Maaaring Nagbago na ang Inyong Pinagbobotohang Distrito!
Habang kayo’y naghahandang bumoto para sa Nobyembre 8, 2022, Pinagsamang Pangkalahatang Eleksyon, mangyaring tandaan na maaaring nagbago na ang isa o higit pa sa inyong pinagbobotohang mga distrito at/o presinto mula noong huli kayong bumoto, bilang resulta ng kamakailang redistricting o muling pagdidistrito. Muling pagdidstrito ang tawag sa kada-dekadang proseso kung saan ginagamit ng pang-estado at pampederal na mga komite ng muling pagdidistrito ang datos mula sa pederal na Senso upang gumuhit ng bagong mga mapa ng pinagbobotohang distrito para mapanatili ang pantay na dami ng tao sa bawat pinagbobotohang distrito.
Nagkabisa ang bagong mga mapang pampederal at pang-estado ng mga pinagbobotohang distrito ng Lungsod noong Hunyo 7, 2022 na Eleksyon at ang mga bagong mapa para sa BART at Superbisoryal na distrito ay magkakabisa naman sa Nobyembre 8, 2022 na Eleksyon.
Ang address ng inyong tirahan ang tutukoy kung saang pinagbobotohang mga distrito kayo nakatira, at sa mga labanan at kandidato na makikita ninyo sa inyong balota. Kung nagbago na ang inyong pinagbobotohang mga distrito, maaaring iba na ang makikita ninyong mga kandidato at labanan sa inyong balota kumpara sa dati.
Para matuto ng higit pa tungkol sa mga lokal na pagbabago na dulot ng muling pagdidistrito, may ilan kayong mga opsiyon:
1. I-check ang likod na pabalat ng pamplet na ito para malaman ang kasalukuyan ninyong pinagbobotohang distrito.
2. Suriin ang bagong mapa ng Superbisoryal na mga Distrito sa susunod na pahina nitong pamplet.
3. Tingnan sa sfelections.org/maps ang mga mapa na nagpapakita ng pagkakaiba sa pagitan ng “lumang” 2011 na mga pinagbotohang distrito sa “bagong” 2022 na mga pinagbobotohang distrito ng San Francisco.
4. Paghambingin ang inyong “lumang” 2011 na mga pinagbotohang distrito sa inyong “bagong” 2022 na mga pinagbobotohang distrito gamit ang online tool sa sfelections.org/myvotingdistrict.
5. Panoorin ang presentasyon na nagpapaliwanag ng kamakailang proseso ng muling pagdidistrito sa sfelections.org/newdistricts.
6. Sumangguni sa mga opisyal na abiso ng Departamento sa paksang ito, kabilang ang mga poster, flyer, at mga patalastas sa pahayagan, radyo, at TV na ipinakalat sa buong Lungsod.
7. Makipag-ugnayan sa Departamento ng mga Eleksyon para sa mga partikular na tanong.
Maaaring Nagbago na ang Inyong Lugar ng Botohan!
Alinsunod sa iniaatas ng batas ng estado, kinailangang ayusin ng Departamento ng mga Eleksyon ang mga hangganan ng mga pinagbobotohang presinto ng San Francisco upang umayon sa mga bagong iginuhit na mga hangganan ng distrito ng mga kinatawan. Ibig sabihin nito, maraming botante ang magkakaroon ng mga bagong presinto at bagong itinalagang lugar ng botohan sa Nobyembre 8 na Eleksyon.
Para mahanap ang address ng itinalaga para sa inyong lugar ng botohan, kasama ang impormasyon ukol sa aksesibilidad, mayroon kayong ilang opsiyon:
1. Sumangguni sa likod na pabalat ng pamplet na ito.
2. Pumunta sa sfelections.org/myvotinglocation.
3. Makipag-ugnayan sa Departamento ng mga Eleksyon.
Gaya sa anumang eleksyon, ang mga botante na mas gustong ibalik ang kanilang mga pakete ng balotang vote-by-mail sa isang lugar ng botohan, ay maaaring gawin ito sa anumang lokasyon. Para sa kompletong listahan ng lokasyon ng mga lugar ng botohan sa San Francisco, bumisita lamang sa sfelections.org/voteatyourpollingplace.