May Bayad na Argumento na LABAN sa Proposisyon C
Iminungkahi ni Aaron Peskin at 6 pang halal na opisyal ang pag-amyenda upang magkaroon ng “reporma sa pagre-recall,” at sa gayon, halos imposible nang ma-recall ang SINUMANG halal na opisyal sa San Francisco.
Ang napakaraming boto sa pag-rerecall kamakailan ng tatlong miyembro ng school board (lupon ng mga paaralan) -- na pinamunuan namin ni Siva --- ay hindi sana naging posible sa ilalim ng batas na ito.
Hubad na pang-aagaw ng kapangyarihan ang pag-amyendang ito sa tsarter na isinagawa ng mga politikong natatakot na pananagutin sila ng mga mamamayan ng San Francisco.
Bumoto ng HINDI sa Proposisyon C.
Sa ilalim ng kasalukuyang batas, maaaring pasimulan ang pagre-recall sa loob ng 3 taon mula sa 4-taong termino ng halal na opisyal.
Sa ilalim ng mungkahing pag-amyenda, praktikal LAMANG na magpasimula ng recall nang 8 buwan mula sa 4 taong termino.
Kung ipinatutupad na ang pag-amyenda, ang pagre-recall sa school board --- na nanalo sa pamamagitan ng napakaraming boto kung saan hanggang sa 76% ng mga botante ng SF ang sumuporta rito -- ay hindi sana napahintulutan. Hindi sana ninyo na-recall sina Komisyoner López, Collins o Moliga, kahit na lubusan silang bigo sa school board.
Bukod rito, maaari sanang tumakbo ang na-recall na mga miyembro ng school board sa eleksyon sa Nobyembre pero hindi makatatakbo ang bago pa lamang katatalaga na mga miyembro ng board. Itatanggi nito sa ating mga anak at sa pampaaralang distrito ang panatag na pamumuno na kailangan nila sa panahon ng krisis.
Mahalagang kasangkapan ang mga recall upang mapanatiling may pananagutan ang halal nating mga lider sa publiko na dapat nilang paglingkuran sa pagkakahalal. Lubusang bibihira ang mga ito (naganap ang huling matagumpay na pagre-recall sa kasaysayan ng SF mahigit 100 taon na ang nakalilipas)! Ang pagre-recall sa school board ang kauna-unahang recall na nasa balota ng San Francisco sa loob ng halos 40 taon.
Kung maipapasa ang pag-amyenda, gagawa ito ng malalaking restriksiyon sa NATATANGING kasangkapan na mayroon tayong mga mamamayan upang matanggal ang mga halal na opisyal na bigong magawa ang kanilang trabaho. Huwag itong hayaan na maipasa.
Bumoto ng HINDI sa Proposisyon C.
Autumn Looijen
Kasamang Pinuno, Recall SF School Board (I-recall ang Lupon ng mga Paaralan ng SF)
Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Recall School Board Members Lopez, Collins & Moliga.
Ang tatlong pinakamalalaking nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee (komite na tumatanggap mula sa tunay na pinagmulan ng pondo): 1. David Sacks, 2. Arthur Rock, 3. Garry Tan.
May Bayad na Argumento na LABAN sa Proposisyon C
BUMOTO NG HINDI SA PROPOSISYON C!
Ipinatupad ng San Francisco ang proseso ng pagre-recall noong 1907 bilang Progresibong mekanismo sa pagrereporma, at nang mapanagot ang mga lokal na politiko. Ang kahalagahan ng recall ay ang pagbibigay nito ng kapangyarihan sa mga botante na tanggalin ang mga halal na opisyal bago matapos ang kanilang mga termino.
Dinisenyo na maging mahirap pasimulan ang mekanismo para sa recall at nang sa gayon, matatanggal lamang ang mga halal na opisyal bilang resulta ng matinding kawalan ng kasiyahan ng mga botante.
Magmula noong 1907, nagkaroon lamang ng anim na pagkakataon kung saan naging kuwalipikado ang recall sa balota.
Ang unang matagumpay na recall sa loob ng 100 taon ay ang naganap kamakailan na pagboto ng napakarami para sa pagre-recall sa tatlong komisyoner ng school board.
Mataas ang kailangang maabot na pamantayan upang magtagumpay sa kasalukuyang proseso ng pagre-recall. Bihira itong ginagamit at sinasalamin nito ang kagustuhan ng mga botante ng San Francisco.
Ang mungkahing pag-amyenda sa tsarter ay pagsubok ng kasalukuyang mga halal na opisyal na bawasan ang kapangyarihan ng mga botante. Kapag ipinatupad ito, poprotektahan nito ang mga halal na opisyal sa kasalukuyan at sa hinaharap mula sa pag-rerecall sa loob ng 42 buwan mula sa 48 buwang termino.
Bukod rito, sa pamamagitan ng hindi pagpapahintulot sa itinalaga na tumakbo para sa katungkulan sa susunod na eleksyon, pababain nito ang naitalaga sa katayuang lame duck (hindi makatatakbo sa susunod na eleksyon), kung kaya’t hindi mahihikayat ang kuwalipikadong mga kandidato at mapipigil ang pagkakaroon ng pananagutan.
Huwag hayaan ang Board of Supervisors na kunin mula sa inyo ang inyong boto. Ang proseso ng pagre-recall ang ating huling proteksiyon laban sa mga politiko na garapalang ipinagwawalang-bahala ang kagustuhan ng mga mamamayan.
Bumoto ng HINDI sa Proposisyon C.
Families for San Francisco (Mga Pamilya para sa San Francisco)
familiesforsanfrancisco.com
Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Families for San Francisco.
May Bayad na Argumento na LABAN sa Proposisyon C
Protektahan ang demokrasya. Bumoto ng Hindi sa Proposisyon C.
Sa parehong araw ng makasaysayang pagboto para sa pagre-recall ng tatlong miyembro ng School Board, sinalungat ng ating mga Superbisor ang halos 80% ng mga taga-San Francisco na bumoto para sa recall, sa pamamagitan ng paglalagay sa Proposisyon C sa balota. Nililimitahan ng Proposisyon C ang ating demokratikong karapatan na i-recall ang iresponsableng mga halal na opisyal at binibigyan ng prayoridad ang mga insider at kasalukuyang nasa puwesto sa halip na ang mga botante.
Bihirang gamitin ang mga recall pero mahalagang bahagi ito ng boses ng mga mamamayan sa isang demokrasya. Ang recall sa School Board ang unang matagumpay na pagre-recall sa loob ng 110 taon. Noon pang 1983 ang huling pagsubok na makapag-recall. Malayo namang “free-for-all o sitwasyong wala nang kaayusan” ito. Gayon pa man, poproktektahan ng pag-amyenda sa tsarter na ito, na iniharap ni Superbisor Peskin, at sinuportahan ng mga Superbisor na sina Haney, Mar, Preston, Ronen at Walton, ang iresponsableng nasa katungkulan mula sa pagre-recall sa loob ng mahigit sa kalahati sa termio ng kanilang panunungkulan, at ipagbabawal sa kanilang kapalit ang pagtakbo sa susunod na eleksyon.
Pahahabain ng Proposisyon C ang kaguluhan sa opisina ng Abugado ng Distrito o District Attorney. Hindi na tayo makaboboto ukol sa ipinalit ng Mayor, at hindi na makatatakbo ang kapalit na ito upang makapaglingkod sa natitirang bahagi ng termino. Kapag isinaayos ng itinalaga ang mga problema na iniwan ng na-recall na dating nasa katungkulan, at aprubado ng mga botante ang itinalagang ito at gustong magpatuloy siya, kukuhanin ng Proposisyon C ang karapatang ito mula sa mga botante, sa itinalaga, at sa mayor.
Nakabatay ang Proposisyon C sa kawalang-tiwala o takot na hindi alam ng mga botante ang pagkakaiba sa pagitan ng mga halal na opisyal na gusto nilang i-recall at sa mga ayaw nilang i-recall. Alam natin ang pagkakaiba, at alam natin na hindi demokrasya ang pagkuha sa karapatan sa pagboto nang dahil lamang ginagamit ito ng mga mamamayan.
Protektahan ang taumbayan, hindi ang mga politiko. Bumoto ng Hindi sa Proposisyon C!
John Trasviña
Marie Hurabiell, SOAR-D1
Martha Conte, D2Unite
Julie Paul, D2Unite
Paulina Fayer, activ8sf
Laurance Lee, activ8sf
Simon Timony, Advocates11 (Mga Nag-aadbokasiya 11)
Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Edwin M Lee Asian Pacific Democratic Club (Edwin M Lee na Asyano Pasipiko na Samahang Demokratiko) PAC, na itinataguyod ng Neighbors for a Better San Francisco Advocacy (Adbokasiya ng mga Magkakapitbahay para sa mas Magandang San Francisco).
Ang tanging nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: San Francisco Association of Realtors (Asosasyon ng Realtors sa San Francisco).
May Bayad na Argumento na LABAN sa Proposisyon C
Dapat ikagalit ng bawat botante ng San Francisco na sinusubukan ng sandakot na halal nating opisyal ang paglilimita sa kakayahan ng publiko na papanagutin ang mga lider ng City Hall. Ito mismo ang iminumungkahi ng Board of Supervisors: na labis na pigilan ang panahon ng pagkakaroon ng oportunidad ng publiko upang demokratikong magsagawa ng recall, kung kaya’t hindi na ito maisasagawa, at dagdag pa rito - kapag nagtagumpay ang pagre-recall -- ay pigilan, matapos nito, ang indibidwal na itinalagang kapalit sa pagtakbo bilang kandidato sa susunod na naka-iskedyul na eleksyon.
Literal na kailangan ng sampu-sampung libong botante upang mapasimulan ang pagsusumikap para sa pagre-recall, kung saan nangongolekta ng mga lagda upang maging kuwalipikado ang petisyon kapag lumampas na sa linya, o sumobra na, ang halal na opisyal ng lungsod at karapat-dapat nang ma-recall. Bihirang-bihira ito. Napakahalagang opsiyon ito na huling maaaring magawa. Ginagarantiya ng ating konstitusyon ng California ang mga recall bilang bahagi ng malusog na demokrasya. Mabisa itong solusyon na tulad ng impeachment o pagpapatalsik sa katungkulan, at nang matanggal ang lubos na walang kakayahan, iskandaloso, at nasusuhulang mga opisyal.
Huwag hayaan ang mga radikal na nasa city hall na itulak ang walang katotohanang mga naratibo ukol sa mga pagre-recall sa pag-asang mapagtatakpan ang sarili nilang katiwalian (o ang katiwalian ng kanilang mga kasamahan) at nang makaiwas sa pananagutan.
Mariing bumoto ng HINDI sa Proposisyon C, na babawasan ang takdang panahon para sa proseso ng pagre-recall at ipagbabawal ang karapatan ng susunod na itatalaga sa pagtakbo bilang kandidato sa kinabukasan.
Richie Greenberg,Tagapangulo
YES on Recall Chesa Boudin Committee (Komite para sa Pag-OO sa Recall ni Chesa Boudin)
RecallChesaBoudin.org
Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: YES on Recall Chesa Boudin Committee.
Ang tatlong pinakamalalaking nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: 1. David Sacks, 2. Daniel o'Keefe, 3. Linn Yeaser Coonan.
May Bayad na Argumento na LABAN sa Proposisyon C
Lubusang batid ng mundo ang napakapangwawasak na epekto ng ating mga pampublikong opisyal sa San Francisco. Panahon na upang lumikha ng malusog na lungsod, na magsisimula sa pagprotekta sa demokratiko at ginagarantiyahan ng konstitusyon na karapatan na mag-recall ng mga opisyal na umaabuso sa kanilang kapangyarihan, at papanagutin ang mga naniniwala na maaari nilang magawa ang anumang gustuhin nila kapag nagkaroon na ng katungkulan.
Gusto ni Aaron Peskin, ang superbisor ng lungsod na nag-awtor sa Proposisyon C, na mabigyan ng eksempsiyon ang sarili - at ang kapwa niya burukrata - mula sa mga kahahantungan kapag nabigo sila at napinsala ang ating komunidad. Hindi natin matatanggap ang pagkilos na ito tungo sa despotismo o lubos na kapangyarihan. Tumindig laban sa mga burukrata at bumoto ng HINDI.
Magkakaroon ang Proposisyon C ng kahindik-hindik na kahihinatnan para sa mga taga-San Francisco, na malalim ang pagmamalasakit sa lahat ng nakatira, nagtatrabaho, at bumibisita rito. Kailangang may boses tayo palagi sa paraan ng pamamahala sa ating lungsod. Napatalsik kamakailan ang tatlong walang dangal na miyembro ng School Board, na nagdulot ng pinsala sa ating sistema, sa pamamagitan ng recall kung saan napakaraming bumoto. Pag-unlad ito. Gayon pa man, mapanganib, nanggigitata, at nakapanlulumo pa rin ang mga eksenang isinasadula sa mga kalye ng San Francisco, na direktang resulta ng masasamang polisiya at hindi mahusay na pamumuno. Kailangang papanagutin ang mga responsableng opisyal, at upang matiyak ito, kailangan natin ang ating karapatan na i-recall sila kapag napatunayan na lalo nang malinaw ang mga pagkakamali.
Ngayon, napakaraming bilang ng mga taga-San Francisco ang gusto nang matanggal sa katungkulan ang abugado ng distrito na si Chesa Boudin bago siya makagawa ng mas malaking pinsala. Nangako si Boudin sa mga botante na lilikha siya ng mas ligtas na lungsod para sa lahat. Sa halip, dumami ang kaguluhan at krimen; binali niya ang pangako at nagkaroon ng nakapangwawasak na mga resulta. Naaangkop na aksiyon ang pagre-recall sa kanya. Kapag naging matagumpay ang pagre-recall sa kanya, magtatalaga si Mayor London Breed ng pansamantalang abugado ng distrito; ngunit kung maipapasa ang Proposisyon C, hindi magkakaroon ng kakayahan ang pansamantalang kapalit na makatakbo sa susunod na eleksyon.
Para sa mga dahilang ito, bumoto ng HINDI sa Proposisyon C.
Erica Sandberg
RecallChesaBoudin.org
Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: YES on Recall Chesa Boudin Committee.
Ang tatlong pinakamalalaking nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: 1. David Sacks, 2. Daniel o'Keefe, 3. Linn Yeaser Coonan.
May Bayad na Argumento na LABAN sa Proposisyon C
Bumoto ng HINDI sa Proposisyon C...
Panatilihin ang Demokratikong Karapatan sa Pagre-recall.
Kapag nananalo ang politiko sa eleksyon, hindi ito pagkakaroon ng “seguridad ng trabaho” para sa buong termino ng katungkulan. Depende sa trabaho, maaaring mapuna, ma-impeach o mapatalsik, ma-recall, matanggal, o maisakdal ng kasong kriminal ang politiko.
Ang pagre-recall ay sagradong karapatan ng botante sa ilalim ng batas ng California. Inabuso ng Board of Supervisors ang mga pamamaraan ng paglusot upang matanggal sa mga taga-San Francisco ang kanilang mga karapatan.
Ang Pag-amyenda sa Tsarter na ito ay paglilihis upang ma-neuter o mapawalang-saysay ang Pagre-recall sa Abugado ng Distrito Chesa Boudin. Kapag naipasa ang Proposisyon C, ang kapalit ng Abugado ng Distrito —na itinalaga ng Mayor — ay hindi makatatakbo para muling pagkakahalal sa sa susunod na taon. Sa madaling salita, kailangang mag-empleyo ang Mayor ng “temp o pansamantalang kapalit,” at hindi ito ang pinakakuwalipikadong indibidwal para maging D.A.
(Dinaranas na ng San Francisco ang problemang ito.)
Kung ipinapatupad na noon ang Proposisyon C, napigilan sana nito ang Recall mula sa School Board nina Collins, López at Moliga, dahil ginagawa nitong kalahati lamang ang buwan para sa pag-oorganisa at pag-iiskedyul ng recall.
Ang mga bagong itinalaga ni Mayor Breed sa School Board — na sina Ann Hsu, Lainie Motamedi at Lisa Weissman-Ward — ay naging mga “temp o pansamantalang kapalit” lamang sana na hindi kuwalipikado sa muling pagtakbo, dahil ipinagbabawal ito ng Proposisyon C.
Sa katunayan, hindi magkakaroon ng kapangyarihan ang Mayor para sa pagtatalaga sa katungkulan! Sa ilalim ng Proposisyon C, ang iba pang miyembro ng School Board ang pipili ng mga kapalit — kasama na ang mga komisyoner na bumoto kasama nina Collins, López at Moliga upang wakasan ang nakabatay sa kahusayan na pagtanggap ng mga estudyante sa Lowell, pagpapalit ng pangalan sa mga paaralan, pagpapatong ng pintura sa mga mural, at pagpapanatiling sarado ng mga paaralan.
Tandaan, ginusto ng mga nag-oorganisa ng recall na magtanggal ng mas maraming miyembro ng School Board pero hindi nila nagawa ito nang dahil sa mga limitasyon sa petsa. Gagawing mas malala ng Proposisyon C ang mga restriksiyon na ito.
Bukod rito, sa ilalim ng Proposisyon C, kapag nag-recall ng Superbisor ang mga botante, ang Board of Supervisors ang magtatalaga ng kapalit.
Bumoto ng HINDI sa Proposisyon C.
Larry Marso
Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: YES on Recall Chesa Boudin Committee.
Ang tatlong pinakamalalaking nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: 1. David Sacks, 2. Daniel o'Keefe, 3. Linn Yeaser Coonan.
May Bayad na Argumento na LABAN sa Proposisyon C
Alam na alam nang mahirap maging kuwalipikado para sa balota ang proposisyon sa pagre-recall sa San Francisco, at maraming pagsusumikap ang hindi nagtatagumpay. Gayon pa man, sa miminsang dakilang panahon, sapat na bilang ng mga taga-San Francisco ang nagpapasyang punong-puno na sila sa politiko, kung kaya’t pumipirma sila sa mga petisyon at bumoboto para sa pagre-recall. Tungkol diyan ang mga eleksyon para sa recall - pangkaligtasang bagay ito na nagpapahintulot na kunin ng mga mamamayan ang kapangyarihan mula sa mga halal na opisyal na inaabuso ito o mali ang paggamit dito. Sila ang demokrasya sa pinakapurong anyo nito.
Gayon pa man, hangad ng Proposisyon C na itigil ito sa pamamagitan ng pagsasara sa takdang panahon ng pagkakaroon ng oportunidad sa pagitan ng pagpapasimula at pagsasara ng recall, kung kaya’t magiging imposible ang mga recall sa hinaharap. At hindi nagtatapos diyan ang mga ideyang laban sa demokrasya. Hangad din ng Proposisyon C na pigilan ang posibleng mahuhusay na humahawak ng pansamantalang katungkulan sa pagtakbo para sa gayon ding katungkulan sa susunod na eleksyon — kahit na popular sila sa mga mamamayan ng San Francisco.
Ang Proposisyon C, na iminungkahi ng miyembro ng Board of Supervisors, at sinuportahan ng lima pang miyembro, ang pagtatangka ng Board na agawin ang kapangyarihan, hindi lamang mula sa Mayor, kundi mula sa bumobotong publiko ng San Francisco. Huwag magpaloko sa hubad na pang-aagaw na ito ng kapangyarihan. Bumoto para sa demokrasya sa pamamagitan ng pagboto ng HINDI sa Proposisyon C.
Zach Georgopoulos
Abugado
RecallChesaBoudin.org
Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: YES on Recall Chesa Boudin Committee.
Ang tatlong pinakamalalaking nagbigay ng kontribusyon sa true source recipient committee: 1. David Sacks, 2. Daniel o'Keefe, 3. Linn Yeaser Coonan.
May Bayad na Argumento na LABAN sa Proposisyon C
Mga botante, huwag na ninyong ipamigay pa ang iba pa ninyong kapangyarihan. Lubusang lilimitahan ng Proposisyon C ang takdang panahon ng pagre-recall sa walang kakayahan na pampublikong opisyal. Nagdulot na ng nerbisyos ang matatagumpay na pagre-recall kamakailan sa ilang indibidwal na nasa gobyerno. Panatilihing may pananagutan ang mga politiko sa mga botante at panatilihin ang inyong karapatan na bumoto para sa mga itinatalaga na nagagawa ang trabaho. Bumoto ng HINDI.
San Francisco Republican Party (Partido Republikano ng San Francisco)
John Dennis
Tagapangulo
Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: San Francisco Republican Party.
May Bayad na Argumento na LABAN sa Proposisyon C
-BUMOTO NG HINDI SA PROP C! Cockamamie o walang saysay ito!
Sa unang pagkakataon sa halos apat na dekada, nagsama-sama ang mga mamamayan na makatarungan kung mag-isip, at pinatalsik nila ang walang kakayahan na halal na mga opisyal ng school board, at hangad nilang ganito rin ang gawin sa Abugado ng Distrito Chesa Boudin dahil hindi niya ginagawa ang kanyang trabaho!
Ngayon ay gumaganti ng bala ang City Hall!
Ang Prop C ay hindi demokratiko, hindi kinakailangan, at walang kabuluhang panukalang-batas na karapat-dapat para sa botong HINDI.
Nagpapanggap ito bilang usapin ng mabuting pamamahala at nauukol sa nagbabayad ng buwis, at nakikialam si Superbisor Peskin sa mga pamantayang itinakda ng Konstitusyon ng ating estado, na napaglingkuran na ang ating Tsarter na Lungsod sa loob ng 150 taon.
Lubusang panlilinglang ito, na dinisenyo upang mapanatili ang uri ng mga politiko na malaya sa pananagutan, at sa lakas ng mga naghahalal - tayo.
Sa ilalim ng kasalukuyang batas, maaaring ma-recall ang sinumang halal na opisyal matapos ang 6 buwan. Dinodoble ng Prop C ang panahong ito tungo sa 12 buwan bilang panahon na malaya ang mga opisyal na ito mula sa pagre-recall sa pagsisimula ng kanilang termino, at nagdaragdag ng bagong takdang panahon na 18 buwan, kung saan mayroon din silang eksempsiyon!
Hindi nakatali ang ikalawang “ligtas na espasyo” sa pagtatapos ng kanilang apat-na-taong termino, kundi sa “regular na nakatakdang eleksyon,” na halos palagi nang mas maiksi sa dalawang taon sa hinaharap. Kung gayon, sa loob ng 42 buwan mula sa kanilang 48-buwang termino, malaya sila mula sa pagre-recall!! Sa madaling salita, kahit pa nahaharap tayo sa napakalaking kawalan ng kasiyahan sa miyembro ng Board of Supervisors, Board of Education (Lupon ng Edukasyon), City College Board (Lupon ng Kolehiyo ng Lungsod), o sa maling pag-asal nito, o halos palagi na lang “masyadong maaga” o “masyado nang huli” para maghangad ang mga botante ng pagre-recall, maliban na lamang sa maiksing anim na buwang pagkakataon tuwing apat na taon.
Kailangang tawagin ang Prop A na Political Class Protection Act (Batas para sa Pagbibigay Proteksiyon sa Politikong Uri) - BUMOTO NG HINDI!
San Francisco Taxpayer's Association (Asosasyon ng mga Nagbabayad ng Buwis sa San Francisco)
Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Quentin L. Kopp.
May Bayad na Argumento na LABAN sa Proposisyon C
BUMOTO NG HINDI SA PROP C
Kilala na ang Board of Supervisors sa pagsuporta sa demokratikong mga kilusan sa buong mundo, pero nang ginamit ng mga botante ng San Francisco ang isang siglo na ang tanda na awtoridad mula sa konstitusyon upang ma-recall ang tatlong nagkamaling miyembro ng School Board, nagsama-sama ang tatlong Superbisor ding ito upang pigilan tayo. Kung ginawa ito sa lehislatura ng Senado sa Katimugan o Republikano, tatawagin na itong panunupil sa mga botante.
Sa San Francisco, tinatawag itong Peskin Charter Amendment (Peskin na Pag-amyenda sa Tsarter) o Proposisyon C. Tinatawag ko itong Incumbent Protection Act (Batas para sa Pagbibigay ng Proteksiyon sa Kasalukuyang Nanunungkulan) at dapat ay magsabi tayong lahat ng Hindi.
Bukod kay Hukom Charles Weller noong 1913 at kay Senador Edwin Grant noong 1914, hindi pa nakapagre-recall ang San Francisco ng mga lokal na pampublikong opisyal. At hindi pa tayo nakakakita ng pagboto para sa recall magmula noong 1983 laban sa Mayor noon na si Dianne Feinstein. Gayon nga ang nangyari, hanggang sa pagre-recall sa School Board noong Pebrero. Ang pagtugon ng napakaraming botante sa maling paggasta at labag sa batas na aksiyon ng School Board (pagwawakas sa akademikong mga pagtanggap sa Lowell; pagpapalit ng pangalan ng 44 paaralan, at iba pa) ay labis-labis na para sa Board of Supervisors na ito.
Sa mismong araw na bumoto para sa recall ang 75% ng mga botante sa distrito ni Superbisor Peskin at 81% sa distrito ni Superbisor Mar, inilagay ng mga Superbisor na ito at ng ibang Superbisor ang Proposisyon C sa balota upang tanggalin ang ating karapatan sa pagre-recall. Tinawag na ng mga organisasyon sa kabuuang hanay ng politika ang proseso ng pagre-recall bilang mahalagang bahagi ng ating sistema ng eleksyon. Tinitiyak nito na napananagot ang mga pampublikong opisyal. Inilantad ng mga katunggali ang kanilang pagdusta sa demokratikong proseso.
Pangwakas, pinahihintulutan ng Proposisyon C ang mga na-recall nang opisyal na agad na tumakbong muli para sa parehong katungkulan pero ipinagbabawal ang pagtakbo sa pumalit sa kanya upang malinis ag kanyang kalat. Maaaring mas mahusay o hindi mas mahusay ang kapalit. Gayon pa man, kinukuha ng Proposisyon C ang ating karapatan na gawin ang pagpapasyang ito.
Binibigyan ng Proposisyon C ng higit na proteksiyon ang bigong mga kasalukuyang nanunungkulan kaysa sa ating mga karapatan sa pagboto.
Bumoto ng Hindi sa Proposisyon C!
Hukom Quentin L. Kopp (Ret.)
Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: Quentin L. Kopp.
May Bayad na Argumento na LABAN sa Proposisyon C
Mangyaring bumoto ng HINDI sa Proposisyon C.
Lilimitahan ng Proposisyon C ang panahon kung kailan matatanggal ng mga botante ang mga halal na lokal na opisyal na hindi na pinagkakatiwalaan ng publiko. Bibihirang gamitin ang mga recall at hindi na kailangang amyendahan ang Tsarter para dito.
Mahalaga sa ating demokrasya ang kapangyarihan ng mga tao na maghalal at mag-recall ng lokal na mga opisyal. Bagamat sinusubukan nating maghalal ng pinakakuwalipikadong kandidato sa lokal na mga eleksyon, umaaksiyon kung minsan ang mga opisyal sa paraang hindi ilegal, ngunit nagbubunsod ng mga pagsusumikap na tanggalin sila mula sa katungkulan. Ganyan ang pagre-recall.
Nagkaroon na ng ilang eleksyon sa pagre-recall kamakailan, kapwa sa lokal at sa kabuuan ng estado, pero hindi ito permanenteng problema na nangangailangan ng radikal na lokal na solusyon. Maaari nang pasimulan ngayon ang recall matapos maglingkod sa katungkulan ang lokal na opisyal sa loob ng anim na buwan, at hanggang sa anim na buwan bago magtapos ang kanyang termino. Epektibong kasangkapan ang tatlong taon na takdang panahon sa loob ng terminong apat na taon, kung kakailanganin ito.
Babawasan ito ng Proposisyon C tungo sa lampas lamang nang kaunti sa isang taon, at gagawing mas mahirap ang pagtatanggal sa katungkulan ng lokal na mga halal na opisyal sa pamamagitan ng pagre-recall.
Babaguhin din nito ang paraan ng pagpupuno sa mga bakanteng posisyon matapos ang matagumpay na lokal na pagre-recall. Batayang kapangyarihan ng Mayor na magtalaga ng mga indibidwal sa katungkulan at posisyon, kasama na ang pagpuno sa mga bakanteng posisyon. Isa iyan sa mga dahilan kung bakit naghahalal tayo ng Mayor, at bagay na dapat isaalang-alang sa mga kandidato para sa pagka-Mayor.
Maayos ang proseso na ito para sa mga lokal na pagre-recall at pagpuno sa mga bakanteng posisyon. Walang magandang dahilan para sa pagbabagong ito.
Mangyaring bumoto ng HINDI sa Proposisyon C. Salamat po.
David Pilpel
Ang totoong (mga) pinagmulan ng pondo para sa bayad sa pagpapalimbag ng argumentong ito: David Pilpel.