Mga Katungkulan sa Lungsod at County ng San Francisco na Pagbobotohan sa Eleksyong Ito
Miyembro, Board of Supervisors (Lupon ng mga Superbisor)
Ang Board of Supervisors (Lupon ng mga Superbisor) ang sangay sa pagbabatas ng pamahalaan ng Lungsod at County ng San Francisco. Nagsasabatas at nag-aapruba ang mga miyembro nito ng taunang budget para sa mga departamento ng Lungsod.
Apat na taon ang takdang panahon ng panunungkulan para sa mga miyembro ng Board of Supervisors. $140,148 sa bawat taon ang bayad sa mga Superbisor.
Mayroong labing-isang miyembro ang Board of Supervisors. Boboto ang mga botante sa Distrito 1, 3, 5, 7, 9, at 11 para sa kanilang miyembro sa Board of Supervisors sa eleksyong ito. Para makita ang mapa ng mga Superbisoryal na Distrito ng San Francisco, tingnan dito.
Miyembro, Board of Education (Lupon ng Edukasyon)
Ang Board of Education (Lupon ng Edukasyon) ang pamunuang entidad para sa San Francisco Unified School District (Pinagsama-samang Distritong Pampaaralan ng San Francisco). Pinamamahalaan nito ang kindergarten hanggang sa ika-labindalawang grado.
Apat na taon ang takdang panahon ng panunungkulan para sa mga miyembro ng Board of Education. $6,000 sa bawat taon ang bayad sa kanila.
Mayroong pitong miyembro ang Board of Education. Sa eleksyong ito, boboto ng apat na miyembro ang mga botante.*
Miyembro, Community College Board (Lupon ng Kolehiyo ng Komunidad)
Ang Community College Board (Lupon ng Kolehiyo ng Komunidad) ang pamunuang entidad para sa San Francisco Community College District (Distrito ng Kolehiyo ng Komunidad ng San Francisco). Pinamamahalaan nito ang City College at ang ibang sentro ng pag-aaral para sa mga nasa hustong gulang.
Apat na taon ang takdang panahon ng panunungkulan para sa mga miyembro ng Community College Board. $6,000 sa bawat taon ang bayad sa kanila.
Mayroong pitong miyembro ang Community College Board. Sa eleksyong ito, boboto ng apat na miyembro ang mga botante.
*Pagboto ng mga Hindi Mamamayan sa Eleksyon Para sa Lupon ng Edukasyon
Sa ilalim ng Proposisyon N, na inaprubahan ng mga botante ng San Francisco noong 2016, sinumang hindi mamamayan na residente ng San Francisco at “magulang, legal na tagapatnubay, o tagapag-alaga (na tinutukoy sa California Family Code Seksiyon 6550) ng bata na mas mababa sa 19 taong gulang at nakatira sa loob ng San Francisco Unified School District”, na sa ibang pagkakataon ay hindi kuwalipikadong makaboto sa San Francisco dahil sa katayuan ng kanilang imigrasyon, ay maaaring makaboto para sa mga miyembro ng Lupon ng Edukasyon sa Nobyembre 3, 2020 na eleksyon.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa rehistrasyon at pagboto ng hindi mamamayan, pumunta sa sfelections.org/noncitizen o tumawag sa Departamento ng mga Eleksyon sa (415) 554-4310.