Bilang botante ng San Francisco, maaari ninyong piliin na bumoto sa Hunyo 7 na eleksyon sa pamamagitan ng koreo o nang personal sa Sentro ng Botohan sa City Hall o sa lugar ng botohan.
Bumoto sa Pamamagitan ng Koreo
Permanente na ang pagboto sa pamamagitan ng koreo. Alinsunod sa kamakailang mga pagbabago sa batas ng estado, padadalhan na ng balota ang bawat aktibo at rehistradong botante at may opsiyon sila na ibalik ang kanilang balota sa pamamagitan ng koreo, nang personal, o sa opisyal na kahon na hulugan ng balota.
Bandang Mayo 9, sisimulang ipadala ng Departamento ng mga Eleksyon ang mga vote-by-mail (VBM) na pakete na naglalaman ng opisyal na balota, mga instruksiyon, “Bumoto Ako!” na sticker, at pambalik na sobre na bayad na ang selyo, sa lahat ng lokal na rehistradong botante. Bubuksan din ng Departamento sa Mayo 9 ang sistema ng aksesibleng vote-by-mail (AVBM), na may mga balotang nababasa sa screen na akma sa mga personal na aparatong pantulong, sa sfelections.org/access. Maaaring ma-access ng sinumang rehistradong botante ang kanilang balota sa pamamagitan ng sistemang AVBM.
Gumamit man kayo ng papel o aksesibleng balota, may tatlong hakbang na kailangan ninyong kompletuhin:
|
Papel na Balotang Vote-by-Mail
|
Aksesible na Balotang Vote-by-Mail
|
1: Markahan ang inyong Balota
|
Basahin ang mga instruksiyon na naka-imprenta sa inyong balota bago kayo gumawa ng pagpili.
|
Pumunta sa sfelections.org/access para ma-access ang inyong balota at basahin ang mga online na instruksiyon bago kayo gumawa ng pagpili.
|
2: Ihanda ang inyong Sobre
|
Alisin ang lahat ng resibo mula sa itaas ng mga kard ng balota, magkahiwalay na tiklupin ang bawat kard ng balota, at ipasok ang nakatiklop na mga kard sa loob ng pambalik na sobre. Kompletuhin at pirmahan ang likod ng sobre, at isara ito nang mabuti.
|
I-print ang inyong balota at ipasok ito sa pambalik na sobre. Kompletuhin at pirmahan ang likod ng sobre, at isara ito nang mabuti.
|
3: Ibalik ang inyong Balota
|
Para mabilang, kailangang malagyan ng postmark nang hindi lalagpas sa Araw ng Eleksyon, Hunyo 7, ang mga balotang ibabalik sa pamamagitan ng koreo. (Hindi na kailangan ng selyo kung ipadadala sa pamamagitan ng USPS.)
Kung ipadadala ninyo ang inyong balota sa Araw ng Eleksyon, mangyaring tiyakin ang oras ng huling koleksyon — kung nangyari na ang huling koleksyon ng koreo, huli na ring malalagyan ng postmark ang inyong balota at hindi na ito mabibilang.
Para mabilang, kailangan namang maihulog nang hindi lalagpas ng 8 p.m. sa Araw ng Eleksyon, Hunyo 7 ang mga balotang ibabalik nang direkta sa Departamento ng mga Eleksyon. Mula Mayo 9 hanggang Hunyo 7, maaari ninyong ibalik ang inyong balota sa alinmang opisyal na kahon na hulugan ng balota o sa Sentro ng Botohan sa City Hall. Sa Araw ng Eleksyon, maaari ninyong ibalik ang inyong balota sa alinmang opisyal na kahon na hulugan ng balota, sa Sentro ng Botohan sa City Hall, o saanmang lugar ng botohan nang hindi lalagpas ng 8 p.m.
Bilang bagong serbisyo na inilunsad sa unang bahagi ng taong ito, mag-aalok ang Departamento ng mga Eleksyon ng 34 na opisyal na kahon na hulugan ng balota sa buong Lungsod. Magbubukas nang 24 oras araw-araw ang mga kahon na hulugan simula Mayo 9 hanggang 8 p.m. sa Araw ng Eleksyon, Hunyo 7. Ang mga kahon na hulugan ng balota na ito ay nagbibigay sa mga botante ng ligtas, aksesible, at walang kontak na paraan ng pagbalik ng kanilang balotang pang-koreo. May bandilang Amerikano at opisyal na tatak ng Lungsod at County ng San Francisco ang bawat kahon at may malinaw na marka na “Official Ballot Drop Box”. Makikita dito ang mapa at listahan ng lokasyon ng mga kahon na hulugan ng balota at makikita rin ito sa sfelections.org/ballotdropoff. Para magbigay ng suhestyon o puna ukol sa kasalukuyang mapa ng mga kahon na hulugan ng balota, pumunta lamang sa sfelections.org/ballotboxfeedback.
|
|
Bumoto nang Maaga sa Sentro ng Botohan sa City Hall
Magbubukas ang Sentro ng Botohan sa City Hall para sa lahat ng taga-San Francisco na nais magparehistro upang makaboto o bumoto nang personal, makagamit ng aksesibleng kagamitan sa pagboto, makatanggap ng personal na tulong, o magbalik ng kanilang balota:
• Lunes–Biyernes, mula Mayo 9 hanggang Hunyo 7 (maliban sa Mayo 30, Memorial Day), mula 8 a.m. hanggang 5 p.m.
• Huling dalawang Sabado at Linggo bago ang Araw ng Eleksyon (Mayo 28-29 at Hunyo 4-5), mula 10 a.m. hanggang 4 p.m.
• Sa Araw ng Eleksyon, Martes, Hunyo 7, mula 7 a.m. hanggang 8 p.m.
Bumoto sa Itinalaga para sa inyong Lugar ng Botohan sa Araw ng Eleksyon
Mula 7 a.m.hanggang 8 p.m.sa Araw ng Eleksyon, Hunyo 7, magbubukas ang 588 lugar ng botohan para sa pagboto nang personal at para sa mga serbisyo sa paghuhulog ng balota.
Maaaring nagbago na ang inyong lugar ng botohan para sa eleksyong ito! Tingnan ang address ng itinalaga para sa inyong lugar ng botohan, pati na rin ang impormasyon ukol sa aksesibilidad ng lugar, sa likod na pabalat ng pamplet na ito.Kung sakaling magbago ang itinalaga para sa inyong lugar ng botohan matapos ilimbag ang pamplet na ito, susubukan ng Departamento ng mga Eleksyon na bigyan kayo ng notipikasyon sa pamamagitan ng postcard at abiso na ipapaskil sa dati ninyong lugar ng botohan.Bago kayo bumoto sa Araw ng Eleksyon, maaari kayong bumisita sa sfelections.org/MyVotingLocation para kumpirmahin ang address ng inyong lugar ng botohan.