Pagmamarka sa Inyong Balota
Maaaring mapabilis at mapadali ng Ballot Worksheet ang pagboto nang personal. Makatutulong sa mga botante ang worksheet, na naglilista ng lahat ng labanan at panukalang-batas sa buong lungsod, na mas maagang markahan ang kanilang mga pinili upang makatipid sa oras at maiwasan na magkamali habang minamarkahan ang opisyal na balota.
Kung nagkamali kayo sa pagmamarka ng inyong opisyal na balota, maaari kayong humiling ng kapalit nito sa pamamagitan ng pagbisita sa sfelections.org/voterportal, pagtawag sa Department of Elections (Departamento ng mga Eleksyon) sa (415) 554-4310, o pagtatanong sa kawani sa lugar ng botohan o sa kinatawan ng Voting Center (Sentro ng Botohan).
Mga Hakbang para sa Lahat ng Uri ng Labanan
1. Bago ninyo markahan ang anumang labanan, basahin ang mga instruksiyon na naka-imprenta sa balota.
2. Upang matiyak na mababasa at mabibilang ang inyong mga piniling iboto, gumamit ng panulat na may matingkad na tinta o lapis.
3. Huwag magsulat ng personal na impormasyon, tulad ng inyong pangalan o mga inisyal saanman sa inyong balota.
4. Punan ang oval na nasa tabi ng inyong pinili para sa labanan o panukala, gaya ng ipinakikita sa larawan 1.
5. Para bumoto ng kuwalipikadong write-in (isinusulat-lamang) na kandidato, isulat ang pangalan ng kandidato sa espasyo na nasa dulo ng listahan ng mga kandidato at punan ang oval na nasa tabi ng espasyong iyon. (Makukuha ang listahan ng mga kuwalipikadong write-in na kandidato sa sfelections.org/writein at sa Voting Center sa City Hall simula sa Mayo 27, 2022 at sa lahat ng lugar ng botohan sa Araw ng Eleksyon, Hunyo 7, 2022.)
6. Kung hindi ninyo nais na bumoto sa isang labanan o panukala, iwan itong blangko. Mabibilang pa rin ang inyong mga boto para sa ibang labanan at panukala.
Mga Hakbang para sa Labanan na Ranked-Choice Voting (RCV)
Sa eleksyon na ito, gagamit ang mga botante ng ranked-choice voting (pagbibigay ranggo sa mga pinagpilian, RCV) upang ihalal ang City Attorney (Abugado ng Lungsod).
Itinatakda ng Tsarter ng San Francisco na pahintulutan ang mga botante na magranggo ng hindi bababa sa tatlong napili nila sa anumang labanang gumagamit ng RCV, kahit na mas kaunti pa sa tatlong kandidato ang tumatakbo para sa katungkulan. Isang kandidato lamang ang tumatakbo para magsilbi bilang City Attorney nang mailimbag ang mga balota sa eleksyong ito; samakatuwid, isang pangalan ng kandidato lamang ang lalabas sa kaliwang kolum ng grid ng RCV, na may tatlong ranggo na nakalagay sa nasa itaas na hilera.
Para mamarkahan ang labanang RCV, punan ang mga oval mula kaliwa pakanan, gaya ng ipinapakita sa larawan 2.
• Sa unang kolum para sa inyong unang pinili. (Ito ang huling hakbang kung isa lang ang inyong pagpipilian.)
• Sa ikalawang kolum para sa inyong ikalawang pinili, kung mayroon man (kung wala, iwan itong blangko).
• Sa ikatlong kolum para sa inyong pangatlong pinili, kung mayroon man (kung wala, iwan itong blangko).
Mahahalagang bagay na dapat tandaan!
• Huwag punan ang mahigit sa isang oval sa parehong hanay. Sa madaling salita, huwag ninyong iranggo ang isang kandidato nang mahigit sa isang beses, tulad ng ipinapakita sa larawan 3.
• Huwag punan ang mahigit sa isang oval sa parehong kolum. Sa madaling salita, huwang ninyong bigyan ng ranggo ang pareho o higit pang kandidato, tulad ng ipinapakita sa larawan 4.
Paano Gumagana ang Ranked-Choice Voting?
Bibilangin ang unang pinili ng lahat.
Kapag may kandidatong nakatanggap ng mayorya ng boto bilang unang-pinili–-higit sa kalahati—ang kandidatong iyon ang panalo.
Kapag walang kandidatong nakatanggap ng mayorya, tatanggalin ang kandidatong pinakahuli sa labanan.
Bibilangin ang susunod na pinili ng mga botanteng pumili sa kandidatong natanggal.
Uulitin ang siklong ito hanggang sa may manalo batay sa mayorya.