Dapat bang amyendahan ng Lungsod ang Tsarter upang makapagtatag ng Homelessness Oversight Commission at nang mapangasiwaan ang Department of Homelessness and Supportive Housing, at itakda sa Controller ng Lungsod na magsagawa ng pag-o-audit ng mga serbisyo para sa mga indibidwal na nakararanas ng kawalan ng tahanan?
Buod ng Ballot Simplification Committee (Komite para Gawing mas Simple ang Balota)
Kung Ano Ito Ngayon: Noong 2016, itinatag ng Lungsod ang Department of Homelessness and Supportive Housing o Departamento para sa Kawalan ng Tahanan at Pabahay na Nagbibigay ng Suporta (ang Department o Departamento). Ang Departamento ang namamahala at nagkakaloob ng direksiyon sa pabahay, mga programa, at serbisyo para sa mga indibidwal na nakararanas ng kawalan ng tahanan, kasama na ang pag-abot sa mas nakararami na nasa kalye, mga shelter o masisilungan para sa walang tahanan, transisyonal na pabahay, at permanenteng pabahay na nagbibigay ng suporta.
Ang mayor ang nagtatalaga at maaari ding magtanggal ng direktor ng Departamento. Hindi itinatakda ng Tsarter ng Lungsod ang pag-o-audit sa mga serbisyo para sa kawalan ng tahanan at hindi pinangangasiwaan ng isang komisyon ng Lungsod ang Departamento.
Gumagawa ng mga rekomendasyon ang Local Homeless Coordinating Board (Lokal na Tagapag-ugnay na Lupon para sa Walang Tahanan) ng Lungsod at ang iba pang tagapayong pangkat ukol sa polisiya sa kawalan ng tahanan at mga alokasyon sa badyet. Ang mayor, ang Board of Supervisors o Lupon ng mga Superbisor (ang Board o Lupon) at ang controller (tagapamahala ng pinansiya) ang nagtatalaga ng mga miyembro sa mga tagapayong pangkat.
Ang Mungkahi: Lilikha ang Proposisyon C ng Homelessness Oversight Commission o Komisyon para sa Pangangasiwa sa Kawalan ng Tahanan (ang Commission o Komisyon) upang pangasiwaan ang Department.
Magkakaroon ng pitong miyembro ang Komisyon na maglilingkod sa loob ng tig-aapat na taong termino. Magtatalaga ang mayor ng apat na miyembro, at magtatalaga ang Board of Supervisors ng tatlo. Kailangang maaprubahan muna ng Lupon ang mga itatalaga ng mayor.
Kailangang magkaroon ng mga sumusunod na kuwalipikasyon ang apat na itatalaga ng mayor:
• isang katungkulan na para sa indibidwal na nakaranas na ng kawalan ng tahanan;
• isang katungkulan na para sa indibidwal na marami nang karanasan sa pagkakaloob ng mga serbisyo sa mga indibidwal na nakararanas ng kawalan ng tahanan, o nakalahok na sa pag-aadbokasiya sa kanilang ngalan;
• isang katungkulan para sa indibidwal na may kahusayan sa pagkakaloob ng mga serbisyo para sa kalusugan ng isip o paggamot sa pang-aabuso sa alak, droga, o iba pang sangkap; at
• isang katungkulan para sa indibidwal na nakalahok na sa asosasyon ng mga negosyante o maliliit na negosyo, o sa asosasyong pangkomunidad.
Bukod sa mga kuwalipikasyong ito, kailangang isa o higit pa sa mga itinalaga ng mayor ang may karanasan sa pagbabadyet, pinansiya, at pag-o-audit.
Kailangang magkaroon ng mga sumusunod na kuwalipikasyon ang apat na itatalaga ng Board:
• isang katungkulan na para sa indibidwal na personal na nakaranas na ng kawalan ng tahanan;
• isang katungkulan para sa indibidwal na marami nang karanasan sa pakikipagtrabaho sa mga pamilyang walang tahanan at may mga anak o walang tahanang kabataan; at
• isang katungkulan na para sa indibidwal na marami nang karanasan sa pagkakaloob ng mga serbisyo sa mga indibidwal na nakararanas ng kawalan ng tahanan, o sa pag-aadbokasiya sa kanilang ngalan.
Itatakda ng Proposisyon C sa controller ng Lungsod na magsagawa ng pag-o-audit ng mga serbisyong kaugnay ng kawalan ng tahanan.
Ang Ibig Sabihin ng Botong “OO”: Kapag bumoto kayo ng “oo,” gusto ninyong makapagtatag ng Homelessness Oversight Commission at nang mapangasiwaan ang Department of Homelessness and Supportive Housing at itakda sa controller ng Lungsod na magsagawa ng pag-o-audit ng mga serbisyo para sa mga indibidwal na nakararanas ng kawalan ng tahanan.
Ang Ibig Sabihin ng Botong “HINDI”: Kapag bumoto kayo ng “hindi,” ayaw ninyong gawin ang mga pagbabagong ito.
Pahayag ng Controller (Tagapamahala ng Pinansiya) Tungkol sa "C"
Naglabas na ang Controller ng Lungsod na si Ben Rosenfield ng sumusunod na pahayag tungkol sa magiging epekto sa pinansiya ng Proposisyon C:
Sa aking opinyon, sakaling aprubahan ng mga botante ang iminumungkahing pag-amyenda sa Tsarter, magkakaroon ito ng kakaunting epekto sa gastos ng gobyerno.
Lilikha ang mungkahing pag-amyenda sa Tsarter ng Homelessness Oversight Commission upang mapangasiwaan ang Department of Homelessness and Supportive Housing (HSH). Magtatalaga ang Komisyon ng mga miyembro ng Local Homeless Coordinating Board at Shelter Monitoring Committee (Tagasubaybay na Komite sa mga Masisilungan). Ang Oversight Committee (Tagapangasiwang Komite) ng Our City, Our Home (Ang Ating Lungsod, Ang Ating Tahanan) ang magpapayo sa Komisyon ukol sa pamamahala ng pondo ng Our City, Our Home.
Kasama sa mga tungkulin ng Komisyon ang pagrerepaso at pag-aapruba sa badyet ng HSH, pagbuo ng mga tunguhing naaayon sa mga layunin ng Lungsod at ng County, at pagdaraos ng mga pagdinig at pagkuha ng mga testimonya. Maaaring magsagawa ang Komisyon ng pampublikong edukasyon at pag-abot sa nakararami ukol sa mga programa at usaping kaugnay ng kawalan ng tahanan. Ang taunang suweldo at gastos para sa mga operasyon ng Komisyon ay humigit-kumulang $350,000.
Tutukuyin ng mungkahing pag-amyenda sa Tsarter na kailangang mai-audit ng Controller ang mga serbisyong may kaugnayan sa kawalan ng tahanan. Tandaan na papalitan ng mungkahing pag-amyenda ang mga tungkulin ng Controller’s Office (Opisina ng Tagapamahala ng Pinansiya), na siyang naghanda ng pahayag na ito.
Kung Paano Napunta sa Balota ang "C"
Noong Hulyo 19, 2022, bumoto ang Board of Supervisors ng 11 sa 0 upang mailagay ang Proposisyon C sa balota. Bumoto ang mga Superbisor ayon sa sumusunod:
Oo: Chan, Dorsey, Mandelman, Mar, Melgar, Peskin, Preston, Ronen, Safai, Stefani, Walton.
Hindi: Wala.
Kailangan ng panukalang-batas na ito ng 50%+1 botong oo para maipasa.