Ang aking trabaho ay Miyembro ng Kongreso.
Ang aking mga kuwalipikasyon ay:
Karangalan kong katawanin sa Kongreso ang San Francisco at ang ating mga pagpapahalaga sa kalayaan, katarungan, at pagkakapantay-pantay.
Bilang inyong Kinatawan, nakapag-uwi na ako ng bilyon-bilyong dolyar upang masuportahan ang maganda ang suweldong naka-unyon na mga trabaho, pabahay, imprastrukturang mabuti para sa kapaligiran, pangangalaga sa kalusugan, at pampublikong edukasyon.
Sa panahon ng aking kasalukuyang termino, nakapaghatid kami ng ayuda nang dahil sa COVID, at nang makapaglagay ng pera sa bulsa ng taumbayan, mabakunahan ang mga braso, mapabalik ang mga bata sa paaralan, at ligtas na mapanumbalik ang mga tao sa trabaho; mapondohan ang imprastruktura upang muling maitayo ang mga ito nang makatarungan at nang napoprotektahan ang kapaligiran; ang batas na nauukol sa CHIPS at Siyensiya upang maging independiyente ang Amerika sa supply chain o mga pinagkukunan, at magkaroon ng inklusibong inobasyon sa STEM; ang Inflation Reduction Act (Batas ukol sa Pagbabawas sa Pagtaas ng Presyo) upang mabawasan ang gastusin sa pangangalaga ng kalusugan, makalikha ng mga trabaho, at matugunan ang krisis sa klima; ang PACT Act (Batas na PACT) upang maprotektahan ang ating mga beteranong nalantad sa burn pits (bukas na pamamaraan ng pagsusunog sa basura); ang makasaysayang pagpigil sa karahasan na bunga ng baril upang magawang mas ligtas ang ating mga komunidad; at ang pakikipagdiplomasya upang mapagtibay ang ating mga pakikipag-alyansa sa ibang bansa.
At higit pa rito ang kailangan natin. Iyan ang dahilan kung bakit pinalalawak natin ang Affordable Care Act (Batas ukol sa Abot-kayang Pangangalaga); pinagtitibay ang Social Security (Panlipunang Seguridad), Medicare at Medicaid; pinararami ang mga mapagkukunan ng tulong at impormasyon ukol sa HIV/AIDS, kagalingan ng isip, at mga indibidwal na may kapansanan, at tinutugunan ang Monkeypox.
Ang ating pag-unlad ay tungkol sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan at sa pag-uuna sa nagtatrabahong mga indibidwal kaysa sa nakapamalagi nang mga espesyal na interes. Bagamat nangangampanya ang malalaking negosyo laban sa mas mababang presyo para sa insulin, gas, at groseriya, pinoprotektahan ko ang mga konsumer at nilalabanan ang hindi makatwirang pagtataas ng presyo. Habang itinutulak ng mga indibidwal na sukdulan ang paniniwala ang pambansang pagbabawal sa aborsiyon at ginagawang marurupok ang mga karapatan sa pagiging pribado ng indibidwal, ipinaglalaban ko ang kalayaan sa reproduksiyon at ang pagkakapantay-pantay sa pag-aasawa.
Tumatakbo ako para muling mahalal at upang maipagpatuloy ang ating laban, at sa gayon, mapaghusay ang buhay ng mga mamamayan at maipagtanggol ang ating Demokrasya, at magalang kong hinihiling ang inyong boto.
Salamat po.
Nancy Pelosi