Published on San Francisco Voter Guide (https://voterguide.sfelections.org)

Bahay > Mga Madalas Itanong (FAQs)
< Go back

Mga Madalas Itanong (FAQs)

Sinagot ng Komite para Gawing mas Simple ang Balota

 Sino ang maaaring bumoto? Ang mga mamamayan ng U.S., na nasa edad 18 taong gulang o higit pa, na nakarehistrong bumoto sa San Francisco ang maaaring bumoto. Ang mga hindi-mamamayang residente ng San Francisco na magulang, legal na tagapatnubay o tagapangalaga ng batang mas mababa sa 19 taong gulang ang edad ay maaaring magparehistro at bumoto para sa Nobyembre 3, 2020 sa Lupon ng Edukasyon na eleksyon.    

 Kailan ang deadline para magparehistro upang makaboto o para i-update ang impormasyon sa aking rehistrasyon?

Ang deadline para magparehistro sa pamamagitan ng koreo o online para sa Nobyembre 3, 2020 na eleksyon ay Oktubre 19, 2020. Matapos ang araw na iyon, kinakailangan ninyong magparehistro at bumoto nang personal gamit ang probisyonal na balota sa sentro ng botohan o sa lugar ng botohan. 

 Maaari ba akong bumoto sa pamamagitan ng koreo sa Nobyembre 3 na eleksyon?

Opo. Upang maprotektahan ang pampublikong kalusugan at mahikayat ang pagboto sa pamamagitan ng koreo sa Nobyembre 3, 2020 na eleksyon, ipadadala ng Departamento ng mga Eleksyon sa pamamagitan ng koreo ang pakete ng balotang vote-by-mail sa bawat rehistradong botante sa San Francisco. 

Darating ang inyong pakete ng balotang vote-by-mail sa Oktubre at maglalaman ito ng opisyal na balota, kalakip na instruksiyon, opisyal na pambalik na sobre na bayad na ang selyo, at ng “Bumoto Ako” na sticker. 

 Maaari ba akong gumamit ng Accessible na sistemang Vote-by-Mail para makuha ang aking balota?

Opo, maaari ninyong makuha ang inyong balota gamit ang Accessible na sistemang Vote-by-Mail (AVBM) sa sfelections.org/access. Nagpapahintulot ang sistemang AVBM sa mga botante na markahan ang mga balotang nababasa sa screen at ito’y akma sa personal na teknolohiyang nakatutulong. Kailangan i-print at ibalik sa pamamagitan ng koreo o nang personal ang mga balotang AVBM.

Ang paggamit ng sistemang AVBM ay dating limitado lamang sa mga botanteng may kapansanan, at sa mga botanteng militar at nasa ibang bansa. Gayon pa man, para sa Nobyembre 3, 2020 na eleksyon, maaaring gumamit ng sistemang ito ang sinumang botante. 

 Mayroon bang mga paraan upang bumoto nang personal para sa Nobyembre 3 na eleksyon?

Opo. Magkakaroon ng 588 na lugar ng botohan na bukas para sa pagboto nang personal at para mahulugan ng balotang vote-by-mail sa Araw ng Eleksyon, Nobyembre 3, mula 7 a.m. hanggang 8 p.m. 

Dagdag pa rito, bukas ang Sentro ng Botohan sa City Hall sa mga sumusunod na oras: 

• Lunes hanggang Biyernes, Oktubre 5–Nobyembre 2, mula 8 a.m. hanggang 5 p.m.;

• Dalawang Sabado–Linggo, Oktubre 24–25 at Oktubre 31–Nobyembre 1, mula 10 a.m. hanggang 5 p.m.; at

• Araw ng Eleksyon, Nobyembre 3, mula 7 a.m. hanggang 8 p.m. (parehong oras ng pagboto sa mga lugar ng botohan).

Hinihikayat kayo na bumoto nang maaga. Kapag bumoto kayo nang maaga, sa pamamagitan ng koreo o nang personal, maaari ninyong maiwasan ang paghihintay at ang masisikip na pampublikong lugar, at makasisiguro kayong matatanggap ng Departamento ang inyong balota bago ang Araw ng Eleksyon upang ito’y mabilang. 

 Ang aking ika-18 na kaarawan ay pagkatapos ng deadline ng pagpaparehistro, ngunit ito’y bago o sa Araw ng Eleksyon. Maaari ba akong bumoto sa eleksyon na ito?

Opo. Maaari kayong magpaunang rehistro bago ang inyong ika-18 na kaarawan at bumoto sa eleksyon na ito, basta’t nakamit ninyo ang lahat ng kuwalipikasyon sa pagpaparehistro bilang botante.  

 Kung nahatulan akong may-sala sa isang krimen, maaari pa rin ba akong bumoto?

Depende po.

Maaari kayong magparehistro at bumoto kung kayo ay:

• Nasa kulungan ng county at nagsisilbi ng sentensiya para sa kasong misdemeanor, bilang kondisyon ng probation, o naghihintay ng paglilitis

• Naka-probation

• Nasa ilalim ng ipinag-uutos na superbisyon (mandatory supervision) 

• Nasa ilalim ng superbisyon sa komunidad matapos lumabas sa kulungan

(post-release community supervision) 

• Nasa ilalim ng superbisyon ng pederal na gobyerno matapos lumabas ng kulungan

(federal supervised release) 

• Nasa ilalim ng pormal na pagpapasya ukol sa pagpapatnubay sa menor de edad (juvenile wardship adjudication).

Hindi kayo maaaring magparehistro at bumoto kung kayo ay:

• Nakakulong sa pang-estado o pederal na kulungan

• Kasalukuyang nagsisilbi ng sentensiyang pangkulungan ng estado (state prison felony sentence) sa kulungan ng county o sa koreksiyonal na pasilidad nang dahil sa krimen

• Kasalukuyang nakakulong sa kulungan ng county at naghihintay na mailipat sa pang-estado o pederal na kulungan para sa hatol sa krimen

• Kasalukuyang nakakulong sa kulungan ng county para sa paglabag ng parole (paglayang may kondisyon)

• Kasalukuyang parolado sa California Department of Corrections and Rehabilitation (Departamento ng mga Pagwawasto at Rehabilitasyon ng California).

Pagkatapos ng parole:

Pagkatapos ng parole, maibabalik ang inyong karapatang makaboto, subalit kailangan ninyong muling magparehistro upang makaboto.

 Bago pa lamang akong naging mamamayan ng U.S. Maaari ba akong bumoto sa eleksyong ito? 

Opo. Kung naging mamamayan kayo ng U.S. pagkaraan ng deadline ng pagpaparehistro (Oktubre 19), ngunit bago o sa mismong Araw ng Eleksyon, maaari kayong magparehistro at bumoto sa sentro ng botohan o lugar ng botohan bago mag-8 p.m. sa Araw ng Eleksyon.

 Lumipat ako sa loob ng San Francisco ngunit hindi ko na-update ang aking rehistrasyon bago dumating ang deadline ng pagpaparehistro. Maaari ba akong bumoto sa eleksyong ito? 

Opo. Ang inyong mga opsiyon ay ang mga sumusunod: 

• Pumunta sa Sentro ng Botohan bago o sa Araw ng Eleksyon, kompletuhin ang form para sa pagpaparehistro ng bagong botante at bumoto sa probisyonal na balota; o 

• Pumunta sa inyong bagong lugar ng botohan sa Araw ng Eleksyon at bumoto sa probisyonal na balota. Maaari ninyong hanapin ang address ng inyong bagong lugar ng botohan sa pamamagitan ng pag-type ng inyong bagong address ng tirahan sa sfelections.org/myvotinglocation, o tumawag sa (415) 554-4310.

 Mamamayan ako ng U.S. na nakatira sa labas ng bansa. Paano ako makaboboto?

Maaari kayong magparehistro upang makaboto at humiling ng balota sa pamamagitan ng koreo, fax, o email sa pamamagitan ng pagbisita sa registertovote.ca.gov o pagkumpleto ng Federal Post Card Application. I-download ang aplikasyon mula sa fvap.gov o kumuha nito mula sa mga embahada, konsulado o opisyal ng militar na tumutulong sa pagboto.

 Kung hindi ko alam kung ano ang gagawin kapag nakarating na ako sa botohan, mayroon bang makatutulong sa akin doon? 

Opo. Tutulungan kayo ng mga manggagawa sa lugar ng botohan, o maaari ninyong bisitahin ang sfelections.org o tumawag sa Departamento ng mga Eleksyon sa (415) 554-4310 para sa tulong, bago o sa Araw ng Eleksyon.

Maaari din kayong magsama ng hanggang sa dalawang tao para tumulong sa inyo sa botohan, basta’t sila’y hindi kinatawan ng inyong tagapag-empleyo o ng inyong unyon.

 Maaari ko bang dalhin ang aking Halimbawang Balota o ang aking sariling listahan sa voting booth? 

Opo. Nakatutulong kung nakapagpasya na kayo bago pa kayo pumunta sa botohan kung sino o ano ang iboboto ninyo. Maaari ninyong gamitin ang Ballot Worksheet o ang Sample Ballot (Halimbawang Balota) na nasa loob nitong pamplet, para sa layuning ito. 

 Kailangan ba akong bumoto sa bawat labanan at panukalang-batas na nasa balota? 

Hindi po. Bibilangin ang inyong mga ibinoto kahit na hindi kayo bumoto sa bawat labanan at panukalang-batas.


Source URL: https://voterguide.sfelections.org/fil/mga-madalas-itanong-faqs