Published on San Francisco Voter Guide (https://voterguide.sfelections.org)

Bahay > Mga Salitang Dapat Ninyong Malaman
< Go back

Mga Salitang Dapat Ninyong Malaman

Abot-kayang Pabahay: Pabahay na puwede lamang makuha ng mga kabahayan na mababa ang kita o ibang kabahayan na nakapaloob ang kinikita sa isang tiyak na saklaw ng mga kita. (Tingnan ang Proposisyon I)

Administrative Office Tax (Buwis sa Administratibong Opisina): Ang buwis sa negosyo batay sa gastos sa payroll (listahan ng mga empleyado at suweldo) na ipinatutupad sa negosyong mahigit sa $1 bilyon ang gross receipts (kabuuang kita), mahigit sa 1,000 ang empleyado sa kabuuan ng bansa, at may administratibong opisina sa San Francisco. (Tingnan ang Proposisyon F, L)

Balotang Vote-by-Mail (Pagboto sa Pamamagitan ng Koreo): Mga balotang ipinadadala sa koreo sa botante o ibinibigay nang personal sa botante sa Departamento ng mga Eleksyon. Maaaring ipadala sa pamamagitan ng koreo ang mga balotang vote-by-mail sa Departamento ng mga Eleksyon, isumite bago o sa Araw ng Eleksyon sa opisina ng Departamento ng mga Eleksyon sa City Hall o sa Sentro ng Botohan ng City Hall (para sa eleksyon sa Nobyembre 3, 2020, matatagpuan ito sa labas ng gusali sa harap ng Bill Graham Civic Auditorium na nasa 99 Grove Street), o isumite ito sa Araw ng Eleksyon sa anumang lugar ng botohan sa California. Kilala rin ito bilang balotang absentee (sa pamamagitan ng koreo).

Baseline Funding (Pinakamababa nang Pinagsisimulang Pondo): Pinakamababa nang halaga ng pondo na ipinagkakaloob taon-taon ng Lungsod para sa ilang serbisyo ng Lungsod na nakatukoy sa Tsarter, kasama na ang: transportasyon, mga parke at paglilibang, programa para sa kabataan, pampublikong edukasyon, mga puno sa kalye, at mga serbisyong nagbibigay ng suporta sa nakatatanda. (Tingnan ang Proposisyon F)

Bayad sa Trabaho: Sa pangkalahatan, mga sahod, suweldo, komisyon, bonus, at ari-arian na ipinagkaloob o inilipat bilang kapalit ng paggawa ng serbisyo (kasama na ang stock options, ngunit hindi nalilimitahan dito). (Tingnan ang Proposisyon L)

Bukas na Espasyo: Hindi pa nade-develop na lupa na puwedeng magamit ng publiko bilang parke o iba pang gamit sa paglilibang. (Tingnan ang Proposisyon A)

Citizens’ General Obligation Bond Oversight Committee (Komite ng Mga Mamamayang Tagapangasiwa ng mga General Obligation Bond): Ang may siyam na miyembrong pangkat na sumusubaybay sa paggamit ng Lungsod sa pondong nakukuha sa pamamagitan ng paglalabas ng general obligation bond (utang ng estado o lokal na gobyerno). Itinatalaga ang mga miyembro ng komiteng ito ng Mayor (Alkalde), Board of Supervisors (Lupon ng mga Superbisor), Controller (Tagapamahala ng Pinansiya), at ng Civil Grand Jury (Pinakamataas na Hukom Sibil). (Tingnan ang Proposisyon A)

Early Care and Education Commercial Rents Tax (Buwis sa Komersiyal na Pagpapaupa para sa Pangangalaga at Edukasyon ng mga Musmos na Bata): Buwis na ipinapataw sa pangkalahatan sa mga negosyong tumatanggap ng gross receipts mula sa pagpapaupa ng komersiyal na espasyo. Pinopondohan ng kita mula sa buwis na ito ang pangangalaga at edukasyon ng mga musmos na bata. (Tingnan ang Proposisyon F)

Espasyo sa Pagtatrabaho: Espasyong nasa tindahan o iba pang komersiyal na gusali na maaaring gamitin ng pangkalahatang publiko para sa pagtatrabaho nang orasan o arawan. (Tingnan ang Proposisyon H)

General Obligation Bond (Utang ng Estado o Lokal na Gobyerno): Pangakong ibinibigay ng entidad ng gobyerno na bayaran ang inutang na pera, nang may kasamang interes, sa takdang petsa. Binabayaran ng entidad ng gobyerno ang pera, nang may kasamang interes, sa pamamagitan ng property tax (buwis sa ari-arian). Kailangang maaprubahan ang mga panukulang-batas ukol sa general obligation bond ng mga botante ng San Francisco sa pamamagitan ng botong two-thirds (dalawa sa tatlong bahagi). (Tingnan ang Proposisyon A)

Gross Receipts (Kabuuang Kita): Ang kabuuang pera na natatanggap ng negosyo, sa anumang anyo, para sa mga produkto at serbisyo nito. (Tingnan ang Proposisyon F, L)

Gross Receipts Tax (Buwis sa Kabuuang Kita): Buwis na nakabatay sa pangkalahatan sa kabuuang gross receipts na natatanggap ng negosyo sa San Francisco. (Tingnan ang Proposisyon F, L)

Guro: Indibidwal na nagtuturo, pati na rin ang mga paraedukador, na binibigyang-depinisyon bilang mga indibidwal na kasama sa mga tungkulin ang pagtulong sa mga guro sa silid-aralan, pamamahala sa mga estudyante sa labas ng silid-aralan, at pagkakaloob ng administratibong suporta para sa pagtuturo. (Tingnan ang Proposisyon J)

Homelessness Gross Receipts Tax (Buwis sa Kabuuang Kita para sa Kawalan ng Tahanan): Buwis na ipinapataw sa pangkalahatan sa mga negosyong mahigit sa $50 milyon ang gross receipts sa San Francisco. Pinopondohan ng kita mula sa pondo ng buwis na ito ang mga serbisyo para sa mga indibidwal na nakararanas ng kawalan ng tahanan. (Tingnan ang Proposisyon F)

Kuwalipikadong Isinusulat-Lamang na Kandidato: Indibidwal na nakakompleto na ng kinakailangang papeles at mga lagda para maisali bilang kandidatong write-in (isinusulat lamang ang pangalan). Bagamat hindi lalabas sa balota ang pangalan ng indibidwal na ito, puwedeng maiboto ang indibidwal na ito ng mga botante sa pamamagitan ng pagsulat sa pangalan ng indibidwal sa espasyo sa balotang nakalaan para sa botong isinusulat-lamang at sumusunod sa mga espesipikong instruksiyon ukol sa balota. Binibilang lamang ng Departamento ng mga Eleksyon ang botong isinusulat-lamang para sa kuwalipikadong isinusulat-lamang na kandidato.  

Kuwalipikadong mga Nonprofit para sa Abot-kayang Pabahay: Nonprofit na kuwalipikadong lumahok sa Community Opportunity to Purchase Act (Batas ukol sa mga Pagkakataon ng Komunidad na Makabili ng Pabahay) ng Lungsod at nagpapakita ng pananagutan sa abot-kayang pabahay, pagpapalahok sa komunidad, at kakayahan na magkaroon at mangasiwa ng mga ari-ariang pabahay. (Tingnan ang Proposisyon I)

Lubusang Naglilingkod: Mga pulis na buo ang kakayahang magpatupad ng mga tungkulin ng pulis. (Tingnan ang Proposisyon E)

Lupon o Komisyon: Pangkat para sa mga polisiya na nilikha o binigyan ng awtorisayon ng Tsarter o ng ordinansa, at nang makapagpatupad ng ilang gawain ng gobyerno, at kung saan, karaniwan nang itinatalaga ang mga miyembro. (Tingnan ang Proposisyon C)

Lupong Tagapayo: Pangkat ng mga itinalagang indibidwal na sa pangkalahatan ay gumagawa ng mga rekomendasyon sa mga lupon, komisyon, at departamento ng Lungsod. (Tingnan ang Proposisyon C)

Mababa ang Kita: Walumpung porsiyento (80%) ng area median income (panggitnang kita ng lugar). (Tingnan ang Proposisyon K)

Mga Entidad ng Lungsod: Lupon, komisyon, o tagapayong entidad ng Lungsod. (Tingnan ang Proposisyon C)

Mga Kita: Kita mula sa karamihan sa mga buwis ng Lungsod. Kasama rin dito ang mga halagang binabayaran ng Estado ng California sa Lungsod kapag itinatakda ng Estado sa Lungsod na magtayo ng bagong programa o ng mas mataas na antas ng serbisyo para sa programang mayroon na ito. (Tingnan ang Proposisyon F, I, L)

Mga Paaralan ng Komunidad: Bumubuo at nagpapatibay ang mga pampublikong paaralan ng partnership o pakikipag-balikatan sa komunidad upang makapaghatid ng mga serbisyo sa paaralan, kasama na ang programang after-school (pagkatapos ng klase), programa para sa pagpapayaman ng pag-aaral sa tag-araw, pangangalaga sa pisikal na kalusugan at kalusugan ng isip, programa sa pagkain, pagtu-tutor at paggabay o mentoring, at programa sa pagbibigay ng edukasyon at pagpapalahok sa mga pamilya. (Tingnan ang Proposisyon J)

Mga Pasilidad para sa Kalusugan ng Pag-uugali (Behavioral Health): Mga pampublikong pasilidad sa kalusugan na para sa mga tao na nangangailangan ng mga serbisyo sa kalusugan ng isip o paghinto sa pang-aabuso sa alak, droga, at iba pang sangkap. (Tingnan ang Proposisyon A)

Mga Proyekto para sa Pinauupahang Pabahay: Development na binubuo ng mga tirahan, apartment, o iba pang akomodasyon sa pamumuhay na maaaring maupahan. (Tingnan ang Proposisyon K)

Nabubuwisang Ari-arian: Lupa o istrukturang sakop ng parcel tax. (Tingnan ang Proposisyon J)

Nakapanumpa nang Empleyado o Nakapanumpa nang Pulis: Empleyado ng ahensiya para sa pagpapatupad ng batas, tulad ng Pulisya o Departamento ng Sheriff, na awtorisado sa ilalim ng batas ng estado bilang opisyal na tagapagpatupad ng batas, at may awtorisasyong magdala ng baril, may kapangyarihan na mang-aresto, at nagdadala ng badge o tsapa ng tagapagpatupad ng batas. (Tingnan ang Proposisyon D, E)

Neighborhood Policing (Pagpupulisya sa Komunidad): Pamamaraan ng pagpupulisya na nagbibigay-diin sa pakikipagrelasyon sa mga miyembro ng komunidad. (Tingnan ang Proposisyon E)

Nonprofit: Entidad o organisasyong inorganisa para sa pampublikong layunin, at may eksempsiyon o hindi kasali sa pederal na pagbubuwis ng kita sa ilalim ng Seksiyon 501(c) ng Kodigo sa Pagbubuwis ng 1986 (Internal Revenue Code of 1986). (Tingnan ang Proposisyon K)

Ordinansa: Lokal na batas na pinagtibay na ng Lupon ng mga Superbisor o ng mga botante. (Tingnan ang Proposisyon C)

Pampubliko na Paaralang Tsarter: Paaralang pinopondohan ng publiko pero pinatatakbo ng independiyente na pribadong organisasyon. (Tingnan ang Proposisyon J)

Pangkalahatang Pondo: Ang bahagi ng badyet ng Lungsod na maaaring gamitin para sa anumang layunin ng Lungsod. Nanggagaling ang pera ng Pangkalahatang Pondo sa mga buwis at singil sa ari-arian, negosyo, pagbebenta, at iba pang pinagkukunan. (Tingnan ang Proposisyon I)

Parcel Tax (Buwis sa Parsela): Buwis sa lupa at mga istruktura sa Lungsod. (Tingnan ang Proposisyon J)

Payroll Expense Tax (Buwis sa mga Gastos sa Payroll): Buwis na ibinabatay sa pangkalahatan sa halagang ginagasta ng negosyo sa pagbabayad para sa trabaho. (Tingnan ang Proposisyon F, L)

Pinahihintulutang Paggamit: Paggamit sa ari-arian na naaayon sa naaangkop na pagsosona, kung saan hindi nangangailangan ang paggamit ng espesyal na pag-aaral o pag-apruba ng Lungsod. (Tingnan ang Proposisyon H)

Pinakamataas ang Suweldo na Tagapamahalang Empleyado: Ang indibidwal na may responsibilidad bilang tagapamahala na nakatanggap ng pinakamalaking bayad sa indibidwal sa loob ng isang tax year (taon batay sa pagbabayad ng buwis). (Tingnan ang Proposisyon L)

Planning Commission (Komisyon sa Pagpaplano): Ang komisyon ng Lungsod na may responsibilidad sa pagpapatupad at pagpapanatili ng komprehensibo at pangmatagalan na pangkalahatang plano para sa mga pagpapahusay at pagpapaunlad sa hinaharap. (Tingnan ang Proposisyon H)

Probisyonal na Balota: Balotang isinumite sa lugar ng botohan na hindi bibilangin hanggang sa matiyak ng Departamento ng mga Eleksyon ang pagiging kuwalipikado ng botante na nagsumite ng balotang iyon.  

Propesyonal na Pagpapaunlad: Pagpoprograma para sa mga propesyonal na guro upang makakuha sila ng karagdagang edukasyon, pagsasanay, paggabay o mentorship, o sertipikasyon. (Tingnan ang Proposisyon J)

Proposisyon: Anumang panukalang-batas na isinumite sa mga botante para aprubahan o hindi aprubahan. 

Rehistradong botante: Upang maging kuwalipikado para sa pagpaparehistro sa pagboto, kailangang mamamayan ng Estados Unidos ang indibidwal; residente ng San Francisco; 18 taong gulang o mas matanda pa, bago o sa araw ng eleksyon; wala sa pang-estado o pampederal na kulungan, o parolado sa pagkakasentensiya sa krimen; at hindi napagpasyahan sa kasalukuyan ng hukuman na walang sapat na katinuan upang makaboto. (Tingnan ang Proposisyon C)

Singil para sa Pagpaparehistro ng Negosyo: Taunang buwis na nag-iiba-iba sa pangkalahatan, batay sa mga gawain ng negosyo at gross receipts. (Tingnan ang Proposisyon F)

Suweldo ng Pinakamatataas na Executive: Ang suweldong ibinabayad sa tagapamahalang empleyado ng negosyo na tumatanggap ng pinakamataas na bayad. (Tingnan ang Proposisyon L)

Taon na Nakabatay sa Buwis: Nagsisimula nang Hulyo 1 ng taon na nakabatay sa kalendaryo at nagtatapos nang Hunyo 30 ng susunod na taon. (Tingnan ang Proposisyon J)

Transfer Tax (Buwis para sa Paglilipat ng Ari-arian): Buwis na ipinapataw sa pangkalahatan kapag ipinasa ang ari-arian mula sa isang indibidwal o entidad tungo sa isa pang indibidwal o entidad. (Tingnan ang Proposisyon I)

Tsarter: Ang tsarter ang konstitusyon ng Lungsod na pinagtitibay ng mga botante ng San Francisco, at may kaugnayan ito sa pamamaraan ng pamamahala sa Lungsod. Puwede lamang mabago ang Tsarter sa pamamagitan ng mayorya ng mga botante ng San Francisco. (Proposisyon B, C, D, E, G)


Source URL: https://voterguide.sfelections.org/fil/mga-salitang-dapat-ninyong-malaman