Dapat bang amyendahan ng Lungsod ang Tsarter upang makalikha ng Department Office of Inspector General (Departamentong Opisina ng Inspektor Heneral) at ng Department Oversight Board (Lupon para sa Pangangasiwa sa Departamento) ng Sheriff, na siyang gagawa ng mga rekomendasyon sa Sheriff at sa Board of Supervisors (Lupon ng mga Superbisor) tungkol sa mga operasyon ng Departamento ng Sheriff?
Buod ng Ballot Simplification Committee (Komite para Gawing mas Simple ang Balota)
Kung Ano Ito Ngayon: Inihahalal ang Sheriff ng mga botante ng San Francisco. Sa San Francisco, pangunahing mga tungkulin ng Sheriff ang pamamahala at pagpapatakbo sa mga kulungan ng Lungsod, pagkakaroon ng responsibilidad para sa mga indibidwal na nasa kustodiya, at pagpapanatili sa kapayapaan.
Pinangangasiwaan ng Sheriff ng San Francisco ang humigit-kumulang sa 800 nakapanumpa nang empleyado. Iniimbestigahan ng Bureau of Internal Affairs (Kawanihan para sa mga Gawain sa Loob ng Organisasyon) ng Sheriff ang maling asal at gawi ng mga empleyado na nasa Departamento ng Sheriff. Iniimbestigahan naman at isinasakdal ng District Attorney (Abugado ng Distrito) ang labag sa batas na maling asal ng Sheriff at ng mga empleyado ng Departamento ng Sheriff. Ang Ethics Commission (Komisyon para sa mga Pamantayan sa Paggampan ng Gawain) ng Lungsod ang nag-iimbestiga ng paglabag sa mga batas ukol sa etika. May polisiya ang Departamento ng Sheriff na siyang namamahala sa paggamit sa dahas ng mga nakapanumpa nang empleyado nito.
Walang departamento, lupon, o komisyon ang Lungsod na nakatuon lamang sa pangangasiwa sa Sheriff o sa Departamento ng Sheriff.
Ang Mungkahi: Ang Proposisyon D ay pag-amyenda sa Tsarter na lilikha ng Departament Office of Inspector General (OIG) ng Sheriff at ng Department Oversight Board (Oversight Board) ng Sheriff.
Magiging departamento ng Lungsod na independiyente sa Departamento ng Sheriff ang OIG. Ang Inspector General (Inspektor Heneral) ang mamumuno sa OIG. Magkakaroon ang OIG ng isa o higit pang imbestigador para sa bawat 100 alagad ng batas ng Departamento ng Sheriff. Mag-uulat ang OIG sa Oversight Board at magkakaloob ng impormasyon at mga rekomendasyon sa Sheriff.
Bagamat nasasakop ng ilang limitasyon, magkakaroon ang OIG ng kapangyarihan upang:
• Mag-imbestiga sa ilang reklamo ukol sa mga empleyado at kontratista ng Departamento ng Sheriff;
• Mag-imbestiga ng mga pagkamatay habang nasa kustodiya, maliban na lamang kung manghihimasok ang imbestigasyong ito sa imbestigasyon ukol sa isang krimen;
• Magrekomenda na gumawa ang Sheriff ng pandisiplinang aksiyon kapag napagpasyahan ng OIG na lumabag ang empleyado sa batas o sa polisiya sa Departamento ng Sheriff;
• Gumawa ng mga rekomendasyon ukol sa polisiya sa paggamit ng dahas ng Departamento ng Sheriff;
• Sumubaybay sa mga operasyon ng Departamento ng Sheriff; at
• Isangguni ang mga kaso sa District Attorney o sa Ethics Commission ng Lungsod.
Pananatilihin ng Bureau of Internal Affairs ng Sheriff ang kakayahan nitong mag-imbestiga ng pagkamatay habang nasa kustodiya, maling asal ng empleyado, at paglabag sa polisiya ng departamento. Isasangguni pa rin ang labag sa batas na maling asal sa District Attorney.
Bubuuin ang Oversight Board ng pitong miyembro, kung saan apat ang itatalaga ng Board of Supervisors (Lupon ng mga Superbisor) at tatlo ang itatalaga ng Mayor. Kailangang may karanasan sa pagkatawan sa mga unyon ng manggagawa ang isa sa mga itatalaga ng Board of Supervisors.
Bagamat nasasakop ng ilang limitasyon, magkakaroon ang Oversight Board ng kapangyarihan upang:
• Italaga, gawan ng ebalwasyon, muling italaga, at tanggalin ang Inspektor Heneral;
• Gawan ng ebalwasyon ang pagganap ng Office of the Inspector General; at
• Kumuha ng opinyon mula sa publiko at mga indibidwal na nasa kustodiya ukol sa mga operasyon ng Departamento ng Sheriff at mga kondisyon sa kulungan.
Batay sa impormasyon mula sa OIG at sarili nitong mga proseso, gagawa ang Oversight Board ng hindi bababa sa apat na ulat sa isang taon sa Sheriff at sa Board of Supervisors. Ang Oversight Board ang may responsibilidad para sa taunang ulat sa Sheriff at sa Board of Supervisors ukol sa mga aktibidad ng OIG at ng Oversight Board.
Bagamat nasasakop ng ilang limitasyon kapwa may kapangyarihan ang OIG at ang Oversight Board upang magsagawa ng mga pagdinig at magpatawag ng mga saksi.
Hindi ipagbabawal ng Proposisyon D sa Sheriff ang pag-iimbestiga, o lilimitahan ito sa pag-iimbestiga, ng asal ng empleyado o kontratista, o sa paggawa ng pandisiplina o pagwawastong aksiyon.
Ang Ibig Sabihin ng Botong “OO”: Kapag bumoto kayo ng “oo,” gusto ninyong amyendahan ang Tsarter ng Lungsod upang makalikha ng Department Office of Inspector General at ng Department Oversight Board ng Sheriff, na siyang gagawa
ng mga rekomendasyon sa Sheriff at sa Board of Supervisors tungkol sa mga operasyon ng Departamento ng Sheriff.
Ang Ibig Sabihin ng Botong “HINDI”: Kapag bumoto kayo ng “hindi,” ayaw ninyong magawa ang mga pagbabagong ito.
Pahayag ng Controller (Tagapamahala ng Pinansiya) ukol sa "D"
Naglabas na ang Controller ng Lungsod na si Ben Rosenfield ng sumusunod na pahayag ukol sa epekto sa pinansiya ng Proposisyon D:
Sa aking opinyon, kapag inaprubahan ang mungkahing pag-amyenda ng Tsarter ng mga botante, magkakaroon ito ng malaking epekto sa gastos ng gobyerno.
Lilikha ang mungkahing pag-amyenda ng Tsarter ng bagong Sheriff’s Department Oversight Board (SDOB) na may pitong miyembro at bagong Sheriff’s Department Office of Inspector General (OIG), na hiwalay sa Departamento ng Sheriff. Magtatalaga ang SDOB ng Inspektor Heneral at gagawan nito ng ebalwasyon ang trabaho ng OIG. Tatanggapin, pag-aaralan, at iimbestigahan ng OIG ang mga reklamo laban sa Departamento ng Sheriff, mga empleyado at kontratista nito, at iba pang empleyado ng Lungsod na naglilingkod sa mga indibidwal na nasa kustodiya, at iimbestigahan ang mga pagkamatay habang nasa kustodiya. Magrerekomenda rin ang OIG ng polisiya ukol sa paggamit ng dahas at ng proseso para sa internal review (imbestigasyon sa loob ng ahensiya ukol sa reklamo) ukol sa paggamit ng dahas at kritikal na mga insidente para sa Departamento ng Sheriff. Aakuin ng OIG ang ilang gawain sa pag-iimbestiga na kasalukuyang isinasagawa ng Whistleblower unit (unit na tumutugon sa mga bintang ukol sa maling gawain ng mga empleyado ng lungsod) ng Opisina ng Controller.
Ang tinatayang taunang gastos para sa SDOB, kasama na ang mga kawani at materyal na gastos para sa mga komisyoner, sekretarya ng lupon, at tagasuring mga kawani ay $400,000. Espesipikong isinasaad ng pag-amyenda na ang mga kawani para sa OIG ay ang mga sumusunod: ang Inspektor Heneral, isang Abugado, at isang Imbestigador kada 100 alagad ng batas sa kawanihan ng Departamento ng Sheriff. Ang tinatayang taunang gastos para sa OIG, kasama na ang mga gastos para sa 13 kawani, espasyo para sa opisina at mga materyales/gamit ay $2 milyon hanggang sa $2.5 milyon.
Kung Paano Napunta sa Balota ang "D"
Noong Hulyo 21, 2020, bumoto ang Board of Supervisors ng 11 sa 0 upang mailagay ang Proposisyon D sa balota. Bumoto ang mga Superbisor nang ayon sa sumusunod:
Oo: Fewer, Haney, Mandelman, Mar, Peskin, Preston, Ronen, Safai, Stefani, Walton, Yee.
Hindi: Wala.
Kailangan ng panukalang-batas na ito ng 50%+1 botong oo para maipasa.