Katungkulan sa Lungsod at County ng San Francisco na Pagbobotohan sa Eleksyong Ito
Assessor-Recorder (Tagatasa-Tagatala)
Ang Assessor-Recorder ang nagdedesisyon kung aling ari-arian sa Lungsod at County ng San Francisco ang papatawan ng buwis sa ari-arian, at kung ano ang halaga ng ari-ariang iyon para sa layunin ng pagbabayad ng buwis. Apat na taon ang nakatakdang haba ng panahon ng panunungkulan at kasalukuyang may suweldo ang posisyon na $235,534 kada taon.
District Attorney (Abugado ng Distrito)
Ang District Attorney ang nag-uusig ng mga kasong kriminal para sa Lungsod at County ng San Francisco. Apat na taon ang nakatakdang haba ng panahon ng panunungkulan at kasalukuyang may suweldo ang posisyon na $331,032 kada taon. Nasa balota ang labanang ito dahil sa nangyaring pagkabakante noong 2022. Pipili ng kandidato ang mga botante sa eleksyong ito na magsisilbi hanggang sa simula ng susunod na termino sa Enero 2024 at makikitang muli ang labanang ito sa Nobyembre 2023 na balota.
Public Defender (Pampublikong Tagapagtanggol)
Ang Public Defender ang nagbibigay ng legal na representasyon sa mga taga-San Francisco na nakasuhan ng krimen at hindi kayang magbayad para sa kanilang sariling abugado. Ang termino sa panunungkulan ng Public Defender ay apat na taon at may kasalukuyang sahod na $271,102 kada taon.
Miyembro, Board of Supervisors (Lupon ng mga Superbisor)
Ang Board of Supervisors ang sangay sa pagbabatas ng pamahalaan ng Lungsod at County ng San Francisco. Nagsasabatas at nag-aapruba ang mga miyembro nito ng taunang budget para sa mga departamento ng Lungsod. Apat na taon ang takdang panahon ng panunungkulan para sa mga miyembro ng Board of Supervisors at $156,442 sa bawat taon ang suweldo nila. Mayroong labing-isang miyembro ang Board of Supervisors. Boboto ang mga botante sa Distrito 2, 4, 6, 8, at 10 para sa kanilang miyembro sa Board of Supervisors sa eleksyong ito.
Miyembro, Board of Education (Lupon ng Edukasyon)
Ang Board of Education ang may pitong miyembrong pamunuang entidad para sa San Francisco Unified School District (Pinagsama-samang Distritong Pampaaralan ng San Francisco). Pinamamahalaan nito ang kindergarten hanggang sa ika-labindalawang grado. Apat na taon ang takdang panahon ng panunungkulan para sa mga miyembro ng lupon at $6,000 sa bawat taon ang bayad sa kanila. Sa eleksyong ito, boboto ng tatlong miyembro ang mga botante.
Miyembro, Community College Board (Lupon ng Kolehiyo ng Komunidad)
Ang Community College Board ang may pitong miyembrong pamunuang entidad para sa San Francisco Community College District (Distrito ng Kolehiyo ng Komunidad ng San Francisco). Pinamamahalaan nito ang City College at ang ibang sentro ng pag-aaral para sa mga nasa hustong gulang. Apat na taon ang takdang panahon ng panunungkulan para sa mga miyembro ng lupong ito at $6,000 sa bawat taon ang bayad sa kanila. Sa eleksyong ito, boboto ng tatlong miyembro (buong termino) at isang miyembro (natitirang bahagi ng kasalukuyang termino) ang mga botante.