Mga Eleksyon ng California
Iniaatas ng Top Two Candidates Open Primary Act (Batas sa Bukas na Primarya para sa Nangungunang Dalawang Kandidato) na ilista sa iisang balota ang lahat ng kandidato para sa katungkulan na nominado ng botante. Kabilang sa mga katungkulan na nominado ng botante ang mga pang-estadong katungkulang lehislatibo, katungkulang kongresyonal ng U.S., at katungkulan sa estado na naaayon sa saligang-batas. Hindi nalalapat ang sistema ng bukas na primarya ng California sa mga kandidatong tumatakbo para maging Presidente ng U.S., sentral na komite ng county, o mga panlokal na katungkulan.
Sa magkaparehong bukas na primarya at pangkalahatang eleksyon, maaari ninyong iboto ang sinumang kandidato, anuman ang kinakatigang partido na tinukoy ninyo sa inyong form ng pagpaparehistro bilang botante. Sa primaryang eleksyon, ang dalawang kandidato na nakatanggap ng pinakamaraming boto—maging anuman ang kinakatigan nilang partido—ay magpapatuloy sa pangkalahatang eleksyon. Kahit pa makatanggap ng boto ng mayorya ang isang kandidato (hindi bababa sa 50% + 1), kailangan pa ring magsagawa ng pangkalahatang eleksyon.
Maaari pa ring tumakbo sa primaryang eleksyon ang mga isinusulat-lamang na kandidato para sa mga katungkulan na nominado ng botante. Subalit, maaari lamang magpatuloy sa pangkalahatang eleksyon ang isinusulat-lamang na kandidato kung ang nasabing kandidato ay isa sa dalawang kandidato na nakatanggap ng pinakamaraming boto sa primaryang eleksyon. Bukod pa rito, walang proseso ng independiyenteng nominasyon para sa isang pangkalahatang eleksyon.