Dapat bang amyendahan ng Lungsod ang Tsarter upang mapahintulutan ang mga empleyado ng Lungsod, na nagretiro bago ang Nobyembre 6, 1996, na makatanggap ng karagdagang pera sa kanilang pensiyon at nang makaayon sa halaga ng pamumuhay, kahit na hindi lubusang napopondohan ang sistema para sa pagreretiro, at pahintulutan ang Retirement Board na magkaroon ng pang-indibidwal na kontrata sa pag-eempleyo sa ehekutibong direktor nito?
Buod ng Ballot Simplification Committee (Komite para Gawing mas Simple ang Balota)
Kung Ano Ito Ngayon: Nagkakaloob ang Lungsod sa mga empleyado nito ng benepisyo sa pensiyon sa pamamagitan ng San Francisco Employees’ Retirement System (Sistema sa Pagreretiro ng mga Empleyado sa San Francisco, SFERS). Sa eleksyon noong Nobyembre 6, 1996, inaprubahan ng mga botante ang cost of living adjustment (karagdagang pera at nang makaayon sa halaga ng pamumuhay, COLA) para sa mga retirado. Kuwalipikado ang mga empleyado ng lungsod na nagretiro bago ang Nobyembre 6, 1996 para sa karagdagang COLA na ito kung natutugunan ng pamumuhunan sa SFERS ang inaasahang porsiyento ng kita sa mga ito, at mababayaran ang lahat ng naipong benepisyo sa pensiyon, na utang sa mga retirado at empleyado ng Lungsod (lubusang napopondohan).
Pinangangasiwaan ang SFERS ng Retirement Board o Lupon para sa Pagreretiro (Board o Lupon) ng Lungsod, at ito ang nagtatalaga at nagtatanggal ng sariling ehekutibong direktor. Kapag nag-eempleyo ng ehekutibong direktor, hindi maaaring pumasok ang Lupon sa pang-indibidwal na kontrata sa empleyado. Sa halip, kailangang sundin ng Lupon ang mga patakaran sa pag-eempleyo ng serbisyo sibil ng Lungsod, na nililimitahan ang suweldo at benepisyo na maaaring ialok ng Lupon.
Ang Mungkahi: Gagawing kuwalipikado ng Proposisyon A ang mga empleyado ng Lungsod na nagretiro bago ang Nobyembre 6, 1996 para sa karagdagang COLA, kahit na hindi lubusang napopondohan ang SFERS. Sa mga taon na hindi napopondohan nang buo ang SFERS, limitado ang karagdagang COLA sa $200 kada buwan para sa mga retirado na may taunang pensiyon mula sa Lungsod na hihigit sa $50,000.
Pahihintulutan din ng Proposisyon A ang Lupon na pumasok sa pang-indibidwal na kontrata sa pag-eempleyo sa sinumang ehekutibong direktor na i-eempleyo sa Enero 1, 2023, o matapos ang petsang ito, nang hindi isinasaalang-alang ang suweldo, benepisyo, at iba pang limitasyon sa serbisyo sibil sa Lungsod.
Ang Ibig Sabihin ng Botong “OO”: Kapag bumoto kayo ng “oo,” gusto ninyong mapahintulutan ang mga empleyado ng Lungsod, na nagretiro bago ang Nobyembre 6, 1996, na makatanggap ng karagdagang pera sa kanilang pensiyon at nang makaayon sa halaga ng pamumuhay, kahit na hindi lubusang napopondohan ang sistema para sa pagreretiro, at pahintulutan ang Retirement Board na magkaroon ng pang-indibidwal na kontrata sa pag-eempleyo sa ehekutibong direktor nito.
Ang Ibig Sabihin ng Botong “HINDI”: Kapag bumoto kayo ng “hindi,” ayaw ninyong gawin ang mga pagbabagong ito.
Pahayag ng Controller (Tagapamahala ng Pinansiya) Tungkol sa "A"
Naglabas na ang Controller ng Lungsod na si Ben Rosenfield ng sumusunod na pahayag tungkol sa magiging epekto sa pinansiya ng Proposisyon A:
Sa aking opinyon, sakaling aprubahan ng mga botante ang iminumungkahing pag-amyenda sa Tsarter, magkakaroon ito ng malaking epekto sa gastos ng gobyerno. Batay sa kasalukuyang actuarial, o gamit ang mga istatistika, na mga ipinagpapalagay at polisiya ng Sistema ng Pagreretiro, magreresulta ang panukalang-batas sa inaasahang gastos ng Lungsod na humigit-kumulang $8 milyon taon-taon sa loob ng sampung taon, kung saan $5 milyon ang babayaran mula sa General Fund (Pangkalahatang Pondo).
Idinidikta ng kasalukuyang Tsarter na babayaran lamang ang bahagi ng karagdagang pera para makaayon sa halaga ng pamumuhay (COLA) sa mga miyembro ng San Francisco Employee Retirement System (SFERS), na nagretiro bago ang Nobyembre 1996, kung matutugunan ang ilang kondisyon at kung lubusang napopondohan ang sistema ng pagbibigay ng mga pensiyon. Tatanggalin ng mungkahing pag-amyenda sa Tsarter ang itinatakda na lubusang pagpopondo para sa mga miyembrong ito at sa kuwalipikado nilang mga naiwanan at benipisyaryo sa mga taon sa hinaharap. Bukod rito, tataasan ng panukalang-batas ang buwanang COLA sa pagsulong sa kinabukasan at nang maisaalang-alang ang nakaraang limang taon, kung saan nadagdag sana ang mga ito sa batayang bayad sa pensiyon ng mga miyembro, kundi lamang sa itinatakda na lubusang pagpopondo. Lilimitahan sa $200 kada buwan (o $2,400 taon-taon) ang anumang taunan na pag-aayon sa COLA na ipatutupad nang dahil sa panukalang-batas.
Pahihintulutan din ng pag-amyenda ang Retirement Board na pumasok sa pang-indibidwal na kontrata sa mga ehekutibong direktor ng SFERS na i-eempleyo sa Enero 1, 2023, o matapos ang petsang ito. Sa kasalukuyan, kailangang sundin ng Retirement Board ang mga patakarang itinakda ng Civil Service Commision (Komisyon sa Serbisyong Sibil), ng San Francisco Charter and Administrative Code (Tsarter at Kodigo sa Administrasyon ng San Francisco), at ng Memorandum of Understanding with the Municipal Executives Association (Tala ukol sa Pakikipagkasunduan sa Asosasyon ng mga Munisipal na Ehekutibo).
Kung Paano Napunta sa Balota ang "A"
Noong Hulyo 19, 2022, bumoto ang Board of Supervisors (Lupon ng mga Superbisor) ng 11 sa 0 upang mailagay ang Proposisyon A sa balota. Bumoto ang mga Superbisor ayon sa sumusunod:
Oo: Chan, Dorsey, Mandelman, Mar, Melgar, Peskin, Preston, Ronen, Safai, Stefani, Walton.
Hindi: Wala.
Kailangan ng panukalang-batas na ito ng 50%+1 botong oo para maipasa.