Dapat bang amyendahan ng Lungsod ang Tsarter upang makapagsagawa ng mga eleksyon para sa Mayor, Sheriff, Abugado ng Distrito, Abugado ng Lungsod, at Tesorero sa Nobyembre sa mga taon ng eleksyon para sa pagkapresidente, pahabain ang kasalukuyang termino ng mga opisyal na ito nang isang taon hanggang sa Enero 2025, itakda na hindi na magkakaroon ng regular na naka-iskedyul na eleksyon sa 2023, magsagawa lamang ng eleksyon para sa lokal na mga panukala sa balota sa mga taon na may bilang na even o sa mga espesyal na eleksyon, at baguhin ang minimum na bilang ng kinakailangang lagda upang makapaglagay ang mga botante ng mga ordinansa at deklarasyon ng polisiya sa balota?
Buod ng Ballot Simplification Committee (Komite para Gawing mas Simple ang Balota)
Kung Ano Ito Ngayon: Nagsasagawa ang Lungsod ng eleksyon para sa mga lokal na katungkulan sa mga taon na even at odd. Inihahalal ang mayor, sheriff, abugado ng distrito, abugado ng lungsod at ang tesorero tuwing ika-apat na taon sa buwan ng Nobyembre sa taong may bilang na odd. Huling nagkaroon ng regular na eleksyon para sa mga katungkulang ito noong Nobyembre 2019, at ang susunod na naka-iskedyul na eleksyon para sa mga katungkulang ito ay gagawin sa Nobyembre 2023.
Nagsasagawa ang Lungsod ng eleksyon para sa tagatasa-tagatala, pampublikong tagapagtanggol, mga miyembro ng Board of Supervisors (Lupon ng mga Superbisor), School Board (Lupon ng mga Paaralan), at City College Board (Lupon ng Kolehiyo ng Lungsod) tuwing ika-apat na taon sa Nobyembre ng mga taon na even. Isinasagawa rin ang eleksyon para sa mga pang-estado at pederal na katungkulan sa mga taon na even.
Maaaring mailagay sa balota ang mga lokal na pambalotang panukalang-batas kapwa sa mga taon na even at odd. Maaari namang maglagay ang mga botante ng ordinansa ng Lungsod o deklarasyon ng polisiya sa balota sa pamamagitan ng pagsusumite ng sapat na lagda mula sa mga botante ng San Francisco sa inisyatibang petisyon. Upang maging kuwalipikado para sa balota, ang petisyon ay kailangang may kasamang lagda mula sa mga botante ng San Francisco na katumbas ng hindi bababa sa 5% ng mga botong ibinigay sa lahat ng kandidato para sa pagka-mayor noong nakaraang eleksyon. Noong Hulyo 2022, nangailangan ang mga petisyon na ito ng minimum na 8,979 lagda.
Ang Mungkahi: Itatakda ng Proposisyon H na magsagawa ang Lungsod ng mga eleksyon para sa mayor, sheriff, abugado ng distrito, abugado ng lungsod, at tesorero sa Nobyembre ng mga taon para sa pagkapresidente. Dahil dito, magsasagawa ang Lungsod ng eleksyon para sa lahat ng lokal na katungkulan sa mga taon na may bilang na even lamang.
Kapag naaprubahan ang mungkahi, hindi magkakaroon ng regular na nakatakdang eleksyon sa 2023. Pahahabain nang isang taon ang kasalukuyang mga termino ng mayor, sheriff, abugado ng distrito, abugado ng lungsod, at tesorero. Isasagawa ang susunod na eleksyon para sa mga katungkulang ito sa Nobyembre 2024. Pagkatapos nito, isasagawa na ng Lungsod ang eleksyon para sa mga katungkulang ito tuwing ika-apat na taon.
Sa ilalim ng Proposisyon H, maglalagay lamang ang Lungsod ng mga panukalang-batas sa balota sa mga taon na even o sa espesyal na mga eleksyon.
Papalitan din ng Proposisyon H ang minimum na bilang ng kinakailangang lagda para sa inisyatibang ordinansa at deklarasyon ng polisiya ng Lungsod, mula sa 5% ng ibinigay na boto noong nakaraang eleksyon sa pagka-mayor tungo sa 2% ng rehistradong mga botante sa San Francisco, na 9,948 noong Hulyo 2022.
Ang Ibig Sabihin ng Botong “OO”: Kapag bumoto kayo ng “oo,” gusto ninyong amyendahan ng Lungsod ang Tsarter upang makapagsagawa ng mga eleksyon para sa mayor, sheriff, abugado ng distrito, abugado ng lungsod, at tesorero sa Nobyembre sa mga taon ng eleksyon para sa pagkapresidente, magsagawa lamang ng eleksyon para sa lokal na panukala sa balota sa mga taon na may bilang na even o sa mga espesyal na eleksyon, at baguhin ang minimum na bilang ng kinakailangang lagda upang makapaglagay ang mga botante ng ordinansa at deklarasyon ng polisiya sa balota. Hindi na magkakaroon ng regular na nakatakdang eleksyon sa 2023, at pahahabain nang isang taon ang kasalukuyang mga termino ng mayor, sheriff, abugado ng distrito, abugado ng lungsod, at tesorero.
Ang Ibig Sabihin ng Botong “HINDI”: Kapag bumoto kayo ng “hindi,” ayaw ninyong gawin ang mga pagbabagong ito.
Pahayag ng Controller (Tagapamahala ng Pinansiya) Tungkol sa "H"
Naglabas na ang Controller ng Lungsod na si Ben Rosenfield ng sumusunod na pahayag tungkol sa magiging epekto sa pinansiya ng Proposisyon H:
Sa aking opinyon, sakaling aprubahan ang mungkahing pag-amyenda sa Tsarter ng mga botante, bababa ang gastos ng gobyernong nang humigit-kumulang sa $6.9 milyon sa Fiscal Year (taon batay sa pag-uulat ng pinansiya, FY) 2023–2024, at sa kasunod na mga taon na may bilang na odd, sa pamamagitan ng pagsasama-sama sa mga eleksyon at sa pagtatanggal sa munisipal na eleksyon sa mga taon na may bilang na odd. Gayon pa man, magiging mas maliit o matatanggal ang matitipid na ito kung magtatakda ng espesyal na eleksyon sa taon na may bilang na odd.
Itatakda ng mungkahing pag-amyenda sa Tsarter na magsagawa ng mga eleksyon para sa Mayor, Sheriff, Abugado ng Distrito, Abugado ng Lungsod, at Tesorero sa mga taon na may bilang na even. Upang magawa ito, itatakda ng mga pag-amyenda na maglingkod ang mga indibidwal na nahalal sa mga katungkulang ito noong 2019 ng terminong tig-limang taon. Ang susunod na eleksyon para sa mga katungkulang ito ay isasagawa sa Nobyembre 2024, at kasunod nito, magkakaroon ng eleksyon para sa mga katungkulang ito tuwing ika-apat na taon sa taon na may bilang na even.
Magdudulot ang mga pagbabagong ito sa Lungsod ng pagtitipid na humigit-kumulang $9 milyon para sa gastos ng pagpapatakbo ng pangkalahatang munisipal na eleksyon sa mga taon na may bilang na odd, na mababawi nang dahil sa humigit-kumulang sa $2.1 milyon para sa halaga ng pagpi-print at pagpapadala sa koreo ng mga balotang card at pamplet na nagbibigay-impormasyon sa botante, gastos para sa pansamantalang kawani, at iba pang materyales at serbisyo na ililipat mula sa isang taon tungo sa isa pa, kung kaya’t magkakaroon ng netong matitipid na $6.9 milyon sa loob ng dalawang taon, simula sa FY 2023–24.
Babaguhin din ng pag-amyendang ito ang minimum na lagda para sa inisyatibang ordinansa tungo sa dalawang porsiyento ng huling bilang ng rehistradong mga botante sa San Francisco, sa halip na limang porsiyento ng nagsiboto noong huling eleksyon para sa pagka-mayor.
Kung Paano Napunta sa Balota ang "H"
Noong Hulyo 19, 2022, bumoto ang Board of Supervisors ng 7 sa 4 upang mailagay ang Proposisyon H sa balota. Bumoto ang mga Superbisor ayon sa sumusunod:
Oo: Chan, Melgar, Peskin, Preston, Ronen, Safai, Stefani.
Hindi: Dorsey, Mandelman, Mar, Walton.
Kailangan ng panukalang-batas na ito ng 50%+1 botong oo para maipasa.