Ang aking trabaho ay Tagapangulo ng Badyet sa Asembleya.
Ang aking mga kuwalipikasyon ay:
Dahil halos lahat ng bagay ay mas mataas na ang presyo, kailangang mas mabuti pa ang magawa ng ating gobyerno. Iyan ang dahilan kung bakit nagtatrabaho kami nang lampas pa sa takdang oras upang maharap ang pinakamalalaking hamon, tulad ng kawalan ng tahanan, pagtaas ng porsiyento ng mga krimen, at mataas na halaga ng pabahay.
Bilang Tagapangulo ng Assembly Budget Committee (Komite para sa Badyet ng Asembleya), halos lahat ng mungkahi na nauukol sa paggasta ay dumaraan sa aking mesa. Misyon kong tiyakin na mahusay na nagagasta ang mga dolyar na buwis na pinaghirapan ninyong kitain. Iyan ang dahilan kung bakit isinulat ko at naipasa ang batas na:
• Ipinamuhunan ang natirang pera ng estado kung saan may pinakamalaking epekto ito — sa pagpapabuti ng K-12 na edukasyon, paglikha ng mas maraming abot-kayang pabahay at pagbubukas ng mas maraming lugar para sa mga taga-California sa ating mga pampublikong kolehiyo at unibersidad.
• Nagtuon sa kaligtasan — kasama na ang pag-uuwi ng mga dolyar mula sa estado upang mapondohan natin ang mga programa na nilalabanan ang karahasan, kasama na ang naka-aalarma na biglaang pagdami ng mga krimen na ibinubunsod ng pagkasuklam sa mga Asyano. Pinagsama-sama namin ang mga mamamayan upang maipasa ang nakabatay sa sentido komun na mga batas na nauukol sa kaligtasan mula sa baril, at sa gayon, manatiling wala sa kamay ng mapapanganib na indibidwal ang mga sandata.
• Nagtrabaho ako para sa pagbangon ng ekonomiya sa pamamagitan ng pag-uuwi ng karagdagang pondo para sa pagtugon sa COVID-19 at pakikipaglaban upang maayos ang kaguluhan sa opisina ng estado para sa unemployment o kawalan ng trabaho.
Sa pamamagitan ng inyong suporta, patuloy akong makikipaglaban para sa makatarungan at buong pagbangon ng ekonomiya, para sa bagong pabahay at pampublikong transportasyon na kailangan natin at sa gayon ay maging makatwiran ang mga gastusin sa pabahay, para sa mga programa sa kalusugan ng isip at pagsasanay sa trabaho na kailangan natin upang mapababa ang bilang ng mga krimen, at higit sa lahat — para sa gobyerno ng estado na tumutugon sa inyo.
Ikinararangal kong nakuha ko na ang suporta ng California Professional Firefighters Association, ng California Teachers Association, ng California Nurses Association, at ng Sierra Club, Tsapter ng San Francisco Bay, at marami pang iba.
Umaasa akong sasamahan ninyo kami sa www.PhilTing.com.
Phil Ting