Accessible na Pagboto at mga Serbisyo
Nagbibigay ang Departamento ng mga Eleksyon ng iba’t ibang accessible na programa at mga serbisyo upang makatulong sa mga botante na bumoto nang pribado at independiyente.
Accessible na mga Materyales para sa Eleksyon
Makukuha ang Pamplet ng Impormasyon para sa Botante (VIP) sa mga sumusunod na accessible na format:
• Sa sfelections.org sa format na PDF, HTML, at XML.
• Large print (malaki ang pagkakaimprenta).
Para humiling ng accessible na format ng VIP, tumawag sa Departamento ng mga Eleksyon sa (415) 554-4310.
Accessible na Sistemang Vote-By-Mail
Nagpapahintulot ang Accessible na Sistemang Vote-by-Mail (AVBM) sa sinumang botante na markahan ang online na balotang nababasa sa screen. Akma rin ito sa mga personal na aparatong may teknolohiyang nakatutulong, tulad ng head-pointer at sip-and-puff. Upang ma-access ang Sistemang AVBM, bumisita sa sfelections.org/access. Bukas ang sistemang AVBM mula Oktubre 10, 2022 hanggang 8:00 p.m. sa Araw ng Eleksyon, Nobyembre 8, 2022.
Para sa mga dahilan na panseguridad, hindi nag-iimbak o nagpapadala ng mga boto ang sistemang AVBM sa internet. Pagkatapos markahan ang AVBM na balota, kailangang i-print at ibalik ng botante ang balota nang personal o sa pamamagitan ng koreo.
Ballot-Marking Devices (Mga Aparatong Pang-Marka ng Balota)
Mayroong mga accessible na ballot-marking device ang lahat ng lokasyon kung saan maaaring bumoto nang personal. Dahil hindi nagbibilang ng boto ang ballot-marking device, kailangang i-print ng botante ang papel na balota at i-scan ito gamit ang parehong makina na ginagamit upang i-scan ang mga regular na papel na balota.
Pinahihintulutan ng accessible na ballot-marking device ang sinumang botante na tingnan o masagutan ang iba’t ibang bahagi at markahan ang kanyang balota gamit ang alinmang kombinasyon ng mga sumusunod na accessible na katangian:
• Mga opsiyon sa format na touchscreen, audio, o touchscreen/audio ng mga balota.
• Mga keypad na audio-tactile ang interface at may nakaumbok na Braille.
• Mga opsiyon para baguhin ang wika, laki ng letra, bilis ng audio, lakas ng tunog, at kulay.
• Mga instruksiyon na audio sa wikang Ingles, Cantonese, Mandarin, Espanyol, at Filipino.
• Mga privacy screen para sa mga touchscreen at headphone na natatanggal ang suklob.
• Akma sa sip-and-puff, paddle, head-pointer at iba pang aparato.
• Audio o biswal na pagsusuri sa mga pinagpilian sa pagboto sa lahat ng labanan.
Personal na Tulong at mga Opsiyon sa Pagpapadala ng Balota
Maaaring humiling ang sinumang botante ng hanggang sa dalawang tao (maliban sa tagapag-empleyo ng botante, ahente ng tagapag-empeleyo ng botante, o opisyal o ahente ng unyon na miyembro ang botante) na tulungan siya sa pagmamarka ng kanyang balota. Maaari ding magtanong ang botante sa mga manggagawa sa lugar ng botohan para sa mga nabanggit na tulong. Hindi dapat manghimasok sa proseso ng pagboto o gumawa ng desisyon para sa botante ang sinumang tumutulong sa botante sa pagmamarka ng kanyang balota.
Maaaring humiling ang sinumang botante na bumoto sa “gilid ng daan” sa kahit saanmang lugar ng botohan na maaaring bumoto nang personal sa pamamagitan ng pagtawag sa (415) 554-4310 o pakikiusap sa kasama na pumasok sa loob ng botohan upang humiling na ipadala sa botante sa labas ang mga materyales sa pagboto.
Simula Nobyembre 2, ang sinumang botante na hindi kayang makalabas dahil sa sakit, kapansanan, o pagkapiit, ay maaaring mag-awtorisa ng ibang tao, pati na ng kawani ng Departamento ng mga Eleksyon, para kumuha at maghatid ng pang-emergency na balota na vote-by-mail para sa kanya. Upang humiling na mapadalhan ng pang-emergency na balota sa huling linggo ng panahon ng pagboto, kompletuhin ang form sa sfelections.org/ballotservices, o tumawag sa (415) 554-4310.
Iba pang Makukuhang Tulong para sa Accessible na Pagboto
Ang lahat ng lokasyon ng botohan kung saan maaaring bumoto nang personal ay mayroong mga accessible na kagamitan sa pagboto, kasama na ang mga lente at panulat na madaling hawakan para sa pagpirma ng listahan at pagmamarka ng balota. Ang lahat ng lokasyon ng botohan ay mayroon ding mga pasukan na accessible sa wheelchair, pati na rin ng mga booth ng botohan na accessible sa wheelchair at maaaring maupuan, at lahat ng ito ay markado ng pandaigdigang simbolo para sa pag-access.