Mga Pangunahing Kaalaman tungkol sa Sistema ng Pagboto sa Lungsod
Sinimulang gamitin ng mga botante ng San Francisco ang kasalukuyang sistema ng pagboto noong 2019. Maaaring makatulong ang mga sumusunod na impormasyon para sa mga botanteng gagamit ng sistemang ito sa unang pagkakataon:
1. Upang markahan ang mga balota, pupunan ng mga botante ang mga oval sa tabi ng kanilang mga napili.
2. Magkakaroon ng mga ballot-scanning machine (makinang pang-scan ng balota) at accessible na ballot-marking device (aparatong pang-marka ng balota) ang lahat ng lugar ng botohan. Ilan sa mga katangian ng aparatong pang-marka ng balota ay:
• Audio at touchscreen na format ng mga balota (mayroong headphones at keypad na may nakaumbok na braille)
• Akma sa mga aparatong nakatutulong tulad ng mga sip-and-puff (kagamitang gumagamit ng presyon ng hangin sa pamamagitan ng paghigop o pagbuga) at head pointer (aparatong pangpindot na nakalagay sa ulo)
• Seguridad sa lihim na balota at bilangan ng boto. Hindi nag-iimbak ng mga pinagpilian ng mga botante ang mga ballot-marking device; pagkatapos markahan ang balota, kailangang i-print ng mga botante ang kanilang balota at i-scan ito gamit ang ballot-scanning machine (makinang pang-scan ng balota).
3. Bago ang bawat eleksyon, sinusuri ng Departamento ng mga Eleksyon ang lahat ng kagamitan sa pagboto ng Lungsod upang matiyak na ang mga kagamitang ito ay gumagana at nagbibigay ng mga lohikal at tiyak na mga resulta. Bukas sa pampublikong obserbasyon ang pagsusuring ito; sa personal o sa pamamagitan ng livestream sa sfelections.org/observe.
4. Walang anumang bahagi ng sistema ng pagboto ng Lungsod ang kumokonekta sa internet o tumatanggap o nagpapadala ng datos sa pamamagitan ng anumang panlabas na network ng komunikasyon. Sa pagsisikap na makapagbigay ng lubusang transparency (pagiging bukas sa pagsisiyasat), ipinopost ng Departamento ng mga Eleksyon sa website nito ang mga imahe ng mga binotohang balota, kabilang na ang impormasyon kung paano binasa at binilang ang mga marka sa bawat balota.