekutibong Direktor para sa California 

Generation Citizen

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Vote 16 SF.

Ang dalawang nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: Yerba Buena Consortium LLC, Tenants and Owners Development Corporation.

May Bayad na Argumento na PABOR sa Proposisyon G

Sa kabuuan ng bansa, ang kabataang may kulay - Itim, Asyano, taga-Isla Pasipiko, Latinx, at Natibo - ang umaangat na mayorya at nasa harapan ng pamumuno sa mapangahas na pagbabago. Sa ating estado, 1 sa 3 taga-California ay millennial (ipinanganak sa pagitan ng 1981 at 1986), at 7 sa 10 millennial ay tao na may kulay. Bilang henerasyon na pinaka-diverse o may pagkakaiba-iba sa California, handa nang magkaroon ang kabataan ng San Francisco ng kapangyarihan sa pagboto upang marinig ang kanilang boses sa kahon ng balota. Bilang mga organisasyong direktang nakikipagtrabaho sa kabataan at kabataang botante ng San Francisco, alam namin na ang mga 16 at 17 taong gulang ay mayroon ding kakayahan, katalinuhan, at marubdob na damdamin na katulad ng mga nasa sapat na gulang, pagdating sa paggawa ng mga desisyon ukol sa kanilang mga paaralan at komunidad. Ang pagsuporta sa panukalang-batas na ito na ang pagkakataon upang maisapraktika ang napag-aralan at maitaas ang porsiyento ng pagboto sa mga kabataang botante. Hahantong ang pagbibigay sa mga 16 at 17 taong gulang ng karapatang bumoto sa pagkakaroon ng mga polisiya sa edukasyon na mas may equity o katarungan sa pagkakapantay-pantay at ng mga halal na pinuno na mas may pananagutan.  

Samahan kami sa pagboto ng OO sa Proposisyon G! 

San Francisco Rising

Coleman Advocates for Children and Youth (Mga Nag-aadbokasiya para sa mga Bata at Kabataan sa Coleman)

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Vote 16 SF.

Ang dalawang nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: Yerba Buena Consortium LLC, Tenants and Owners Development Corporation.

May Bayad na Argumento na PABOR sa Proposisyon G

Bilang mga tagabigay ng serbisyo sa kabataan na nakikipagtrabaho sa mga lider ng kabataan araw-araw, nakikita namin ang kabataan na nagiging mga nakikilahok na miyembro ng ating mga purok, at namumuno at naglilingkod sa ating mga komunidad sa loob ng ligtas at may kolaborasyong kapaligiran.  

At naiintindihan ng kabataan ang mga krisis na hinaharap natin ngayon bilang lungsod- ang pandemyang COVID 19, ang emergency sa klima, mga paaralang kulang sa pondo, kakulungan sa abot-kayang pabahay, mga reporma sa criminal justice (sistema ng pagpapatupad at pagpapanagot sa batas), at karahasan sa ating mga komunidad.  

Naniniwala kami, na sa bansa kung saan itinuturing ang mga 16 at 17 taong gulang na nasa sapat nang edad upang maparusahan ng habambuhay na pagkabilanggo na tulad ng mga nakatatanda, sapat na rin ang edad nila upang makaboto.  

Kailangang makatawan ang mga boses ng kabataan sa kahon ng balota. Ang ating kabataan ang siyang magliligtas sa ating kabataan— gagawin lamang mas malakas ang ating lungsod ng partisipasyon ng kabataan sa ating proseso ng pagboto. 

Bumoto ng oo sa Proposisyon G. 

Rudy Corpuz, Ehekutibong Direktor, United Playaz*

*Para lamang sa layunin ng identipikasyon; lumalagda ang awtor bilang indibidwal at hindi sa ngalan ng organisasyon.

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Vote 16 SF.

Ang dalawang nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: Yerba Buena Consortium LLC, Tenants and Owners Development Corporation.

May Bayad na Argumento na PABOR sa Proposisyon G

OO SA VOTE 16 - KINABUKASAN DIN NILA ITO!

Ang Pag-init ng Mundo, ang Kaligtasan ng Komunidad, ang Pagkakasundo-sunod ng mga Lahi, ang Katarungang Panlipunan, Ang Seguridad ng Ekonomiya... kahit na ang patuloy na buhay ng Demokrasya mismo – ang lahat ng usaping ito na humuhubog sa kapalaran na siyang magtatakda ng kinabukasan ng ating Bansa sa ika-21 Siglo, ang siya ring magiging habambuhay na realidad para sa Kabataan ng San Francisco. Nakabatay ang kanilang mga pag-asa at pangarap para sa disente at magandang buhay para sa kanilang sarili at kanilang komunidad sa mga desisyon na gagawin ng mga Botante sa kahon ng balota sa bawat eleksyon mula ngayon, dahil sa bigla na lamang dumating na bagong panahon ng krisis at dramatikong pagbabago. 

May Karapatan silang makibahagi sa mga desisyong ito, at sumama sa lahat ng Botante ng San Francisco at nang maging bahagi ng mga desisyong ito. Kinabukasan din nila ang pagdedesisyunan!

BUMOTO NG OO SA PROPOSISYON G! 

TODCO (Tenants and Owners Development Corporation)

John Elberling, Presidente TODCO

Jon Jacobo, Direktor ng Polisiya at Pakikilahok ng Komunidad (TODCO)

Virginia Grandi, Nag-aadbokasiya para sa Yerba Buena 

Bernadette Borja Sy, miyembro ng Lupon (TODCO)

Alan Manalo

Michael Pacia

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Vote 16 SF.

Ang dalawang nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: Yerba Buena Consortium LLC, Tenants and Owners Development Corporation.

May Bayad na Argumento na PABOR sa Proposisyon G

Nasa harapan ang kabataan sa marami sa pinakakritikal na usapin ng ating bansa-- ang Green New Deal (Mga Batas ukol sa Pagbabago ng Klima at Kawalan ng Pagkakapantay-pantay sa Ekonomiya), Black Lives Matter, Reporma ukol sa mga Baril, at ang Dream Act (Batas para sa mga Migranteng Menor de Edad noong Dumating sa Estados Unidos).  

Ipinakikita ng mga pag-aaral na taglay ng mga 16 at 17 taong gulang ang gayon ding pagtangan sa sibikong kaalaman na tulad ng mga 21 taong gulang, at kaya nila na epektibong makilahok sa politika. 

Ipinakikita rin ng mga pag-aaral na mas bata ang mga botante noong una silang naghulog ng balota, mas malaman na maging botante sila habambuhay. 

Ang pagpapalawak sa mga kuwalipikadong bumoto at ang pagtitiyak na bumoboto ang pinakamaraming bilang sa ating mga kapitbahay ay maganda para sa ating komunidad at nasa sentro ng pagkakaroon ng dakilang demokrasya. 

Bumoto ng OO sa Proposisyon G. 

Sinusuportahan ng lahat ng nasa Board of Supervisors (Lupon ng mga Superbisor) at ng Board of Education (Lupon ng Edukasyon) ng San Francisco ang panukalang-batas na ito. 

Ang Proposisyon G ay pamumuhunan sa mahusay na demokrasya at sa ating kinabukasan. 

Jane Kim

Dating Superbisor

Direktor ng CA Bernie 2020 

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Vote 16 SF.

Ang dalawang nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: Yerba Buena Consortium LLC, Tenants and Owners Development Corporation.

May Bayad na Argumento na PABOR sa Proposisyon G

Maaapektuhan ang kabataang LGBTQ ng mga polisiyang ipapasa ng mga politiko sa darating pang mga dekada. Sa kasamaang palad, nabuwak na ng mga maka-kanang gumagawa ng batas sa kabuuan ng bansa ang mga kritikal na proteksiyon na naipanalo na natin para sa ating komunidad.   

Ayon sa 2017 San Francisco Homeless Youth Count (Pagbilang sa Kabataang Walang Tahanan sa San Francisco), itinuturing ng 49% ng kabataang homeless ang sarili bilang LGBTQ. Higit din sa representasyon ng iba ang representasyon ng kabataang LGBTQ sa child welfare system (sistema ng mga serbisyo para sa kapakanan ng bata) at juvenile justice system (sistema ng pagtugon sa kabataang lumabag sa batas). Mas malamang na humarap ang kabataang LGBTQ sa kahirapan, kriminalisasyon, pang-aabuso, at kawalan ng tahanan bilang resulta ng matinding karanasan o trauma at ng pagtatakwil ng pamilya. Madalas na naitutulak ang kabataang LGBTQ na gumawa ng mga desisyon na para sa nakatatanda at lumahok sa sistemang para sa nakatatanda habang nasa mas batang edad— dapat lamang na maging bahagi sila ng pagpapasya ukol sa mga polisiya ng ating lungsod.  

Naniniwala kami na kayang makilahok ng mga 16 at 17 taong gulang na kabataan, at dapat silang makilahok upang makumpuni ang ating politikal na sistemang bumigo na sa atin, at makapagtayo sila ng kinabukasang nagsasama sa lahat. 

Tom Ammiano, dating guro sa pampublikong paaralan, Presidente ng Board of Education, Presidente ng San Francisco Board of Supervisors, at Miyembro ng Asembleya ng Estado  

Kevin Bard at Kaylah Williams, Mga Magkatuwang na Tagapangulo, Harvey Milk LGBTQ Democratic Club (Harvey Milk LGBTQ na Samahang Demokratiko)

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Vote 16 SF.

Ang dalawang nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: Yerba Buena Consortium LLC, Tenants and Owners Development Corporation.

May Bayad na Argumento na PABOR sa Proposisyon G

Ayon sa pag-aaral ng UCLA School of Law, itinuturing ng 10.3% ng mga estudyante sa California ang sarili bilang LGBTQ. Sa edad na 16, nagmamaneho, nagtatrabaho, at nagbabayad na ng buwis ang kabataan, at ang kabataang LGBTQ sa partikular, ay humihingi na ng emansipasyon, na proseso upang legal na maging adult o nasa sapat na gulang bago pa ang edad na 18, at mas mataas na porsiyento sa kanila ang gumagawa nito kung ihahambing sa iba pang kabataan.  

Kailangang magkaroon ng boses ang kabataan sa mga polisiyang nakaaapekto sa ating komunidad. Ayon sa Pew Reseach, dramatikong nang tumaas ang kawalan ng trabaho sa hanay ng kabataan, magmula 8% tungo sa 25.3%, habang natigil naman ang kanilang pagkatuto at edukasyon ng pandemyang COVID-19. Humaharap ang kabataan sa eksistensiyal na krisis nang dahil sa nakapipinsalang mga desisyon na ginawa ng mga lumilikha ng batas na nasa sapat na gulang. Nasa harapan ang kabataan sa pakikibaka upang malabanan ang pagbabago ng klima, diskriminasyon, karahasan na dulot ng baril, at marami pang iba. 

Naniniwala kami sa matibay at nagsasama sa lahat na demokrasya, na nabibigyan ng suporta sa pamamagitan ng paghihikayat sa habambuhay na nakasanayan nang gawain ng pagboto at sa pagpapalawak sa paglahok ng mga botante. Bumoto ng oo sa Proposisyon G.

Alice B. Toklas LGBTQ Democratic Club (Alice B. Toklas LGBTQ na Samahang Demokratiko)

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Vote 16 SF.

Ang dalawang nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: Yerba Buena Consortium LLC, Tenants and Owners Development Corporation.

May Bayad na Argumento na PABOR sa Proposisyon G

Isa sa naaapektuhan ng maraming problema sa ating lipunan ang komunidad ng mga Latino.  Kumakaharap kami sa maraming pakikibaka na napaiigting sa sandaling ito sa kasaysayan sa pamamagitan ng COVID-19. Nagmumula ang ugat ng wala sa proporsiyong kinahihinatnan ng komunidad ng mga Latino sa mga batas na may kasaysayan ng pagiging rasista, na ipinasa at ipinagpapatuloy sa kabuuan ng Amerika, at hindi naiiba rito ang San Francisco.

Sa maraming pagkakataon sa aming komunidad, mayroon kaming kaibigan o kamag-anak na napagbabawalan ng katayuan ng kanilang dokumentasyon sa paglahok sa pinakamalakas na kasangkapan upang magkaroon ng pagkakapantay-pantay sa ating lipunan, ang pagboto. Alam namin na ang kanilang mga anak, na sa kadalasan ay madalas na nabibiyayayaan dahil sa pagkakapanganak rito, ay nakatutulong sa mga magulang upang malaman ang mga pasikot-sikot sa komplikadong bagong sistema. 

Makatutulong ang pagpapahintulot sa mga 16 at 17 taong gulang na lumahok sa lokal na eleksyon upang matiyak na maririnig ang boses ng mga indibidwal na madalas na napababayaan. Iyan ang dahilan kung bakit sinusuportahan namin ang Proposisyon G, at nang makatulong sa pagpapalawak sa mga karapatan sa pagboto upang makasama ang kabataan, at matiyak na magkakaroon sila ng isa sa pinakamahahalagang nakasasanayang gawain sa ating buhay sibiko.

Jon Jacobo, Latino Task Force (Espesyal na Pangkat ng mga Latino)

Gabriela Lopez, Bise-Presidente, Komisyoner ng Board of Education*

Erick Arguello, Presidente Calle 24 Latino Cultural District (Pangkulturang Distrito ng mga Latino)

*Para lamang sa layunin ng identipikasyon; lumalagda ang awtor bilang indibidwal at hindi sa ngalan ng organisasyon.

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Vote 16 SF.

Ang dalawang nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: Yerba Buena Consortium LLC, Tenants and Owners Development Corporation.

May Bayad na Argumento na PABOR sa Proposisyon G

Sinusuportahan ng Rose Pak Democratic Club (Rose Pak na Samahang Demokratiko, RPDC) ang Proposisyon G at ang layunin nitong pagpapalawak sa karapatang bumoto sa mga 16 at 17 taong gulang sa munisipal na mga eleksyon.

Ipinakikita ng mga pag-aaral na kapag nakaboboto ang mga 16 at 17 taong gulang, na madalas na napaghuhusay sa pamamagitan ng pag-aaral sa gobyerno ng US sa klasrum, pinagtitibay ng ganitong maagang pagboto ang sibikong partisipasyon at habambuhay na pagboto. Karagdagan dito, maraming kabataan ng migranteng pamilya, kasama na ang kabataan ng komunidad ng mga Asyano Pasipiko Amerikano, ang maaaring mga natatanging miyembro ng kanilang kabahayan na kuwalipikadong bumoto at magkaroon ng boses sa mga polisiya na nakaaapekto sa kanilang mga magulang at komunidad. 

Sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga karapatan sa kabataan ng San Francisco sa lokal na antas, naniniwala ang RPDC na ang mga 16 at 17 taong gulang na kabataang nasa sapat nang gulang ay magiging mga mamamayang may impormasyon at nakikilahok, at mga panghabambuhay na botante.

Rose Pak Democratic Club (Rose Pak na Samahang Demokratiko)

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Vote 16 SF.

Ang dalawang nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: Yerba Buena Consortium LLC, Tenants and Owners Development Corporation.

May Bayad na Argumento na PABOR sa Proposisyon G

Ang pagboto ang pundasyon ng demokrasya at mahalaga ito sa ating kinabukasan— kailangang gawin natin ang lahat ng maaari nating magawa upang mahikayat ang pagboto ng kabataan at masuportahan ang panghabambuhay na nakasanayan nang gawain ng pagboto.  

Naging mga lider na ang kabataan sa mga usaping tulad ng krisis sa klima, pampublikong edukasyon, abot-kayang pabahay, kalupitan ng pulisya, at rasismo. Pahihintulutan ng pagboto ng OO sa Proposisyon G ang paglahok ng kabataan sa paggawa ng lokal na publikong polisiya at magkaroon ng paglahok sa pagpapasya ukol sa kanilang kinabukasan. 

Nahuhuli na ang ating lungsod sa kasalukuyang pag-iisip pagdating sa usaping ito.  Pinahihintulutan na ng halos kalahati ng mga estado sa bansa ang mga 17 taong gulang na lumahok sa eleksyon. 

Nagtatrabaho ang San Francisco Berniecrats upang makapagsulong ng progresibong adyenda— kasama na rito ang pagrereporma sa ating proseso ng eleksyon at pagwawakas sa panunupil sa mga botante. Ikinararangal naming mag-organisa at magbigay ng suporta para sa pagboto ng kabataan sa kabuuan ng ating bansa. Titiyakin ng Proposisyon G na mapalalawak natin ang partisipasyon at mapararami ang lumalahok sa ating demokratikong proseso. 

Bumoto ng oo sa Proposisyon G.

Brandon Harami, tagapangulo, SF Berniecrats

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Vote 16 SF.

Ang dalawang nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: Yerba Buena Consortium LLC, Tenants and Owners Development Corporation.

Pagtatapos ng May Bayad na Argumento na PABOR sa Proposisyon G

May Bayad na Pangangatwiran na KONTRA sa Proposisyon G

May Bayad na Argumento LABAN sa Proposisyon G

Bumoto ng HINDI sa Proposisyon G

Ipinakikita ng siyensiya na kulang pa ang pag-unlad at maturidad ng mga 16 at 17 taong gulang upang gumawa ng mahusay na mga pagpapasya. Dahil dito, itinatakda ng batas ang pahintulot ng magulang para makapunta ang menor de edad sa field trip, sumali sa militar, at magpakasal.  Ipinagbabawal din ng mga batas sa menor de edad ang pagbibigay ng serbisyo sa jury o lupong tagahatol, pagrerenta ng sasakyan, at pagbili ng baril, alak, tabako, at marijuana. Bakit gagawa ng eksepsiyon o hindi pagkakasali sa naririyan nang mga batas upang mapahintulutan ang menor de edad na bumoto?   

San Francisco Republican Party (Partido Republikano ng San Francisco)

John Dennis, Tagapangulo

Mga Delegado: 

Ika-17 na Assembly District (Pang-asembleyang Distrito): Christian Foster, Cale Garverick, Krista Garverick, Lisa Remmer

Ika-19 na Assembly District: Howard Epstein, Stephanie Jeong, Tom Sleckman, Richard Worner.

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: San Francisco Republican Party.

Ang tatlong pinakamalalaking nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: 1. Maurice Kanbar, 2. San Francisco Assoc of Realtors, 3. Friends of John Dennis for Congress 2020 (Mga Kaibigan ni John Dennis para sa Kongreso 2020).

May Bayad na Argumento LABAN sa Proposisyon G

HINDI SA G 

NANGANGAHULUGAN ANG HINDI NG HINDI - Nagsabi na ng HINDI ang mga botante sa walang pag-iingat, mapang-impluwensiya, at mapanlinlang na panukalang-batas na ito.  

Bagsak ang Proposisyon G sa anumang pamantayan para sa pagiging mamamayan, edukasyon, kaalaman, o lohika. Anong mahika ang nasa 16? Bakit hindi pahintulutan ng mga may panukala ng isip-bata na konseptong ito ang mga 15, 14, 13, o maging 12 taong gulang na estudyanteng nasa middle school at high school na bumoto?  

Mga nagbibinata at nagdadalaga pa ang mga ito, na sa ideyal na sitwasyon ay nakatirang kasama ang mga magulang at naghahanda para sa buhay ng nasa sapat na gulang na may mataas na edukasyon, at pagkatapos, ay nagbabayad ng buwis, naglilingkod sa militar ng ating bansa, o kung hindi man, ay humaharap sa pang-araw-araw na mga responsibilidad bilang nasa sapat na gulang.  

Kahit papaano, sinusubukan ng pagboto sa edad na 18 na matiyak ang pagkakaroon ng may impormasyon at maturidad na tagagawa ng desisyon nang naaayon sa mga batas, na isang halimbawa, ay ang ukol sa serbisyo militar. Hindi iyan ginagawa nito.  

Bumoto ng HINDI sa G. Isa itong may lamat at garapal na pagsubok na maparami ang listahan ng botante para sa hindi kuwalipikadong mga kandidato at walang lohikang ordinansa at panukalang-batas ukol sa pagbubuwis. 

BUMOTO NG HINDI SA PROPOSISYON G! 

San Francisco Taxpayers Association (Asosasyon ng mga Nagbabayad ng Buwis sa San Francisco) 

Hukom Quentin L. Kopp (Retirado)

Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: San Francisco Taxpayers Association (Asosasyon ng mga Nagbabayad ng Buwis sa San Francisco)

Ang tatlong pinakamalalaking nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: 1. Scott Feldman, 2. Paul Sack, 3. Claude Perasso, Jr.

Legal Text

Describing and setting forth a proposal to the voters at an election to be held on November 3, 2020, to amend the Charter of the City and County of San Francisco to authorize youths aged 16 and 17 to vote in municipal elections.

Section 1.  The Board of Supervisors hereby submits to the qualified voters of the City and County, at an election to be held on November 3, 2020, a proposal to amend the Charter of the City and County by revising Article XVII, to read as follows:

NOTE: Unchanged Charter text and uncodified text are in plain font.

Additions are single-underline italics Times New Roman font.

Deletions are strike-through italics Times New Roman font.

Asterisks (*   *   *   *) indicate the omission of unchanged Charter subsections.

ARTICLE XVII:  DEFINITIONS

For all purposes of this Charter, the following terms shall have the meanings specified below:

* * * *

“Elector” shall mean a person registered to vote in the City and County.

* * * *

“General municipal election” shall mean the election for local officials or measures to be held in the City and County on the Tuesday immediately following the first Monday in November in every year until and including 2015.  Thereafter, “general municipal election” shall mean the election for local officials or measures to be held in the City and County on the Tuesday immediately following the first Monday in November in all even-numbered years and in every fourth year following 2015.  For the purpose of this definition, “local officials” shall mean the elected officials identified in Section 13.101.

* * * *

“Special municipal election” shall mean, in addition to special elections otherwise required by law, the election called by (1) the Director of Elections under Section 14.101 or 14.103with respect to an initiative, referendum or recall, and (2) the Board of Supervisors under Section 13.103 or 14.102with respect to bond issues, election of an official not required to be elected at the general municipal election, or an initiative or referendum.

“Statewide election” shall mean an election held throughout the state.

“Voter” shall mean an elector who is registered in accordance with the provisions of state law, except that for general and special municipal elections, “voter” shall also mean any person who is at least 16 years old, meets all the qualifications for voter registration in accordance with state law other than those provisions that address age, and is registered to vote with the Department of Elections.


Source URL: https://voterguide.sfelections.org/fil/pagboto-ng-kabataan-sa-mga-lokal-na-eleksyon